Ai-Ai, excited nang maging piloto ang mister niya

PHOTOS: Allan Diones & @msaiaidelasalas on Instagram

PHOTOS: Allan Diones & @msaiaidelasalas on Instagram

By November or December this year ay ga-graduate na sa Aviation school ang mister ni Ai-Ai delas Alas na si Gerald Sibayan at magiging ganap na piloto na ito.

Kuwento ng proud wifey na si Ai-Ai, sa ngayon ay madalas nasa Subic ang kanyang hubby kaugnay ng flying course nito, pero bago matapos ang taon ay isa nang pilot ang kanyang mister.

Once maging licensed commercial pilot na si Gerald, gusto raw nitong mag-apply either sa PAL (Philippine Airlines) or JAL (Japan Airlines) bilang paborito nilang mag-asawa ang Japan.

Ayon sa Comedy Queen nang makatsika namin siya sa contract signing at presscon niya bilang brand ambassador ng Siomai King, nakapagpalipad na ng eroplano si Gerald nang solo.

Nasakyan na ba niya ito?

“Siya? Madalas ko siyang masakyan! Ha! Ha! Ha! Madalas ko siyang sakyan, pero ‘yung paglipad niya, hindi ko pa siya nasasakyan,” natatawang sagot sa amin ng komedyana.

“Excited ako siyempre at saka excited ako na gumradweyt siya. Kasi, ang popogi nila ‘pag gagradweyt na sila. In full uniform,” kilig-kiligang pakli ni Ai-Ai.

Dating badminton player ng La Salle si Gerald nang magkakilala sila ni Ai-Ai hanggang sa magkainlaban sila at magpakasal nu’ng December 12, 2017.

May mga namba-bash sa 25-anyos na asawa ni Ai-Ai sa social media at sinasabing siya ang bumubuhay dito.  

Puwede na niyang sagutin ang bashers na may natapos si Gerald at meron na itong sariling career.

“Dati pa naman siyang merong career. Kasi, may business naman ‘yon at saka graduate naman ng college si Gerald. La Sallista pa siya.

“Kumbaga ngayon, sobra lang ‘yung angat ng magiging career niya. Kasi, para mabuhay niya raw ako nang matiwasay.

“Kasi, siyempre ‘di ba, gusto kong mag-shopping, gusto ko ng ganito, gusto kong pumunta sa ganitong lugar?” sey ng 54-anyos na Reyna ng Komedya.

In fairness, malaki kumita ang mga piloto, ‘di ba? Ang taray, puwede na siyang magpahinga sa showbiz at ang dyowa na lang niya ang mag-work, ha?

Napangiti si Ai-Ai sa sinabi namin at biglang nagpa-girl with matching flip ng long hair niya.

“I’m so sorry, ‘yun nga ang gagawin ko!” dayalog ni Ai-Ai, na ang delivery ay mala-OA na kolehiyalang namimilipit ang dila sa kaartehan ng pagsasalita.

Napapangiting bawi niya, “Hindi naman, tutulungan ko pa rin ‘yung asawa ko, kawawa naman. Ang dami-dami kong tinutulungan, ang dami kong charity, ang lagay namang lahat ‘yon, iparesponsibilidad ko sa kanya?

“Siyempre, ayoko namang ‘yung responsiblidad ko, ibigay ko sa kanya. Although siyempre, masarap ‘yung ako ang bubuhayin niya, pero ‘yung iba kong responsibilidad like charities ko, mga tinutulungan kong kamag-anak ko, mga ganito, mga kung anu-ano, siyempre hindi ko na ipapaano sa kanya ‘yon. Ano ‘to, pabigat?”

Isang kapatid ni Gerald ang nagma-manage ng AiSian Fusion restaurant nila sa Ayala Malls Cloverleaf sa QC kung saan ginanap ang presscon ni Ai-Ai for Siomai King.

Gaya ni Ai-Ai ay mahilig din daw kumain ng siomai si Gerald at paborito nito ‘yung Hong Kong-style siomai ng Siomai King.

“At saka ‘yung Siomai ng Ina N’yo, ‘yun ang kinakain niya! Ha! Ha! Ha!” pilyang hirit sa amin ni Ai-Ai sabay halakhak.

Aside from being an endorser ay franchisee na rin si Ai-Ai ng apat na Siomai King carts/kiosks. One is located in Bulacan, ang isa ay sa Laguna at ang dalawa ay iisipin niya pa kung saan niya ipupuwesto.

Happy si Ai-Ai na part na siya ng Siomai King family at balak daw niyang sabihin sa may-ari nito na si Mr. Jonathan So na lakihan ang ‘A’ at ‘I’ (as in SiomAI) sa signage ng Siomai King kiosks niya para malamang sa kanya ‘yon.

At nang tanungin namin kung anong plano nilang gawin ni Gerald sa nalalapit na Mother’s Day, ang sagot sa amin ni Ai-Ai ay, “Wala, kakain lang kami sa labas... ng siomai.. ng Siomai ng Ina N’yo! Ha! Ha! Ha!”

Aligaga rin ngayon ang Comedy Queen sa promo ng pelikula niyang Sons of Nanay Sabel (S.O.N.S.) kasama ang mina-manage niyang grupo na Ex Battalion. Sa May 8 na ang showing nito sa mga sinehan.

Sey niya, magaling ang XB sa movie at in fairness ay matutuwa raw ang fans ng mga ito na mapanood ang nasabing rap group na umaakting sa pelikula.

“At saka pogi naman sila sa screen, kahit naman sila gano’n. Cute naman sila sa big screen. ‘Yung dalawa ko kasing anak na maitim, hindi naman sila mukhang maitim doon sa screen. Nailawan naman nang maayos, kaya pumuti-puti naman!” natatawang sambit ni Ai-Ai.

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Ai-Ai, ready nang mag-buntis next year

Ai-Ai delas Alas answers random questions from Pikapika!

Ai-Ai, best actress na naman!

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.