Kumalas na bilang co-host sa online show na Take It… Per Minute, Me Ganun! ang veteran showbiz writer and insider na si Cristy Fermin.
Sa umpisa ng kanyang radio and online show na Cristy Ferminute kahapon, March 7, ay inilahad n’ya ang dahilan kung bakit n’ya iniwan ang talk show makalipas ang tatlong taon.
“Bukas po ay hindi na ako kasama sa Take It… Per Minute, Me Ganun! pagkatapos po ng tatlong taon naming samahan nina Manay Lolit [Solis] at Mr. Fu. Wag n’yo na po akong hanapin pero suportahan pa rin po natin sila,” panimula ni Manay Cristy sa kanyang paliwag.
At ngayon araw nga, March 8, ay wala na si Cristy sa ni-reformat na show.
Ayon kay Manay Cristy, hindi daw n’ya ikinatuwa ang nangyari bago sila sumalang sa last episode nila noong nakaraang Martes, March 1. Sinabihan daw kasi sila ng line producer ng show na si Salve Asis na huling show na nila ’yon.
“May naganap po kasi nu’ng nakaraang Martes, isang pangyayari na hindi ko po ikinasasaya. At ang batas po ng buhay ko, pag hindi na po ako maligaya lumalabas na po ako,” pahayag pa nya.
“Noong Martes po [March 1], nagkukuwentuhan kami nina Manay Lolit. Malapit na pong magsimula ang Take It Per Minute. Pumasok si Salve Asis. Sabi ko pa, ‘Uy, pinanood ko ’yong past episodes natin...’
“Biglang sabi n’ya, ‘May bad news ako sa inyo. Last show na natin ngayon. Binigyan na ako ng memo kagabi ng sales, ’yong finance department binigyan na ako ng [memo]. Nalulugi raw ang company. Bumabawi pa lang. Kung gusto n’yong ituloy humanap kayo ng producer.”
Ang ikinasama daw ng loob n’ya ay ’yong tsutsugihin na ang show pero wala man lang daw advance notice. At ang masaklap pa, sinabi diumano ito sa kanila ni Salve bago sila magsimula sa kanilang show.
“Natural, kami po ni Manay Lolit ay napaigtad. ‘Bakit? Ano ’to?’ Parang wala man lang magandang tiyempo. Parang hindi n’ya isinaalang-alang na ilang minuto na lamang ay magsu-show na kami,” himutok ni Manay Cristy.
Dahil dito ay nagpasya na lang daw s’yang mag-goodbye na, hindi lang sa show kundi bilang showbiz columnist na rin sa Pilipino Star Ngayon na s’yang may hawak sa kanilang online show at kung saan entertainment editor din si Salve Asis.
“Kaya nga po ako ay sumulat sa nirerespeto kong presidente po ng PSN na si G. Belmonte. Sinabi ko po kay Sir Miguel na, ‘Kahit po bibitayin na kriminal, bago po sa silya elektrika, alam n’ya kung ano ang kanyang kinabukasan. Alam n’ya kung ano ang magyayari sa buhay n’ya para kahit paano makahingi pa s’ya ng panalangin at kapatawaran sa kanyang ginawang kasalanan,’” lahad n’ya ukol sa nilalaman ng kanyang isinulat na resignation letter.
“Pero kami po, bigla-bigla na lang ganu’n. Paano po ako makikipagtrabaho sa taong walang respeto sa kanyang mga katrabaho? Paano ko pa po gugustuhin na mapasama sa programa ang aming sinasabing tagapamuno dahil s’ya ang line producer ay walang respeto sa kanyang mga hosts?”
Humingi naman daw ng tawad si Salve. Katwiran umano nito ay nag-panic ito sa natanggap na memo. Pero deadma na raw s’ya sa messages nito.
“Nagso-sorry po s’ya [si Salve]. Nag-panic lang daw po s’ya, ganito, ganyan. Hindi ko na po sinagot. Basta ang sabi ko kay Sir Miguel Belmonte, ‘Patawad po pero talagang hindi ko na po kakayanin pa na makipagtrabaho kay Salve Asis… Ayaw ko rin po magsulat sa isang pahayagan na ang patnugot ay si Salve Asis,” pahayag pa n’ya.
“Respetuhan lang po ang buhay. Respeto lang po sa mga manggagawang katulad namin. Hindi ganu’n ang pag-atake sa isang bagay na seryoso. Tatlong taon kaming nagtrabaho sa programa na ’yan. Wala kayong naririnig sa amin. Tapos last show na?” pagtatapos ni Manay Cristy.
Ayon pa kay Manay Cristy, wala pa raw palang alam si Miguel Belmonte ukol sa memo kaya’t sa pananaw niya ay nag-atribida lang ang line producer.
“Nagmarunong si Salve Asis, hindi pa pala alam ni Sir Miguel ang pangyayari, pero inangkin na niya ang pagsasabi sa amin,” dagdag pa niya. “Hingi siya nang hingi ng sorry, nag-panic lang daw siya, hindi raw siya nakatulog nu’ng nakaraang gabi sa memo’ng tinanggap niya.
“Bakit pa kami makikipagtrabaho ngayon sa isang taong walang respeto sa kanyang kapwa? Sa isang taong nagmamarunong kahit wala namang karapatan?”
Samantala, tuloy naman sina Manay Lolit at Mr. Fu sa pagho-host ng show na na-reformat na mula Take It… Per Minute, Me Ganun? to Take It! Take It! Me Ganun?
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber