Kasamang muli sa bagong teleserye ni Coco Martin, ang Batang Quiapo, ang senator-actor na si Lito Lapid na naging malapit talaga kay Coco Martin.
Nang makaharap namin siya kamakailan for a casual tsikahan, nabanggit niyang ang pagtatanim daw ng mga gulay ang isa sa pinagkaka-abalahan niya sa hometown niya sa Pampanga.
“Nagtatanim-tanim naman ako sa bahay,” saad niya. At saka isinunod niya na: “Gusto kong magtanim ng sibuyas!”
Maging siya ay natawa sa sinabi kaya natanong na rin namin siya kung ano ang take niya sa sobrang mahal ng presyo ng sibuyas. May panahon pang umabot ito ng P800 per kilo.
At ito ay nangyayari, ironically, sa bansa nating kilala sa pagiging agricultural country.
“Baka kako sinasabotahe lang… e, bakit pati ang asin sinasabi nilang magmamahal? Ang daming mamahalin na dapat pag-usapan diyan. Mga mamahalin na sasakyan, bakit hindi nawawala? Mga shabu. Nawawala [sa topic na pinag-uusapan], e. Nagko-concentrate sa sibuyas.
“Para pantakip-butas lang sa nakikita ko. Para ma-divert ang issue,” aniya.
Samantala, kinumpirma naman ni Senator Lapid na may plano raw silang apat na action stars na nasa Senado—Senator Jinggoy Estrada, Senator Bong Revilla at Senator Robin Padilla—na mag-produce ng pekilula na sila rin ang magsisiganap.
“Ah, oo… si Jinggoy ang pinagpo-produce namin. Ang tawag sa amin ni Jinggoy, o, tayong Apat na Sikat,” natatawang sabi niya.
“May plano talaga," patuloy niya. "Pina-plano namin. Pero sabi ko sa kanila, wag tayong magpabayad. Ibigay na lang natin ang kita sa movie industry. Sa stuntmen...para may foundation. At para maging halimbawa kami, tutulong kami sa mga producers.
“Tutal, may ibang trabaho naman kami. At para magkaroon ng trabaho ang mga stuntmen, mga extra, mga kapwa artista.”
Noong una, si Manny Pacquiao raw sana ang naiisip niyang mag-produce. Pero kinapos na sila sa oras dahil tumakbo si Manny sa pagka-Presidente noong nakaraang election.
Sabi pa niya, si Coco Martin daw ang nakikita niyang pwedeng maging director ng pelikula.
“Kinausap ko na nga si Coco, e, para walang selosan. Sabi naman ni Coco, 'Baka hindi nila ako paniwalaan,Tito.' Sabi ko, paniniwalaan ka. Mas sikat ka nga sa amin. At saka, bata ka, walang makikialam sa amin. Para walang selosan.”
Kinumusta rin namin sa kanya ang kanyang anak na si Ysabel Ortega, anak niya sa dating artista na si Michelle Ortega, na maganda rin ang career bilang isang Kapuso star.
Proud siya kay Ysabel?
“Oo, s'yempre naman, bakit naman hindi?,” nakangiting sabi niya. “S'yempre, artista kami. Artista rin siya. Magaling naman siya. ’Yung mga nagagawa niya nga, hindi ko nagagawa."
Mariing naman ang naging pagtanggi ni Senator Lito sa tanong kung totoo raw ba na noong nagsisimula pa lang si Ysabel ay ayaw umano niyang ma-identify ang anak sa kanya.
“Ay hindi, wala akong sinasabing gano’n,” tanggi niya.
May komunikasyon naman daw sila ng anak, pero pagdating daw sa lovelife ni Ysabel, hindi siya nakikialam o nagsasalita.
“Hindi ako nakikialam do’n, s'yempre, bahala na siya do’n,” pahayag naman niya.
May ipinakilala na ba sa kanya si Ysabel?
“Wala… minsan, may ipinakilala, sabi 'Kaklase ko,” natatawang sabi nito.
Si Miguel Tanfelix ang ka-loveteam at rumored boyfriend ngayon ni Ysabel. Hindi pa ba ipinapakilala sa kanya?
“Ah hindi,” aniya.
Sabay baling sa mga kaharap na entertainment press at natatawang nagtanong: “May boyfriend na ba siya? Kasi, kayo ang nakakaalam.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber