Anak ni Claire dela Fuente na isa sa akusado sa Christine Dacera Rape-Slay Case, itinanggi ang paratang

SCREENSHOT: GMA News on YouTube

SCREENSHOT: GMA News on YouTube

Mangiyak-ngiyak na nagpaunlak ng panayam sa programang Quick Response Team [QRT] ng GMA News TV ngayong araw, January 5, si Gregorio Angelo Rafael de Guzman hinggil sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera

Si de Guzman ay anak ng OPM icon and entrepreneur na si Claire dela Fuente at isa sa labing isang personalidad na kinasuhan ng reklamong rape with homicide. 

Ayon sa inilabas na reports, nakipag-party umano si Dacera kasama ang lagpas sampung lalaki ng gabi ng December 31 bilang pagsalubong sa Bagong Taon. Ang pagtitipon ay naganap sa City Garden Hotel sa Makati City.

January 1 naman nang matagpuan ang walang buhay na katawan ng flight stewardess sa bathtub ng nirentahang room. 

Lumabas sa naunang autopsy sa labi ni Dacera na aneurysm umano ang ikinamatay ng biktima. However, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng pulisya, nakitaan ng mga pasa sa tuhod ang flight attendant, maging ng laceration at semen sa kanyang ari. 

Dahil dito, hindi inaalis ng otoridad ang posibilidad na ginahasa muna ang biktima bago ito pinatay. Lalo pa’t maliban sa mga katrabaho ni Dacera ay may iba pa daw na mga lalaki na nasa party na niyaya naman ng mga co-workers n’ya.

Inaresto na ang tatlo sa mga akusado na sina John Pascual Dela Serna III, John Paul Reyes Halili, at Rommel Daluro Galido na ngayon ay mga nakakulong sa Makati City Police Station.

Kabilang si de Guzman sa mga pinaghahanap ngayon dahil sa krimen dahil isa ang pangalan niya sa lumutang na akusado.

However, nang nakausap ni GMA reporter Emil Sumangil si de Guzman ay itinanggi n’ya ang paratang. 

K’wento n’ya, noong gabing iyon lang daw n’ya nakilala si Dacera na ipinakilala ng mga flight attendants na kakilala nito. 

Nauna din daw s’yang matulog that night at pagkagising na lang daw n’ya nalaman na may nangyari nang masama sa dalaga. 

Pinasinungalingan din n’ya ang mga naglabasang reports sa social media dahil hindi daw nila iniwan ang biktima. Katunayan, isa pa daw s’ya sa nag-CPR o cardiopulmonary resuscitation sa walang buhay na si Dacera, at isa rin umano siya sa nagdala 
dito sa ospital. 

“Nandu’n po kami,” pahayag ni de Guzman sa news program. “Hindi naman iniwan si Tin. Until the end, hindi namin iniwan si Tin. 

Kaya ang sakit ng mga sinasabi nila. Hindi nila alam ang nangyari. Tumingin sila sa CCTV. Nandu’n kami, sa police station sa ospital, sa hotel. Hindi namin s’ya iniwan.”

Pinabulaan din n’ya ang ibinibintang sa kanila na rape. Hindi n’ya daw ‘yon magagawa dahil sa isa daw s’yang homosexual. 

“Absurd po,” tugon ni de Guzman sa bintang sa kanya. “Paano po naging rape? Bakla po ako. Never po akong nakipagtalik sa babae kahit kailan. Never in my life.”

Maliban sa kanya, tinutugis ngayon ang ilan pa sa mga nakasama ni Dacera sa party ng gabing ‘yon na sina Clark Jezreel Rapinan, Ed Madrid, Jammyr Cunanan, Louie de Lima, Mark Anthony Rosales, Rey Englis, Valentine Rosales, at isang nakilala lamang sa pangalang Paul.

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.