FOCUS | Sean de Guzman, tumaya—at nanalo—sa showbiz

Sean de Guzman says his Lockdown audition would have been his last kung hindi pa rin siya naka-kuha ng part doon. Ilang beses na raw kasi siyang na-reject. “Binigyan ko ng isang pagkakataon ’yong sarili ko na sabi ko, ‘Last na talaga ’to.’ Ayon, nabigay naman [sa akin]. Nabigay naman ni Lord.”

PHOTOS: @seandgman_ on Instagram

Sean de Guzman says his Lockdown audition would have been his last kung hindi pa rin siya naka-kuha ng part doon. Ilang beses na raw kasi siyang na-reject. “Binigyan ko ng isang pagkakataon ’yong sarili ko na sabi ko, ‘Last na talaga ’to.’ Ayon, nabigay naman [sa akin]. Nabigay naman ni Lord.”

 

Naging matunog ang pangalan ni Sean de Guzman sa pagpasok n’ya sa showbiz dahil sa matapang n’yang pagganap sa pelikulang Anak ng Macho Dancer na ipinalabas online nitong nakalipas na January. 

Ang Anak ng Macho Dancer ang ikalawang movie ni Sean at sa pelikulang ito ay s’ya mismo ang bida. Mas nauna itong nai-release kesa sa nauna n’yang pelikula na Lockdown, kung saan isa lamang siya sa mga supporting actors ng bidang si Paolo Gumabao.

Hinangaan at pinag-usapan ang aktor sa kanyang mahusay at matapang na pagganap sa mga karakter sa dalawang pelikula. 

Pero muntik na palang hindi matuloy ang big break na ito ni Sean sa showbiz.

Kasi before ako mag-audition doon sa Lockdown—kasi ’yon ang first [movie] ko, dapat mag-a-apply na ako sa Starbucks...sa isang establishment,” latag ng 20-year-old showbiz newbie sa aming exclusive virtual interview. 

May resume na akong hawak. Nagpagawa na ako then kinabukasan mag-a-apply na ako kasi nga pandemic.”

PHOTO: @seandgman_ on Instagram; ART: Stephen Jan Cruz

 

Pangalawa si Sean sa magkakapatid at s’ya ang tumatayong breadwinner kaya kailangan daw n’yang makahanap na ng stable income. 

“As a breadwinner of the family ako lang ’yong inaasahan,” aniya. “Ganu’n ’yong nasa isip ko nu’ng time na ’yon na, ‘Kailangan ko nang magtrabaho. Hindi na p’wede ’yong ganito na naka-petiks lang ako.’

Ilang beses na daw kasi silang sumubok ng mga ka-grupo n’ya sa boyband na Clique 5 sa iba’t ibang auditions para mabigyan ng break sa showbiz pero ilang beses din daw silang na-reject.

Humingi ako ng sign kay God...na naibigay naman N’ya,” pagre-recall ni Sean. “Kasi lahat ng pinag-audition-an namin ng mga kagrupo ko nare-reject kami

“So, nandu’n na ako sa point na sawa na ako sa rejection and sumuko na ako talaga,” pagpapatuloy n’ya. “Sabi ko, ‘Hindi para sa akin itong path na ito, itong way na dinadaanan ko.’ 

“And then, binigyan ko ng isang pagkakataon ’yong sarili ko na sabi ko, ‘Last na talaga ’to.

Ayon, nabigay naman [sa akin]. Nabigay naman ni Lord,” sey pa ni Sean.

PHOTO: @seandgman_ on Instagram; ART: Stephen Jan Cruz

 

Nang mag-audition naman daw siya para sa Anak ng Macho Dancer—na sequel sa movie ni late director Lino Brocka na Macho Dancer starring Allan Paule noong late ’80s—supporting role lang daw ang tinarget niyang makuha noon. 

Nu’ng naalaman ko ’yong audition sa Anak ng Macho Dancer, nag-text sa akin ’yong organizer nu’ng audition sa Macho Dancer,” pagbabalik-tanaw n’ya. “Ayon, nag-try lang ako and pinalad naman ako na ako ’yong nakuhang lead. Dapat ang magiging role ko lang doon is isa sa macho dancers, ’yong sumasayaw doon. Ayon po, pinalad naman tayo doon.

Hindi lang daw basta katuparan ng pangarap na makita ang sarili na umaarte sa mga mainstream movies ang nakikita niya sa showbiz. Gaya ng ibang mga nauna sa kanya, Sean also sees this as an opportunity para matulungan ang pamilya financially. 

Dati pangarap ko lang po na balang araw mapapanood din ako sa mainstream,” k’wento pa ni Sean. “Pero hindi ako nag-e-expect na mabibigyan ako ng… Parang pinapangarap ko lang na sana makakuha ako ng ganu’ng role, makakuha ako ng ganu’ng trabaho. 

Kasi pag iinisip ko, pag ako ’yong nag-artista, ako ’yong bida, may pagkakataon akong umunlad sa buhay, ganu’n. ‘Yon ang naiisip ko before.”

Bata pa lang kasi si Sean nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Nagtrabaho abroad noon ang kanyang nanay and this led to his dad going wayward.

Naghiwalay kasi ’yong mother ko at ’yong father ko. [Nasa] Grade 4 ako nu’n, e. Hindi ko lang alam kung anong taon. Nasa Bulacan ’ata s’ya [’yong father],” pagbabahagi n’ya. 

At this point, sineseryoso naman ni Sean ang real-life role niya bilang family breadwinner.

“Of course, gusto kong bigyan sila ng stable na buhay. May bahay, ’yong tipong hindi na kami nagugutom. Nakakakain na kami,” lahad n’ya. “Well, ngayon naman nakakakain na kami ng tatlong beses [sa isang araw]. 

Gusto ko lang makita silang masaya,” seryosong dagdag niya. “Saka ko na lang iisipin ’yong pansarili ko, ’di ba? Basta mai-stable ko sila.” 

At kahit mula s’ya sa isang broken family ay hindi naman daw nauhaw sa pagmamahal ang promising young actor. 

Lahat naman tayo naghahangad ng kumpletong pamilya. Pero para sa akin, okey naman na kami. Masaya na kami. Randam ko pa rin naman ‘yong pamilya sa kanila,” pahayag n’ya. 

At ngayong isa na s’yang ganap na artista, ibinahagi ni Sean kung saan s’ya humugot ng lakas ng loob para magawa ang mga maseselang eksena sa kanyang mga naging pelikula. 

Siguro dahil na rin sa…as an actor, as an artist, dapat marunong kang sumunod sa direktor,” paliwanag n’ya. 

Naniniwala kasi ako na pag artista ka [dapat] kaya mo ang lahat ng ipapagawa. Pero dapat meron ka pa ring limitations. 

Pag ‘di mo na kaya, p’wede ka namang humindi. Irerespeto naman nil ’yon kung ano ’yong magiging desisyon mo. But as long as kaya mo ’yong ipapagawa, go tayo d’yan.

After two movies, agad nasundan ito ng dalawa pa: Ang Nerisa, kung saan love interest siya ng matapang ding si AJ Raval; at ang Taya, kung saan sila na ni AJ Raval ang bida.

At dahil narasanan na niyang mahawakan ng mga bigating director at maka-arte kasama ng mga beterano, na-realize daw ni Sean that acting is not just a means to earn money kundi isang bagay na p’wedeng mahalin at i-hone further.

These days, inaasam na ngayon na mas maging mahusay pa siya sa larangang ito.

 “Ngayon, nagugustuhan ko na s’ya [ang pag-aartista], nagiging passion ko na s’ya. Minamahal ko din.

Masaya naman daw s’ya sa naging suporta ng kanyang pamilya sa pinasok n’yang mundo. 

However, hindi daw n’ya maiwasang maasiwa noong napanood na ng mga ito ang mga pelikula n’ya dahil nga sa maseselang eksenang sinuong niya.

“Supportive naman sila sa akin. ’Yon nga lang nakakailang kasi may mga part du’n na hindi kaaya-aya. Pero okey naman. Supportive naman ’yong mga ’yon,” ani Sean. 

PHOTO: @seandgman_ on Instagram; ART: Stephen Jan Cruz

 

Napa-flatter din daw s’ya sa mga nagsasabing magkahawig sila ng veteran actor na si Allan Paule. Malaking tulong nga naman sa pelikula ang pagiging mukhang mag-ama nila talaga. Naihahambing din ang naging pagsisimula nila sa showbiz.

S’yempre, natutuwa ako. Batikang aktor si Sir Allan Paule, e,” masayang sagot ni Sean. “Naikumpara ako sa kanya na ganito daw si Sir Allan Paule nag-start [sa showbiz]. Bata. Ganito rin daw ang hitsura [n’ya] nu’ng kabataan. Nakaka-flatter na tawagin kang Allan Paule.”

Thankful din daw s’ya dahil mismong ang aktor daw ang gumabay sa kanya sa first major break niya. 

In-advice-an n’ya ako ng about sa acting skills, ganyan. Hindi naman n’ya ako pinabayaan lalo na kapag magka-eksena kami,” pagre-recall pa n’ya. “Hindi naman po si Sir Allan Paule na madamot na aktor. Tinutulungan n’ya ’yong co-actors n’ya.

At kahit masasabing game sa paghuhubad sa pelikula sa ngayon si Sean ay gusto rin naman daw n’yang mag-level up at maka-explore ng iba pang characters at film genre. 

Ako, ayoko ma-type cast as ganu’n [puro sexy roles],” sey ng aktor. “Sa panahon kasi ngayon natin naibabalik ’yong ganu’ng genre ng film, ’di ba? Sa ngayon okey sa akin na gumawa ng sexy films. 

Pero gusto ko ring mag-aral ng ibang genre. Gusto ko rin ma-try ’yong iba…action, horror, lahat...Lahat ng genre.”

Bago mag-pandemic at magka-break sa showbiz ay kumukuha pala ng culinary course ang batang aktor. First love daw niya ito. At balak naman daw niyang balikan ito sakaling umayos na ang panahon.

’Yon kasi ang first dream ko, e. Ayon ’yong pinakaunang-una kong pangarap sa buhay kaya ‘yon ang kinuha ko,” k’wento ni Sean. 

“Stop muna [sa pag-aaral] kasi nagpo-focus ako sa career. But kapag okey na ’yong schools, itutuloy ko pa rin kasi mas gusto ko ’yong face-to-face na pag-aaral kesa sa online. Hindi ako makapag-focus lalo na self-study kami. Walang nagtuturo kaya nahihirapan din ako. After na lang [ng pandemic].”

PHOTO: @seandgman_ on Instagram; ART: Stephen Jan Cruz

 

At present ay happy sa pagiging single si Sean na nakatutok sa kanyang showbiz career. Naranasan daw kasi n’yang tumaya at matalo sa isang relasyon noon. 

Alam mo ’yon, nag-aksaya ako ng oras [sa isang relasyon]. Walang commitment, no labels,” pag-amin niya. 

Pero gusto ko rin naman, ayoko rin naman na mawala s’ya hanggang sa hinintay ko na lang din na s’ya ’yong sumuko. 

Kumbaga, nanghinayang lang ako du’n sa time na imbes na nag-focus ako sa ginagawa ko, sa career.”

Sa ngayon, masaya naman daw s’ya sa newly found friendship with AJ Raval na co-actor n’ya sa upcoming movie nila under Viva Films na Taya. 

(Nauna nang i-launch ang kanilang sexy loveteam sa pelikulang Nerisa na currently streaming pa rin sa Vivamax).

Sa mga pinakita n’ya sa akin sa pagsasama namin [sa mga pelikula], may mga nagustuhan ako na pinakita n’ya sa akin,” lahad ni Sean. 

Kaya rin siguro nagustuhan ko s’ya bilang isang tao kasi sobrang totoo ni AJ, e. Wala s’yang tinatago. 

“’Yong ibang sikreto n’ya sinabi n’ya sa akin. Parang ganu’n s’ya katiwala sa akin kahit na this year lang kami nagkakilala. Ganu’n na ’yong tiwala n’ya sa akin.

Naungkat pa ang tila nakakakilig na asaran nila ng sexy-drama actress sa kani-kanilang Instagram posts kamakailan. 

Kasi nag-start ’yon [asaran] nu’ng nag-post ako nang matino. Binabati ko s’ya na magaling na aktres, magandang babae,” dagdag pa n’ya. 

“So, after one week, nag-post s’ya ng picture naming dalawa na parang nakalagay du’n na may gusto daw ako sa kanya,” natatawang k’wento n’ya. “Pero sino ba namang hindi magkakagusto kay AJ Raval?” 

Tatayaan ba n’ya ang isang AJ Raval kung sakali?

Oo, s’yempre. Tatayaan natin,” natatawang tugon ni Sean. “Kasama pati pato.

 

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Pika's Pick: Viva’s Taya trailer gets 1.5M views in less than two days

AJ Raval, mas pipiliin daw ang showbiz career over love life sa ngayon

Fast-rising sexy actress AJ Raval answers pikapika’s Random (Naughty) Questions

AJ Raval, maayos ang relasyon sa kanyang 17 kapatid

 

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.