Tinawag ni multi-awarded movie and TV director Erik Matti na pokpok ang mga artista na hindi seryoso sa kanilang trabaho.
Sinabi n’ya ito sa tsikahan nila ng comedian-vlogger and talent manager na si Ogie Diaz at ng ka-tandem nitong si Mama Loi sa vlog entry na in-upload sa YouTube channel ng huli last November 22.
Natanong kasi s’ya kung meron ba s’yang kinabuwisitang artista at kung nagpalayas na raw ba ito ng artista sa set dahil sa kawalan ng kalidad ng pag-arte.
Sagot ni Direk Erik, hindi naman daw s’ya mahigpit sa mga artita when it comes to their acting skills lalo na kapag bago pa lang sa showbiz. Napapalagpas n’ya daw ’yon. Ang pinaka-ayaw daw niya ay ’yong mga artistang tamad.
“Ang pinaka-ayaw kong talagang makatrabaho ay ’yong tinatawag kong mga pokpok na artista,” diretsang lahad ng Ilonggo director.
Ito daw ’yong mga tamad na laging umaasa sa sinasabi ng direktor at hindi nagkukusa para maging natural ang dating ng eksena.
“’Yong hindi nagpaplano, hindi nagho-homework, hindi nagbabasa ng script. Pag dating [sa set], sasabihin sa’yo, ‘Direk, kahit anong ipagawa mo gagawin ko.’ Pero ’yong walang ina-ambag ba sa eksena,” aniya.
“Basta sasabihin na, ‘Direk, tatayo ba ako dito?’ ’Di ba? Wala [input sa eksena]. Pokpok nga, e. ’Yong [tipong] ‘Nandoon ako para kumita tapos hindi na ako magbabanat ng buto.’”
Dahil dito ay natanong s’ya kung meron ba s’yang ayaw nang maka-work pa in the future. At kung meron, sino ito.
“Meron,” natatawang sagot n’ya. “Cancelled na ako nito pag sinabi ko.”
Idinetalye na lang niya kung ano ang nangyari at nauwi sila sa sitwasyon nila ngayon.
“Ito lang, ibigay ko muna ’yong reason. Ako ’yong direktor na hindi ako bastos sa set. Hindi ako naninigaw,” lahad n’ya sa dalawang kausap.
“Pag hindi ko gusto ang acting mo, maririnig mo pa rin sa akin: ‘Ganda! Try natin ng iba [atake].’ Hindi ko sasabihin na, ‘Ba’t ganyan? Obob ka!’ Hindi ako ganu’n.
“Hindi ko gagawin ’yon. Pasensyoso ako sa artista. Enjoy na enjoy akong makipagtrabaho sa artista. So, ini-expect ko pabalik that kind of respect sa direktor. Hindi naman ako nagpapa-diva sa set, e.”
Bilib nga daw s’ya sa mga beteranong mga artista na kahit naglalakihang bituin na sa showbiz ay marespeto pa rin at mahusay makisama sa set.
“Isipin mo na si Dante Rivero na talagang sinasanto ko talaga, cool na cool kami sa set mag-usap,” k’wento pa n’ya. “Alam mo ’yon? Ramdam mo ’yong respeto.
“Pag tumatagal ’yong set up ko s’ya pa ’yong magsasabi, ‘Okey lang ako dito, ha. ‘Wag mo akong isipin.’ Kahit may taping pa ’yan the next day. Mga batikan talaga…mga senior na actors natin.
“[Si] Boyet (palayaw ni Christopher de Leon), ganu’n, din. ‘Basta sige, tapusin natin ’to, Direk.’”
Iyon daw ang mga magagandang katangian na wala sa artista na ayaw n’yang pangalanan.
“Naiinis ako sa artista na never ko naman talaga s’yang inasam [na makatrabaho]. Parang feeling ko perfect lang s’ya sa role kaya ko s’ya kinuha,” pagpapatuloy ni Direk Erik.
“Tapos, isipin mo nag-shoot kami ng sobrang laking party…party ha sa OTJ. Multi-cast. John Arcilla, Dante Rivero... tapos ang dami pang [artista] na nakapaligid kay Dante Rivero. Nag-rehearse kami. One shot lang, e. Isang tuhog lang. Makana ko lang ’yon okey na, uwian na. Rehearse…dalawang rehearsal. ‘Okey, take na natin.’”
Matapos noon ay bigla na lang daw nowhere to be found ang aktor na kailangan sa eksenang kukunan.
“Nawala na ’yong isang artista. Umuwi. Walang paalam. Kasi daw may taping pa s’ya the next day,” pagbabalik-tanaw n’ya.
“Galit na galit ako pero hindi na ako nagwala. Ang sinend-an namin [ng reklamo] ’yong [talent] manager. ‘Bakit nangyari ’yon? Hindi n’yo ba kinontrol ’yong artista n’yo?’
“S’yempre inulit ko [ang shoot sa eksena] kasi wala na s’ya. Isipin mo 200 crowd, pack up ’yong isang set na ’yon.”
Ang mga big stars naman ng movie ang rumesbak para sa kanya.
“Buti na lang the next day ang nagsabi ng gusto kong sabihin [sa aktor] ayan sina Dante Rivero, kinuyog s’ya. ‘Hindi mo man lang kami naisip. Nandito lang kami. Hindi mo nakita kung gaano kalaki ’yan? Naghihintay lahat ng tao magawa lang ’yong eksena na ’yan.’”
Dugtong pa n’ya, “May mga bulag na musikero. May mga ganu’n kami. Ang laki [ng eksena]. May big band. Tapos ikaw umuwi ka lang nang walang pasintabi?”
Dahil palaisipan na kung sino ang aktor na ito ay nag-request si Ogie kung p’wede daw bang banggitin n’ya ang pangalan ng aktor.
“Hindi ko nga mabanggit, e , kasi nag-friend request na sa akin ’yong…” natatawang sagot n’ya.
Hirit pa ni Mama Loi, “Clue na lang, Direk.”
Tugon naman n’ya sa dalawa, “Rumored boyfriend ng isang designer.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber