Hindi daw inakala ni Angel Locsin na makakapasok s’ya sa showbiz dahil tingin n’ya noon ay hanggang pag-o-audition lang sa mga commercials ang mararating n’ya.
Ikinuwento ito ng aktres nang mapa-throwback s’ya during her guesting recently sa podcast ni Matteo Guidicelli na MattRuns sa Spotify.
Hindi daw kasi mayaman ang kanyang pamilya, at bulag pa ang tatay n’ya kaya pinatulan daw n’ya ang lahat ng mga opportunities na kumakatok noon sa kanya.
“Bulag kasi ’yong tatay ko so naghahanap ako ng way para maka-contribute [sa mga pang-gastos] sa bahay,” pagbabalik-tanaw ng Kapamilya actress and TV host. “So, isa akong batang raketera. ’Yong, may fashion show? Game! May audition dito? Game!”
However, hindi daw n’ya naisip na papasukin n’ya ang pag-aartista.
“Hindi sumasayad sa isip ko na p’wede akong mag-artista,” lahad pa n’ya. “Kasi sa pamilya ko wala namang [taga-] showbiz, e. Napakasimpleng tao ng pamilya ko, ‘di ba?”
Nagkakasabay nga daw sila noon ni Solenn Heussaff sa mga pa-audition para sa mga TV commercials.
“Si Solenn laging nakakasabay ko yan sa mga VTR. Wala pang [opportunity sa] GMA nu’n, mga commercials pa lang. Nagko-commute ako simula Caloocan hanggang Makati,” patuloy na pagre-recall ni Angel.
“Naka-ilang [sakay ng] bus ako at mag-e-MRT pa ako. Pawisan ako tapos diretso ako audition… Papasok si Solenn galing kotse. Ang ganda-ganda ni Solenn. Alam mo ’yong gusto ko na lang umuwi kasi alam mong hindi ka makukuha,” natatawang k’wento pa n’ya. “Hanggang doon lang ’yong akala ko. Hindi ko akalain na papasok ako sa industriyang ito.”
Hanggang noong 2002 ay napabilang ang aktres sa youth-oriented show na Click sa GMA Network. Pero that time daw ay hindi n’ya kayang mapanindigan na isa na s’yang artista.
“Tapos nu’ng nakapasok ako, hindi ko s’ya ma-claim,” pag-amin n’ya sa MattRuns. “’Yong barkada ko, hindi ko sinabi sa kanila. Hanggang noong umere na ’yong Click. Sabi nila, ‘Gel, ikaw ba ’to?’ ‘Pa’no namang ako ‘yan? Angelica Colmenares ako. Angel Locsin ’yan.’
“Nahiya akong sabihin kasi pakiramdam ko mawawala s’ya kaagad na kapag clinaim ko, pa’no kung the next day tanggalin na ako sa show, ’di ba?”
Isa pa sa inamin ni Angel kay Matteo ay dapat daw ay dalawang taon lang ang itatagal n’ya sa showbiz dahil gusto lang n’yang makaipon para sa operasyon ng tatay n’ya.
“Alam mo ba dapat two years lang ako sa showbiz? ’Yon kasi ’yong deadline ko nu’n, e. Mag-iipon lang ako [tapos] ipapa-opera ko [’yong] tatay ko,” saad pa n’ya. “Tapos nu’ng naka-ipon na ako ng…siguro mga 75 percent—medyo mahal kasi ’yong operasyon, e—sinabi sa amin ng doktor na hindi na pupuwede.”
Dahil sa panghihinayang at disappointment ay nawalan daw ng gana si Angel sa pagtatrabaho pero kalaunan ay na-challenge na rin daw s’yang ipagpatuloy ang pag-aartista.
“’Yon medyo na-lost ako. Parang wala akong purpose. Hindi ko alam kung anong gagawin,” patuloy na pagtatapat ng aktres kay Matteo.
“And then, na-challenge ako. Hindi ko alam kung alam mo ’yong parang bullying o discrimination. Na-challenge lang ako. Parang…‘Okey ipakita ko na kaya ko,’” pagtatapos n’ya.
At present ay nakatuon muna si Angel sa kanyang personal na buhay at nag-aaral daw kung paano ang mag-budget at magluto nilang preparation marahil sa nalalapit na pagiging misis niya sa fiancé na si Neil Arce.
YOU MAY ALSO LIKE:
Angel Locsin voices out against anti-Asian violence
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber