Ai-Ai, ready nang mag-buntis next year

PHOTOS: Melo Balingit & @msaiaidelasalas, @gerald_sibayan on Instagram

PHOTOS: Melo Balingit & @msaiaidelasalas, @gerald_sibayan on Instagram

Habang sinusulat ang item na ito ay nasa Subic, Zambales na si Ai-Ai delas Alas at ang asawang si Gerald Sibayan para i-celebrate ang 5th anniversary nila as couple (magda-dalawang taon palang silang kasal). Doon din kasi naka-base ngayon si Gerald dahil nandoon aviation school kung saan siya nag-aaral para maging piloto.

“Nagpi-piloto siya kasi para mabuhay niya raw ako nang marangal,” natatawa pero seryosong tsika ni Ai-Ai sa mga members of the press—kabilang na ang pikapika—kahapon sa media conference ng upcoming musical-comedy film niyang Sons of Nanay Sabel with the Ex Battalion.

Magpo-photo shoot daw silang dalawa doon ng ala-JLo (Jennifer Lopez at ng fiancé nitong si Alex Rodriguez) at si “Kambal.”  Ang tinutukoy ni Ai-Ai ay ang engagement photos na ibinahagi ni JLo sa kanyang Instagram account noong March 9, 2019; habang ang “kambal” naman ay ang kaibigan niyang si Marian Rivera at ang asawa nitong Dingdong Dantes na nag-post din ng kanilang maternity shoot kamakailan.

Pero bago ’yon ay may sinabi munang censored ang comedy queen tungkol sa kung ano pa ang gagawin nilang mag-asawa doon.

Miss na miss na raw niya ang asawa dahil nga naka-base ito sa Subic lately kaya looking forward din sila sa darating na Holy Week vacation dahil they will get to spend it together sa Morong, Bataan naman daw.

Mapapansin na panay ang post ni Ai-Ai ngayon ng mga pictures nila ni Gerald sa social media na may kasama pang mga kung tawagin ay cheesy messages. Bumabawi raw kasi si ai-Ai sa asawa dahil noon daw ay itinago niya sa publiko ang tungkol sa kanila.

“Diyos ko dati talaga grabe parang everyday, everyday bas-bash-bash,” natawanag pagre-recall ni Ai-Ai sa pinag-daanan ng kanyang May-December love story kay Gerald, whom is now 25 against her 54 years.

“Bash is life! Gano’n ’yong dating sa akin dati. Parang wala naman akong ginawa, nag-syota lang ako parang pumatay na ako ng sampung tao. Weird. Actually weird na weird nga ako noon, e. Ano nangyayari? Kumbaga sa Tagalog hindi ko maapuhap or in English I can’t  comprehend, hindi ko talaga maano. . .

“Hindi ko maiisip na gano’n na pala buhay ngayon ’no? Na bawat… lahat ng tao may opinyon. Kasi s’yempre kami ’yong lumang artista hindi naman kami dumaan sa social media diba? Parang minumura kami, kung anu-ano sinasabi sa amin…parang bakit gano’n? Ano’ng nangyari? Ano ba’ng ginawa ko? ’Yong gano’n ’yong tatanungin mo tuloy sarili mo. Ano’ng nangyari? Bakit gano’n? So, ngayon nasanay na ako na ‘Ah, kasi may social media na pala.’ Gano’n na pala ngayon.”

 

Baby for Gerald

Sa mediacon din ng Sons of Nanay Sabel muling naibulalas ni Ai-Ai ang tungkol sa pagpa-plano nilang mag-anak ni Gerald. 

At bagamat through IVF din ito or In Vitro Fertilization, ay hindi raw ala-Korina Sanchez ang gagawin niya na maghahanap ng surrogate mom. Keri pa naman daw niyang mag-carry (ng baby) at 54 ayon sa doktor niya. At matagal na raw siyang nakapagpa-freeze ng eggs para sa prosesong ito.

Bagama’t may tatlo na siyang anak sa ngayon— Sancho, Sophia and Shawn Nicolo. —gusto naman daw niyang mabigyan ng anak ang asawang si Gerald dahil iba pa rin daw ’yon.

“S’yempre para kay Darl naman,”  patungkol niya kay Gerald. “Para meron naman kaming anak. S’yempre aside sa may mga anak ako gusto ko naman may anak kaming dalawa para mas lalong binding ’yong pagsasama namin.”

Hindi rin daw sila umaasang magiging kambal at wala rin silang pinipiling gender dahil ang Diyos lang daw ang makapagde-decide noon. Ang mahalaga lang ay makabuo sila at maging healthy ang sanggol.

“Depende kay God,” sambit ni Ai-Ai. “Si God pa rin kasi ang magde-decide no’n kung mabubuo ’yon.”

Sa 2020 target mag-buntis ni Ai-Ai pero ngayon palang ay pinaghahandaan na niya ito physically by going to the gym para patibayin diumano ang kanyang likod.

“Saka para magpalakas,” esplika niya. “Kailangan kasi malakas ako pag ginawa ’yon. Kasi pag mahina ka, nganga! S’yempre wag naman tayong ngumanga.”

Mapapansin din daw na marami siyang gagawing pelikula this year dahil magli-leave of absence siya sa panahong magbubuntis na siya. Gusto niya raw ilaan ang pokus niya sa mahalagang bagay na iyon pero hindi naman daw siya magmumukhang mawawala dahil nga may ipapalabas naman siyang mga pelikula next year. Maari rin daw na pati sa weekly show niyang Sunday PinaSaya ay mag-lie low siya.

“Pero siguro mga first five months,” say ni Ai-Ai. “Pag safe na safe na siya [kapit ng bata].” 

Sa experience niya ay never naman daw siyang nahirapang magbuntis. But she’s not discounting the possibility that her age (54) may affect how she carries a baby now. 

“Hindi ako mahirap magbuntis, nakaka-sayaw pa nga ako pagbuntis ako e, ewan ko lang ngayon s’yempre nagbabago ang panahon.”

Nai-ready na rin daw niya ang mga anak nila tungkol sa possibility na ito at ngayon palang daw ay excited na ang mga ito.

 

Kalmado sa piling ni Gerald

Gerald, who was a member of the Philippine badminton team, had a degree in Sports Management from the De La Salle University. Pero dream din daw nitong maging piloto noon pa pero aminado si Ai-Ai na hinadlangan niya ito dala ng pagka-selosa.

“Dream niya ’yon, kaya lang noon ayaw kong i-fullfil niya ’yong dream niya kasi nga selosa ako diba? S’yempre noong kinasal na kami hindi na kasi diba nangako siya kay Lord… kay Lord s’ya umano kunwari magloko siya diba?”

Mas kampante na raw siya ngayon sa asawa kumpara noong hindi pa sila kasal. Bukod pa sa nabawasan na raw ang pagka-selosa niya. In fact, wala na raw siyang keber kung may nilala-like man itong ibang babae o posts ng ibang babae sa social media.

“Una, kasi hindi makita, e,” pabirong sabi niya. “E, ang liit ng ano niya [font] sa IG. Diba maliit ’yong ano pag mga bagets? Maliliit ‘yong mga letra, e. Di ko Makita. Di bahala na. Hahaha! Ayoko nang mag-antipara [salamin].”

Sa loob daw ng limang taon nilang relasyon, kilalang-kilala na nila ang isa’t isa at tapos na sila sa point of adjustment.

“Tapos na kasi… alam na niya, e, yong kakabwisitan ko, alam ko na rin yong kakabwisitan niya sa akin, hindi na kami masyado naga-adjust sa mga gano’ng bagay.”

Besides, kalmado raw eversince ang relasyon nila dahil never pa silang nagkaroon ng malaking away. Umaabot na raw sa puntong nag-iimbento siya ng away para lang maiba naman pero hindi siya successful dahil hindi siya pinapatulan ng asawa. Sa tingin ni Ai-Ai, ang pagiging maka-Diyos nila pareho ang dahilan kung bakit payapa ang relasyon nila.

“Parati kaming nagsisimba, parati kaming nagno-novena na magkasama. So ’yon…at saka parati kaming ewan ko bakit tuwing nagko-communion kami bigla siyang hahawak sa akin nang gano’n. Sabi ko, ‘Bakit mo ba ako hinahawakan?’ ‘Pinagdadasal kita.’ ‘Ah, okey.’

“Ako rin tuloy nahawa na sa kanya…’pahawak din ako.’” 

Malaking factor din, sa tingin ni Ai-Ai, ang pag-i-intake niya ngayon ng mga organic foods at pagbabawas ng sugar at karne.

“Kasi dati masungit ako at saka maano talaga ako topakin ako no’ng marami pa akong sugar sa katawan. E, ngayon wala kalmado na ako. Pag nagugutom na ako ganito lang ako, ‘nagugutom na ako.’ Dati pag nagugutom ako— s’yempre sugar ’yon diba? Kanin—parang feeling ko gusto ko nang manabunot ng tao kasi hindi pa ako nakakain ng kanin. 

“Oo dati pag nag-a-abroad kami—diba sa abroad wala naman kanin dati kasi hindi naman maraming Filipino store dati diba?—parang feeling ko gusto ko nang manaksak ng tao dahil hindi na ako makakain ng kanin. Ngayon pag nagugutom ako, nagugutom na ako. Gano’n lang. Dati, ‘Ano ba, gutom na gutom na ako!’ Parang gusto kong magwala.

“At saka siguro edad, pag nagkaka-edad ka, nagma-mature ka. Parang ano you choose your battle…’yong hayaan mo na ’yong wala naman kwenta. Hayaan mo na.”

At this point in their nearly two-year marriage (they were wedded December 12, 2017), secured daw si Ai-Ai na mahal na mahal siya ng mas bata niyang asawa.

“Kanina nakita ko ’yong [wedding] video namin e, surprise ko ’to sa kanya kasi ’yong Nice Print kanina pinadala sa akin ’yong video…doon ko talaga nakita na, ‘Ay mahal pala talaga ako ni Darl kasi maka-capture mo ’yon, e. Hindi mo p’wedeng [dayain]. Doon ko talaga nakita na, ‘Ay, mahal na mahal pala ako ni Darl.’ Gano’n. Nakita ko sa video… sa kilos niya, sa mata niya, sa saya niya. Parang ang ganda ko. Gano’n ’yong dating.”

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Ai-Ai delas Alas, happy at last!

Ai-Ai delas Alas answers random questions from Pikapika!

Ai-Ai, kinumpirmang may pang-MMFF movie sila ni Coco at Jennylyn

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.