Nag-aatubili at natatakot palang tumanggap nang mabibigat na roles ang dancer-turned-actor na si Arthur Solinap noon dahil baka hindi daw n’ya mapangatawanan ang mga ito.
Inamin n’ya ito sa virtual media conference kahapon, February 17, para sa kinabibilangan n’ya na upcoming suspense-drama series n’ya na Widow’s Web.
Isa kasi s’ya sa mga natanong ng entertainment press kung gaano ba ka-importante sa mga gaya n’yang artista na ire-invent ang sarili para sa iba’t ibang acting projects na natatanggap nila.
Ayon sa aktor, maganda daw na open ang isang artista sa iba’t ibang klase ng roles para mas mahasa pa acting skills at maging effective sa pagganap sa mga karakter.
Pero aminado nga siya na for the longest time daw kasi ay hesitant n’yang mag-explore ng iba’t ibang roles at tila mas naging komportable sa comedy dahil sa haba ng itinakbo ng Pepito Manaloto, kung saan siya naging regular cast.
Kaya naman masaya daw siyang ngayong napasama sa Widow’s Web dahil nakalabas na s’ya sa kanyang comfort zone.
“Excited akong mag-soap [opera] ulit kasi matagal ’yong last project ko. Gusto ko iba naman. Actually, naging comfortable na ako sa Pepito [Manaloto]. ’Yong ganu’n. Buti na lang may ganitong project na challenging,” pahayag ni Arthur sa press.
“Noon kasi pag gising ko ng Thursday, taping namin, nasa katawan ko na si Robert [character niya sa Pepito Manaloto], e. Parang wala ng effort. Ngayon kasi open na ako sa kahit anong role,” saad pa n’ya.
Nag-iba na nga raw ang mindset n’ya ngayon.
“Dati kasi kung ano ’yong medyo alangan ako, medyo natatakot ako,” pag-amin ni Arthur sa press. “Kung ano lang ’yong comfortable sa akin [’yon lang ang tinatanggap ko]. Ang style ko kasi [ngayon] parang kahit anong [role] ibigay n’yo. Ang importante talaga nag-iiba-iba. Dapat hindi ka lang masanay sa ginagawa mo.”
Humingi daw s’ya ng tulong sa misis n’yang si Rochelle Pangilinan and other acting coaches para ma-overcome n’ya ang takot.
“Marami akong ginawa na… nagpatulong din ako kay Rochelle kung paano ang ibang character, sa ibang acting coach para makabalik uli sa drama,” lahad pa n’ya.
Maganda naman daw ang kinalabasan dahil mas may confidence na raw s’ya ngayon.
“Ang gaan. Hindi ako natatakot kapag tinitingnan ko ’yong mga nasa production. Maliban na lang sa mga cast na medyo… Hahaha!” pagbibiro n’ya na ikinatawa ng kanyang mga co-actors.
“Hindi ako nahirapan. Hindi ako nanibago kasi mababait lahat. Nagtutulungan kami. [Dati] kung saan lang ako comfortable doon lang ako, ayokong gumawa ng iba,” pagtatapos ni Arthur.
Mapapanood si Arthur sa suspense-serye na Widow’s Web - na pinangungunahan nina Carmina Villarroel, Ashley Ortega, Vaness del Moral, Pauline Mendoza, and more - na magsisimula na sa Lunes, February 28, sa GMA Telebabad.