May patutsada ang beteranang showbiz columnist and online show host na si Cristy Fermin sa Kapamilya comedian-TV host na si Vice Ganda.
Tila nag-ugat ito sa Instagram post ni Lolit Solis last January 20 kung saan naglabas ito ng saloobin tungkol sa narating sa kanyang tsika na power tripper na umano ang komedyante sa mga kasamahan n’ya sa It’s Showtime.
“Medyo alarming Salve iyon mga balita na nagpa power tripping si Vice Ganda. Balita na parang siya na ang nagpapa takbo ng Showtime, siya na ang nasusunod sa lahat ng galawa ng programa,” sey ni Manay Lolit sa kanyang IG post.
“Marami pang horror story na kumakalat sa pagbabago daw ng ugali ni Vice Ganda, at parang marami narin mga tao ang nasasaktan sa mga ginagawa daw nito,” dagdag pa nito.
“Well, baka naman dahil narin overworked at pressured si Vice Ganda kaya kung minsan medyo off ang mga ginagawa niya, pero sana maayos niya ito bago maging huli ang lahat.”
Agad naman itong sinalag ng co-host ni Vice na si Jugs Jugueta at pinabulaan ang balitang nakarating kay Manay Lolit.
“Hanap po kayo ng bago ninyong source na Maritess, Tita… MASAYANG MASAYA PO KAMI SA SHOWTIME NGAYON!!!! Peace be with you and happy new year!” pahayag ni Jugs sa comment section.
Tinanggap naman at na-appreciate daw ni Lolit ang pagtutuwid ni Jugs sa nakalap n’yang balita. Sayang daw kasi kung masisira ang It’s Showtime kung may isang magpa-power trip dahil matagal na rin ito sa ere.
“Appreciate ko iyon comment ni Jugs sa IG post ko about Vice Ganda, Salve. Sabi niya, hindi tutoo ang mga kumakalat na balita na marami ang discontented dahil sa mga nagaganap na power tripping sa Showtime,” aniya sa kanyang IG post kinabukasan, January 21.
“According kay Jugs happy lahat sila sa Showtime. Well and good. Mabuti naman kung tutoo dahil sayang din di ba, medyo matagal narin ang Showtime sayang kung mawawala ito dahil lang may gusto mag power trip.”
Hindi ikinatuwa ni Vice nang makarating sa kanya ang balitang ito kaya nagpasaring umano ito ng ilang beses kay Lolit Solis at sa mga Marites (tsismosa) sa kanyang noontime show. Ito ay according kay Mama Loi ng sikat na Ogie Diaz Showbiz Update vlog.
Sa pagbabasa ni Mama Loi ng mga kinumento ni Vice, tila nag-lecture ang It’s Showtime main host sa kung ano at sino ang mga dapat sinusundan ng publiko sa social media dahil nakakahawa umano kung anuman ang napupulot sa sinumang sinusundan.
“Depende iyan sa mga sina-subscribe-an n’yo, e, kung saan mo ine-expose ’yong sarili mo. Nakukuha mo ’yong mga energy na ’yon kung mga sina-subscribe n’yo, pinapanood, o binabasa [ay] masaya, gaganda ang energy n’yo. Pag sina-subscribe n’yo, pinapakinggan, pinaniniwalaan o binabasa ’yong mga pangit na tsika, nakakapangit ’yan,” lahad umano ni Vice.
Inihanay pa ni Vice ang mga tsimosa sa mga magnanakaw at mga criminal.
“Kaya, ’di ba, ang pinakapangit na tao sa mundo ’yong mga Marites? Kasi pagkatapos ng mga magnanakaaw, Marites na ’yon, e. Ganu’n kapangit,” ani daw ni Vice.
“Na-realize ko, lalo na nu’ng end ng 2021 parang masyado nating ginagamit ’yang term na Marites. Akala ng mga tao cute ’yon. Kaya ang daming nagpapaka-Marites, akala nila pag Marites ay cute ka. No, ang pangit ng Marites. After magnanakaw, kriminal, Marites.”
Hindi naman nagustuhan ni Cristy Fermin—kaibigan at co-host ni Lolit sa online show na Take It Per Minute...May Gano’n?—ang mga maaanghang na pahayag ni Vice kaya sumalag ito sa kanyang radio and online show na Cristy Ferminute kahapon, January 24.
Balik n’ya kay Vice, gaya ni Kris Aquino, ito daw ang mismong naglalantad ng buhay n’ya sa publiko through social media kaya napi-pick up ’yon ng mga tao at napagtsi-tsismisan s’ya ng mga Marites.
“Sandali lang ho, Vice Ganda. Sandali lang muna. Sa’n ba nag-uugat ’yong mga isyung lumalaganap tungkol sa’yo? E, hindi ba, kayo ay magkakambal ni Kris Aquino na kayo mismo ang naglalantad ng kuwento ng buhay n’yo? Di ba, ikaw Vice Ganda may halong pang-iinggit pa ’yong kaligayahang inilalabas mo with Ion [Perez],” dire-diretsong banat ni Manay Cristy sa komedyante.
“’Wag kang nagiging balat-sibuyas kung kasing kapal na ng repolyo ang mukha mo,” patuloy ni Cristy. “Kasi nagbabalat-sibuyas ka pa, nagagalit ka pa pag ang Marites pinagpipistahan ka. E, bakit ka nagagalit, e, du’n lang naman sila kumukuha sa mga post mo, ’di ba?”
“Kung gaano ka kayaman, kung sino ang binigyan mo ng bahay, ano ang nabili mo, at kung paano kayo magmahalan ni Ion Perez. Anong malay ng publiko sa buhay n’yo? Sa’yo ’yan nanggagaling.”
Payo pa n’ya sa It’s Showtime main host: “Kaya ’wag nagbabalat sibuyas kung kasing kapal ng kung ano-anong gulay ang mukha. Tigilan mo ang pagpo-post tungkol sa sarili mo at kay Ion at kung ano ang kayamanan na nasa iyo wala ka rin matitikman na kahit ano mula sa mga Marites.”
“Itong tinatawag n’yang Marites, ito ang barometro n’ya kung in pa s’ya,” sundot naman ng co-host na si Romel Chika sa mga pahayag ni Manay Cristy. “Kung pinag-uusapan s’ya at kung umaano ang mga Marites, in pa s’ya. Ngayon, magtaka s’ya kung hindi na s’ya pinag-uusapan. Doon s’ya matakot.”
Dugtong naman ni Cristy sa sinabi ni Romel: “’Yon nga ang gustong gusto n’ya, e, ’di ba? Labas s’ya nang labas ng mga ganyang items dahil gusto n’yang maramdaman na nasa gitna pa rin s’ya ng entablado at s’ya ay kailangan pa ng publiko.”
“Tigilan mo ’yan,” balik ni Cristy kay Vice. “Ang makapagpapagaling lang sa ganyang sakit mo…ikaw mismo. Tigilan mo ’yan. Makikita mo wala kang sakit na mararamdaman mula sa mga Marites.
“Ikaw ang nagpapasimula, ikaw ang nagbubukas ng pintuan ng buhay mo. Isarado mo ’yan wala kang mababasa na kahit ano,” pagtatapos ni Manay Cristy.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber