COVID-19 survivor Michael V, may alay na fan art sa mga medical frontliners; nakikiusap sa publiko na “huwag natin sila hayaang matalo.”

PHOTOS: Michael V BitoyStory on YouTube, @michaelbitoy on Instagram

PHOTOS: Michael V BitoyStory on YouTube, @michaelbitoy on Instagram

Masiglang ibinalita ni Michael V sa kanyang mga taga-hanga na naka-recover na s’ya mula sa COVID-19. 

Matatandang last July 19 ay inamin ng komedyante na nag-positibo s’ya sa nasabing sakit.

At kahapon nga, August 10, sa latest vlog entry ng actor-director na ini-upload sa YouTube channel niyang Michael V. #BitoyStory, ibinahagi ni Bitoy na naka-recover na raw ang kanyang kalusugan. 

Sa ngayon, tapos na ’yong quarantine ko at masasabi ko na naka-recover na ako,” masayang paglalahad ng 50-year-old Kapuso star. 

Gayunpaman, nag-worry daw sila ng kanyang asawa nang ang isang anak naman nila ang nakitaan ng sintomas ng COVID-19 while he was still under quaratine. 

“Unfortunately, bago natapos ang quarantine ko, ’yong isang anak ko naman ang nagka-fever at diarrhea na kung hindi alam ng iba sa inyo, e ’yong dalawang ’yon ay symptoms ng COVID,” patuloy na salaysay ni Bitoy sa kanyang vlog. 

Magkasama sila ng kapatid n’ya sa iisang kwarto pero ’yong kapatid n’ya wala namang symptoms,” dagdag niya. “Kaya s’yempre hindi namin malaman kung pa’no n’ya nakuha ’yon. Pero awa ng D’yos after three days, nawala na ’yong symptoms n’ya...stomach flu lang ’yong na-experience n’ya. Pero para safe, nag-isolate pa rin s’ya at nagpa-test.”

Laking pasalamat nilang mag-asawa na negative sa COVID-19 ang kanilang anak matapos itong sumailalim sa test. 

At dahil nakabawi na nga ng kanyang sigla ang komedyante kumpara sa mga nakalipas n’yang vlogs, nagpasalamat ang Bubble Gang veteran sa mga nagpa-abot ng tulong, messages, prayers, at fan art for him. 

“Special shoutout sa lahat ng nag-post at nag-tag sa akin ng mga fan art,” pahayag ng singer-actor na mahusay din sa pagdo-drawing. “Hindi lang dahil doon sa mga ginawa nilang artwork kundi dahil na rin sa mga messages nila. Kapag may nagta-tag sa akin ini-screenshot ko kaagad tapos nilalagay ko sa isang folder sa phone ko.”

Ani pa ni GMA-7 prized talent, bata pa lang daw s’ya ay hilig na n’ya ang pagdo-drawing na isina-submit pa n’ya sa mga publishing houses. Kaya ngayon siya naman ang nakakatangap ng fan art ay touched na touched daw siya.  

Natutuwa ako sa fan art kasi madalas din akong gumawa n’yan noong kabataan ko. [Nasa] grade school [pa lang ako] nagpapadala ako ng drawing ko sa Funny Comics. Tapos noong pumasok na ako sa showbiz, nagpapadala naman ako sa Wizard Magazine dahil mahilig ako sa superheroes. 

“And speaking of fan art, alam n’yo ba sinong paborito kong heroes ngayon? ’Yong iba siguro ang hula, galing sa Marvel Comics. ’Yong iba, sa DC. ’Yong mas nakakakilala sa akin, siguro sa Image Comics. Well, hindi naman kayo mali. Pero ang sinasabi kong heroes ay napapanahon, hindi kathang-isip, hindi naman masyadong makulay ang costume, at higit sa lahat ay totoong nagliligtas ng buhay during the pandemic. 

At dito na nga inihayag ni Bitoy ang kanyang pagsaludo sa mga heath workers na na s’yang frontliners ng bansa kontra-COVID-19.

“BSS, ang tinutukoy ko ay ang mga medical frontliners natin, ’yong mga health care workers,” sey ni Bitoy. “No’ng nag-positive ako [sa COVID-19], firsthand kong nakita ’yong hirap nila, ’yong sakripisyo nila ’tsaka ’yong dedication sa profession nila."

At bilang pasasalamat sa mga contemporary heroes, isang digital art ang nilikha ng Pepito Manaloto lead actor for them.

At dahil d’yan, gusto kong gumawa ng fan art para sa kanila. Marami na akong napanood na news na nag-inspire sa akin na bumuo ng image sa ulo ko. At ilang referrences din sa comics na p’wedeng gamitin doon sa fan art na pina-plano ko.”

Matapos noon ay ipinakita ni Bitoy ang kanyang galing sa pag-guhit at saka ipinaliwanag kung anu-ano ang mga elementong kanyang inilagay sa kanyang obra. 

At kagaya ng mga naririnig n’yo sa cooking shows, eto na po ang finished product,” pagbibiro pa ng komedyante. “I made sure na mailagay lahat ng detalye na tumatak sa isip ko...’Yong tagaktak ng pawis nila paghubad ng PPE, ’yong pangungulubot ng kamay dahil sa ilang patong na gloves. ’Yong marka na iniiwan nang maghapong pagsusuot ng facemask...”

Dagdag pa n’ya: “Ito po ang paraan ko ng pasasalamat sa mga health-care workers natin. At siguro mananawagan na rin ako doon sa mga kababayan natin... Kahit po mga superheroes, at one point natatalo sa mga kalaban. Ang mga medical frontliners po natin ay hindi superheroes. Wala po silang superpowers.” 

May paki-usap din s’ya sa mga Netizens para through their own ways ay matulungan ang mga medical frontliners na uma-aray na din sa pagod.

Kaya kung p’wede po sana, e, huwag natin sila hayaang matalo,” panghihikayat ni Bitoy. “Tulungan po natin sila. Mag-ingat po sana tayo at sumunod po sana tayo sa batas at doon sa mga protocols para hindi na madagdagan ang cases ng COVID."

Ipinost din ng multi-hyphenate celebrity ang kanyang artwork sa kanyang social media accounts para p’wede daw itong kulayan ng iba pang artists.

Itong fan art ko ipo-post ko sa Instagram, Facebook, sa Twitter. Ito pwede n’yo i-share pati ang k’wento kung bakit ko ginawa ito. ’Yong ibang mga artists d’yan, p’wede n’yong i-download ’to. Tapos kung type n’yo, kulayan n’yo. O kaya gumawa kayo ng sariling version n’yo. Kasi kung napapasaya ako ng mga fan art n’yo, e, sigurado mapapasaya rin natin ’yong mga health-care workers kapag nakakita sila ng ganito.”

Moreover, pinaunlakan din ni Bitoy na sagutin ang ilang tanong mula sa mga Netizens gaya ng kanyang mga naranasang sintomas at gamot na iniinom n’ya. 

Sa BitoyStory 29, medyo na-discuss ko na ang ibang symptoms pero ang pinaka-obvious na pagbabago sa katawan ko ay ’yong pababalik-balik na fever na 37.8 [degree celcius] or above.

“’Yong lost of smell ’tsaka ng panlasa at saka ’yong pagod," pagpapatuloy ng Kapuso comedian. “’Yong fever ko every four hours paracetamol lang ang katapat. At habang tumatagal naman humahaba na din ang pagitan. Naging five hours, naging eight hours. 

Pero nu’ng nagpa-X-ray ako for pneumonia at nabigyan ako ng antibiotics, doon lang totally nawala ’yong fever. 

“’Yong pang-amoy at panglasa ko siguro 75 percent pa lang [ang bumabalik],” dagdag niya. “Sabi ng doctor babalik din naman s’ya. Sa iba ilang araw lang, ’yong iba inaabot din daw ng buwan. 

Ganu’n din ’yong pagod. Napansin ko kasi na after kong gawin ’yong huling vlog medyo hiningal ako na hindi naman nangyayari before. Pero kagaya nu’ng pang-amoy at saka nu’ng panlasa babalik din daw sa normal.

Nagbigay din ng tips si Michael V regarding sa mga p’wedeng gawin at mga dapat iwasan ng sinumang COVID-19 patients, o kahit na umano para sa mga wala namang sakit at gusto lang mag-ingat.

Makakatulong din daw ’yong breathing exercises every now and then para daw lumakas ’yong lungs. ’Yong pag-inom ng hot water na may luya, lemon and honey, ’yon nakatulong din ’yon. ’Yong pagga-gargle ng warm water na may asin para mamatay ’yong virus sa lalamunan. 

Isang natutunan ko rin...na dapat iwasan n'yong ma-stress. Kung malungkot, totoong mapapa-isip ka pero as much as possible magkaroon nu’ng positive na attitude. Maghanap kayo ng p'wedeng paglibangan. Magdasal kayo. Mas maraming stress mas matagal ang paggaling."

Dagdag payo pa n’ya: “Ang pinaka-importante, kumonsulta sa doktor. ’Yong sitwasyon ko p’wedeng katulad ng sitwasyon n’yo pero hindi ibig sabihin, e, pareho tayo ng paraan ng paggaling. Kaya wag kayong manghula. ‘Wag kayong mag-self medicate at higit sa lahat huwag kayong matakot magpa-doktor. May mga kaso ng ganyan. Ayaw gumastos para sa check up. Nakatipid nang konti pero buhay naman nila ang naging kapalit kaya, alam n’yo na, think about it.”

Sinagot din ni Bitoy ang sinabi ng isang Netizen tungkol sa “double meaning” diumano n’yang pahayag na maaaring nakuha n’ya ang virus through home deliveries. 

Nabanggit kasi n’ya sa kanyang vlog last August 3 na ang suspetsa n’ya ay through mga deliveries kaya s’ya na-infect ng virus. 

Himutok ng Netizen, naapektuhan daw ang mga delivery businesses dahil daw sa mga sinabi ni Bitoy. 

Alam n’yo malinaw naman ang sinabi ko,” tugon ni Bitoy sa reaction ng Netizen. “Wala namang double meaning. Sabi ko, ‘Ang duda ko...’ Duda ha, hindi factual. So, p’wedeng tama, p’wedeng mali. Ang duda ko, e, sa deliveries ko nakuha ang virus.  

Isipin n’yo, ha...Bago umabot sa akin ’yong in-order ko, nanggaling yan...una, sa seller. Pangalawa, sa logistic facility. Pangatlo, doon mismo sa nagde-deliver. Pang-apat, sa guard sa lobby [ng condo]. Pang-lima, sa kasambahay namin. At pang-anim, doon mismo sa item.  

Lahat yan p’wede mangyari in 24 oras. At lahat nu’ng anim na binanggit ko, posibleng carrier ng virus, e. Kaya ’yong buong proseso ng deliver, ’yon ang pinagdududahan ko. Hindi isang tao lang. P’wedeng nanggaling sa una, pangalawa, et cetera, et cetera. At FYI, hanggang ngayon, nagpapa-deliver pa rin ako. Pero ang suggestion ko, bago n’yo gamitin o hawakan ang in-order n’yo siguruhin n’yo munang malinis at walang virus.” 

Payo n’ya rin sa mga Netizens, basahin ang mga balita at unawain ang mga ito. Hindi ’yong puro headlines lang na kadalasan ay deceiving.  

Na-intriga ka na rin lang sa headlines, basahin mo na ’yong buong balita," pagdidiin ni Bitoy. “At importante din, bukod sa pagbasa, ha, ay unawain mo at intindihin mo ang binasa mo para hindi ka ma-bash at hindi ka mapilitang magpalit ng account.”

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.