Angeline Quinto, inamin kay Boy Abunda na may mga anak na sa iba ang tatay ng kanyang isisilang

Ani Angeline, pinakilig daw siya ng kanyang boyfriend na ayaw niyang pangalanan. “Ang tagal kong na-miss ’yung kiligin ako,” pagtatapat ni Angge. “Hindi lang ako kinikilig dahil nanonood ako ng pelikula kundi totoong nararamdaman ko siya. “So doon nag-umpisa po hanggang sa sinabi rin naman niya sa akin ’yung tungkol sa mga past niya kasi po mayroon din siyang anak sa ibang babae,” dagdag-paliwanag ng dalaga na imbes na mag-back out sa relasyon ay kinonsider pang pogi points ang pagiging matapat ng kanyang boyfriend.

Photos: @loveangelinequinto

Ani Angeline, pinakilig daw siya ng kanyang boyfriend na ayaw niyang pangalanan. “Ang tagal kong na-miss ’yung kiligin ako,” pagtatapat ni Angge. “Hindi lang ako kinikilig dahil nanonood ako ng pelikula kundi totoong nararamdaman ko siya. “So doon nag-umpisa po hanggang sa sinabi rin naman niya sa akin ’yung tungkol sa mga past niya kasi po mayroon din siyang anak sa ibang babae,” dagdag-paliwanag ng dalaga na imbes na mag-back out sa relasyon ay kinonsider pang pogi points ang pagiging matapat ng kanyang boyfriend.

Huling linggo ng Oktubre nang maulinigan naming buntis si Angeline Quinto, pero hindi namin pinansin dahil nakausap pa namin siya via Zoom para sa 10Q concert series niya sa Metropolitan Theater na magtatapos sa Pebrero 19, 2022 at wala namang nabanggit tungkol dito. However, in-anunsyo nga niyang may boyfriend na siya na hindi taga-showbiz.

Pero nu’ng nag-guest si Erik Santos sa Cristy Ferminute show ni Cristy Fermin kasama si Romel Chika ay natanong ng online host ang binatang singer kung ano’ng alam niya sa kalagayan ngayon ni Angeline.

Nagkaroon kasi ng “something” noon sina Erik at Angge (palayaw ni Angeline) na hindi nag-prosper kasi mas prayoridad ng dalaga noon ang karera niya dahil marami pa raw siyang bills na kailangang i-settle.

Tanda naming sabi ni Angeline sa amin noon, “Kasi Ate Reg, gusto na ni Erik magpakasal, e, hindi pa ako ready. Marami pa akong obligasyon.”

Naudlot man ang kanilang romance, they managed to be the best of friends naman. Gayunpaman, pinanghihinayangan pa rin noon ng adoptive mother ni Angeline na si Mama Bob ang nangyari dahil botong-boto na siya noon sa binatang singer.

Going back sa Cristy Ferminute, hindi nakasagot si Erik bagkus ay napainom siya ng tubig na ikinatawa naman ng host na si Cristy at tinukso siyang: “Okay na, statement ’yang pag-inom mo ng tubig.”

Hanggang sa nagtanong kami sa aming source kung buntis nga si Angeline. “Oo, mga three to four months yata.  Hindi ko alam kailan mag-announce, e.  Wait mo na lang,” say ng aming source.

At noon namang launching ng “Paskong Kayakap Ka” single ni Erik ay solo rin naming natanong si Erik kung may alam siya tungkol sa pagbubuntis umano ng BFF niyang si Angeline.

“Hindi ko pansin kasi sanay naman akong makita siyang mataba,” kaswal na bitaw ng binata. “So, hindi ko halata. Pero naririnig-rinig ko nga ganu’n daw. E, ayaw ko namang magtanong nakakahiya.  Hintayin na lang natin mag-announce,” dagdag pa ng singer.  

Sakto ngayong gabi ng Biyernes, Disyembre 10, ay ipinalabas na ang Purple Chair interview si Angge sa YouTube channel ni Boy Abunda, ang The Boy Abunda Talk Channel.

Napag-usapan ng dalawa ang post ng dalaga sa kanyang Instagram account noong November 6 na naglalaman ng isang simpleng artcard na may wordings na: “New Life: Chapter One.” Tinanong ng host kung ano ang nais niyang ipakahulugan sa post na iyon.

“Kasi, Tito Boy, kaya ko naman ’yon nai-post, kasi for me naman, nu’ng nawala din ang mama ko, parang panibagong panimula ulit...” esplika ng dalaga.

“Ngayon...kaya ko po na-post ’yon dahil kay Mama Bob, at pangalawa po kasi magiging nanay na rin ako,” direktang pagtatapat ni Angeline.

Napatitig ang vlogger/host kay Angeline at panandaliang natahimik. Kaya natawa pa sa kanya ang kaharap.

“Tito Boy, hahaha! Totoo baka nagkakamali ka ng dinig!”

Mahinahong sabi ni Kuya Boy: “Tatanungin ko lang para klaro...oo o hindi, buntis ka ba, Angge?”

“Opo, Tito, opo,” sagot ng dalaga.

“Who is the father of your baby?” mabilis na sundot ni Boy.

“Nakilala ko siya Tito Boy dahil kaibigan siya nu’ng boyfriend din ng kaibigan ko sa Sampaloc, Manila,” panimulang pagba-back story ni Angge.

“Tapos nu’ng nagkita kami isang beses hanggang sa nagkaroon ng communication po, nagtuluy-tuloy. So, bale magi-isang taong mahigit na rin kami,” saad ng dalaga. 

Gustong malaman ng host ang pangalan ng boyfriend ni Angge

Nagulat at natawa muna ito, sabay sabing: “Ha? Pangalan, Tito Boy?  Ite-text ko na lang sa inyo.”

Parehong nagkatawanan ang dalawa na alam din naman ni Boy na hindi ito ire-reveal ng mang-aawit. Goal na kasing mapanatiling pribado ang tungkol sa kanyang love life.

Sumige pa ng biro ang kalog na singer-actress.

“O kaya ID niya bigay ko sa’yo, Tito Boy, para alam n’yo rin saan nagwo-work, Hahaha!

“Why did you know that he was the one?” tanong muli ng beteranong host.

“Tito Boy, ganu’n pala ’yun? Parang alam mo agad?” tila amazed na saad ni Angeline.

Love at first sight?

“Hindi naman agad!” say niya. “Matagal na rin akong hindi nagkaroon ng relationship, nagkakilala kami parang bago palang ang pandemic. So, bago nawala ang mama, na-meet pa niya [boyfriend] si Mama Bob.”

May ibang naramdaman daw noon si Angeline sa tatay ng magiging anak niya.

“Ako lang po, s’yempre bago ka pumasok sa isang relasyon may mga makikita kang mga bagay na kumplikado pero tinanggap ko kahit alam kong may mga kumplikado sa kanya,” pagtatapat nito.

“At dahil tinanggap mo, alam mong mahal mo?” susog ni Boy.

“Opo,” direktang sagot ng future mom.

Hindi sinagot ni Angeline kung masugid siyang niligawan ng magiging tatay ng kanyang anak. Pero aminadong siyang pinakinilig siya nito.

“Ang tagal kong na-miss ’yung kiligin ako,” pagtatapat ni Angge. Hindi lang ako kinikilig dahil nanonood ako ng pelikula kundi totoong nararamdaman ko siya so doon nag-umpisa po hanggang sa sinabi rin naman niya sa akin ’yung tungkol sa mga past niya kasi po mayroon din siyang anak sa ibang babae,” dagdag-paliwanag ng dalaga.

Ang pagiging matapat daw ng guy ang isa sa nagustuhan ni Angeline dito. Kahit daw kasi hindi siya nagtanong ay nauna nang nagtapat ito sa kanya tungkol sa mga detalye ng buhay nito.

Ani Angeline, may mga anak na ang kanyang boyfriend pero hindi umano ito kasal.

Isa pang puntos ng boyfriend niya ay ito ang nasa tabi niya sa panahong mabigat ang kanyang mundo dahil sa pagkawala ng kanyang Mama Bob. Aware daw ito kung gaano kahalaga sa kanya ang kanyang adoptive mom. At si boyfriend ang naging karamay niya sa malungkot na panahong iyon ng buhay niya.

“Sabi niya, ‘Huwag kang mag-alala nandito naman ako,’” pag-alala ni Angge sa sinabi ng kasintahan.

Samantala, nitong Setyembre lang daw nalaman ng dalaga na magiging nanay na siya. At siya daw mismo ang nag-test sa sarili niya.

“Tito Boy, natakot ako noong una kasi, sa totoo lang, hindi ko pa nga alam tingnan ’yung positive at negative sa pregnancy test, kasi nasanay ako sa swab [test],” natatawang bakik-tanaw ng kalog na singer.

“Ang tagal ko sa CR noon, hindi ako makalabas ng CR. Iniisip ko lang, sino’ng unang sasabihan ko? Sa bahay, wala naman akong sinabihan agad kasi natatakot nga po ako.”

Una daw niyang naisip ay kung paano ba maging nanay bilang first-timer siya. Pangalawa ay agad niyang naisip ang mga p’wedeng maapektuhang commitments niya.

Kinumusta rin ni Boy ang relasyon ni Angeline sa pamilya ng boyfriend at kung nakilala na niya lahat ng family members nito. 

Ayon sa dalaga, nagkita sila ng ina ng guy noong nasa Amerika siya. Taga-roon kasi ang nanay ng kanyang boyfriend kaya nagka-chance silang mag-meet up nito noong mag-guest siya sa concert ni Vice Ganda doon kamakailan lang.

Nanood daw ng show nila ang mommy ng guy at pagkatapos ay niyaya siyang mag-dinner.

“Okay naman po, niyaya akong mag-dinner tapos nangumusta,” k’wento muli ni Angeline. “Tinanong ako kung kailan kami magpapakasal? S’yempre sino ba’ng babae ang ayaw ikasal, di ba? Pangarap ko ’yun, pangarap ng Mama Bob...pero kasi ang kasal ibang usapan na. So, ang gusto ko kung ano ’yung tamang proseso o paghahanda para sa kasal.

“Kasi ngayon ang pinaka-priority po is ’yung bata,” nagpapaka-totoong say ni Angeline.

“S’yempre, in the future kung ikakasal kami, papasalamat ako.”

At this point ay hindi pa raw niya name-meet ang mga anak ng kanyang boyfriend. Pero sinisiguro niyang walang problema ’yon on her end kung sakali.

“Hindi naman po problema sa amin ’yun kasi siya minsan tinatanong niya ako kapag halimbawa po na kailangan niyang kitain ang mga bata, wala naman pong problema rin sa akin. 

“Saka ako rin ’yung nagtatanong sa kanya kapag birthday ng anak niya baka nakakalimutan niyang regaluhan...mga ganu’n,” say ng dalaga.

“Saka tito Boy, nu’ng una naman, alam kong mangyayari iyon kaya ready po ako kung sakaling mangyari po ngayon,” dagdag niya.

“Saka s’yempre kahit anong mangyari kapatid nila ’to di ba,” patuloy na lahad niya sabay hawak sa tiyan. “Kaya hindi ko rin naman ipagdadamot na makilala rin nila, nu’ng mga anak niya sa ibang babae.” 

Sobrang excited na raw ngayon si Angeline pero aminado siyang hindi raw nawawala sa isip niya ang tanong na kung “paano ba maging nanay? 

“Pero parang hindi na rin ako mahihirapan kasi ang daming mga nanay na malapit sa akin,” pag-a-assure niya sa sarili. “At unang-una, Tito Boy, napalaki ako nang maayos ng Mama Bob. So, ako, I’m sure magiging mabuting nanay ako sa magiging anak ko.”

Hindi napag-usapan kung saan manganganak si Angeline, who is due in April 2022. Pero may narinig kaming baka sa Amerika niya iluluwal ang anak at baka magtatagal siya doon kung sakali.

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.