Dahil sa pag-atras sa sariling hamon na drug test, dating live-in partner ni Tekla, binawian din ng tulong ni Raffy Tulfo: “Wala na akong pakialam kasi huling-huli ka na.”

PHOTOS: Raffy Tulfo in Action on YouTube, @superteklahlibrada on Instagram

PHOTOS: Raffy Tulfo in Action on YouTube, @superteklahlibrada on Instagram

Binawi na ni Raffy Tulfo ang tulong na sana ay ibibigay n’ya sa dating kinakasama ng komedyanteng si Romeo Librada – o mas kilala sa screen name na Super Tekla – dahil umatras ito sa sariling hamon nito na pagpapa-drug test. 

Sa Episode 6 ng reklamo ni Michelle sa dating ka-live-in na si Tekla sa Wanted sa Radyo last October 26, ibinalita n’ya na nagka-usap at nagkaayos na sila ni Tekla. 

“Nagkausap na po kami ni Tekla, Sir,” pahayag ni Michelle kay Raffy. “Para sa bata na lang. Kasi ayaw ko naman po paglaki ng anak ko malaman n’ya po kung ano’ng nangyari sa tatay n’ya, ano’ng nangyari sa amin. Kaya nagka-ayos po kami ni Tekla, Sir.”

Matatandaang last October 20 nang ipa-Tulfo ni Michelle ang Kapuso comedian dahil ginugutom daw sila nito ng kanyang kapatid at mga pamangkin kapag hindi n’ya umano ito napagbibigyan sa kama. 

Inireklamo din n’ya ang umano’y kahalayan ni Tekla kung saan nagsasarili daw ito sa harap n’ya at “natatalsikan” umano siya at ang baby nila ng semilya nito. Bukod pa roon, binalak niya itong sampahan ng kasong rape dahil kahit umano masama ang kanyang pakiramdam ay ginagalaw umano siya nito. 

Naghiwalay po kami nang maayos,” pagpapatuloy n’ya sa programa via Zoom. “Unang una, Sir, hindi naman po character [ko’yong issue dito kundi ‘yong karapatan ko bilang babae. Even though na nagkaayos na kami… Madami po kasing bash na kung anu-anong sinasabi sa akin, e. 

“‘Yon nga po, lumayo na tayo sa issue. Tiris na tiris na po ako, Sir. Tsaka nadagdagan pa po ng stress at depression dahil po sa mga namba-bash po sa akin, sa amin ng pamilya ko at mga kaibigan ko po.”

Ang tinutukoy ni Michelle ay ang mga tumutuligsa sa kanya online gamit pa umano ang mga pictures ng kanyang pamilya. 

“Halos binababoy na po nila mga picture namin sa social media, Sir,” sumbong pa n’ya. “Pinagbabantaan po pamilya ko. Ultimo mga bata minumura nila at binabastos sa Facebook, which is maling-mali po, Sir. 

“Porke ba maliit na tao lang ako, Sir, p’wede na nila akong ganunin at husgahan? At the first place, Sir, hindi po nila ako kilala. Second, hindi po nila alam kung anuman po ‘yong pinagdaanan ko sa buhay. 

“Sabihin na po natin na nagkamali ako, Sir. Nagkaroon ako ng bisyo at nadapa. Pero bumabangon ako, Sir. Muli, nagbago ako para itama lahat ng pagkakamali ko, Sir.”

Salaysay pa ni Michelle, ang kapatid daw n’ya ang kumontak kay Tekla para makapag-usap sila. Isiniwalat niya na gusto pa daw sana ni Tekla na magsama ulit sila sa kondisyon na iiwanan ni Michelle ang pamilya n’ya. Hindi umano siya pumayag sa gustong mangyari ni Tekla. 

“Ang sinabi ko po sa kanya is… Ang gusto n’ya po kasing mangyari, magkakaayos kaming dalawa, kukunin n’ya po kaming dalawa ng anak pero…  

“Sa totoo lang po, Sir, usapan po naming wala ng samaan ng loob pero ito po ‘yong totoong  napag-usapan namin. Hindi po n’ya kargo ’yong pamilya ko. Kaming dalawa lang po ng anak ko ‘yong kukunin n’ya. Kumbaga, papabayaan ko na po ’yong pamilya ko. 

“Now, hindi po ako pumayag, Sir. I stand with it,” k’wento pa n’ya sa show. “Ako kasi ’yong nakakatanda dito sa pamilya namin. The rest puro bata. Anim na minors po ito, nag-aaral. Hindi ko po magagawang iwan sila. 

“Pati po ’yong kapatid ko kasi sa hirap at ginhawa, Sir, kami ang magkasama, e. Wala pong iwanan. Kaya ang napag-usapan na lang namin is ’yong [para] sa bata na lang po.” 

Nagkapirmahan na din daw sina Michelle at Tekla ng promisory note na susuportahan nito ang baby nila pero wala umanong nakalagay doon na specific amount kung magkano ang ibibigay nito. Ayaw naman daw mag-demand ni Michelle ng halaga sa dating kinakasama. Sinabi rin ni Michelle na ang kasunduang pinirmahan nila ay gawa daw ng manager ni Tekla. 

“Bilang tatay po, alam n’ya na siguro ’yong responsibilidad n’ya,” pahabol pa n’ya.

At dahil nagka-ayos na nga sina Michelle at Tekla, nag-decide si Raffy Tulfo na hindi na itutuloy ang drug test at lie detector test kay Michelle dahil wala na daw magiging sense iyon. 

Nasabi kasi noon ng TV and radio personality na tutulungan ng programa n’ya si Michelle sakaling pumasa ito sa mga nasabing test. Isa kasi sa ipinupukol na bintang ng Netizens kay Michelle ay ang pagiging lulong pa rin umano nito sa droga, na mas pinap-igting pa ng statement ni Tekla sa GMA-7, kung saan sinisisi nito si Michelle sa pagiging pabayang ina kung kaya’t nagkaroon ng kakaibang sakit ang kanilang anak.

However, matapang na naghamon si Michelle na ituloy ang drug test dahil gusto niya raw malinis ang kanyang pangalan.

“Sir, mawalang galang na,” aniya. “Gusto ko pa rin po sana ituloy ‘yon para po ipamukha sa lahat ng Netizens na nagbago na po talaga ako. Kahit po hindi na [ako] magka-kaso [kay Tekla]. 

“If you don’t mind, Sir, willing pa rin po ako para matahimik po ang Netizens na nagba-bash po sa akin pati sa pamilya ko… Para mabura na po ’yang issue na ‘yan papatunayan ko po. Willing po ako [magpa-test], Sir.”

Tinanggap naman ni Tulfo ang hamon ni Michelle.

In that same episode, sumailalim din sa cross examination si Michelle sa resident legal consultant ng show na si Atty. Garreth Tungol. May kinalaman ito ipinadala n’yang video sa show kung saan nga nakunan na nag-aaway sila ni Tekla at ito ang ebidensya umano niya sa kahalayan at pagiging abusado ni Tekla.

Sabi ng abugado: “Wala ’yong sufficient compulsion para mabuo ‘yong kasong rape o act of lasciviousness” na maaaring isampa laban kay Tekla. 

Lumalabas din daw kasi na may pagkakataon naman daw si Michelle na umalis sa kuwarto sa tuwing masasarili daw si Tekla. Hindi rin daw s’ya iginagapos o pinapa-inum ng nakakahilong gamot bago s’ya galawin ni Tekla. Wala din daw medico legal papers si Michelle para patunayan ang kanyang rape allegation sa dating ka-live-in.

Iminungkahi din ng abugado na magbuo na lang ng kasunduan ang dalawa para wala ng habulan sa korte at para masabi ding sarado na ng kaso sa pagitan nina Michelle at Tekla. Nag-suggest din ito na mas linawin din ang kanilang kasunduan at isama ang amount na isusustento sa bata at maging ang educational needs nito in the near future. 

Nanawagan naman si Michelle sa mga bashers na tigilan na ang kanilang pamilya dahil naapektuhan na daw ang pag-aaral ng mga pamangkin n’ya. 

At this point ay umaasa lang daw muna sina Michelle sa tulong ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak ngayong wala na nga sila sa poder ni Tekla. 

Nag-offer din ng tulong ang programa ni Tulfo at sinabing sasagutin pati ang pagpapapustiso ni Michelle para makahanap ito ng trabaho few months from now. Maging ang apat na buwang renta sa bahay at groceries para sa mga bata ay sagot na umano ni Tulfo.

However, sa karugtong na episode na in-upload kahapon, October 27, sa YouTube, ipinahayag ni Tulfo na umaatras na si Michelle sa hamon nitong magpapa-drug test at lie detector test para patahimikin sana ang kanyang mga bashers. 

Ilang ulit daw itong kinumbinse ng staff ng programa na ituloy pero umayaw na talaga. 

Ayon sa text n’ya sa staff, pinayuhan daw s’ya ng kanyang tita na huwag magpa-test dahil baka mabinat daw s’ya. Hair follicle drug test ang gagawin sana kay Michelle at dadalhin pa sa Australia ang specimen na makukuha sana sa kanya. Made-detect daw sa gagawing test kung gumamit nga ng drugs si Michelle ng up to 90 days. 

“Kasi pinagalitan po ako ng tita ko kahapon pagkatapos ng interview,” pagdadahilan ni Michelle nang muli itong sumalang sa show via Zoom. 

“Sabi po kasi nila may binat pa daw po ako at wag daw po ipagalaw ’yong buhok.”

Dito na umiba ang tono ni Tulfo sa pakikipag-usap kay Michelle.

“Michelle, mukhang sinunog mo ang sarili mo sa akin,” matabang na sambit ni Tulfo. “Mabibinat ka? Ang gagawin sa 70 up to 100 strands of hair na ‘yon hindi bubunutin... bagkus, ‘yon ay guguntingin lang. Sinabi na sa’yo ng staff kahapon lamang, ‘di ba? Pa’no ka mabibinat doon? Hindi naman hihilain kundi gugupitin lang.”

Muli naming idinahilan ni Michelle ang naging payo diumano ng kanyang tiyahin. 

“Sabi po kasi ni tita,” giit niya, sabay kambiyo na: “Pero, Sir, kung hindi naman po [maapektuhan] ang health ko willing po ako. Suggestion lang po kasi ng tita ko. Wala po kasi akong alam sa mga ganu’n, e.”

Hindi na ito lumusot pa kay Tulfo.

“Hindi na,” tugon n’ya. “No, Michelle, hindi na. Hindi mo lang sinunog ang sarili mo sa akin kundi ang ginawa mo, nag-dive ka sa isang dagat na umaapoy. Very clear na sa akin, this is an indication to me na meron kang itinatago. 

“Kasi alam mo, kapag sa urine, kaya mong iwasan. Dito kasi [sa hair follicle drug test] up to 90 days malalaman kung gumagamit ka pa rin [ng drugs] o hindi. Ikaw ang naghamon.”

Muling nagpumilit si Michelle ng kanyang dahilan pero hindi na ito pinakinggan ni Raffy. And at this point, binawi na ng TV anchor ang kanya sanang itutulong sa pamilya ni Michelle.

“Alam mo, lusot ka na sana kahapon,” paliwanag ni Raffy sa kanya. “Binigyan kita ng graceful exit…Binigyan kita ng the benefit of the doubt. In fact, tutulungan pa kita… 

“Ngayon natatakot na ako. Hindi na ako magbibigay ng groceries kasi baka ‘yong groceries ibebenta mo at bibili ka ng droga. Pustiso na naging gilagid pa. Pangalawa, ’yon bang sa renta [ng bahay]. Matutulog ka na sana kama, ngayon matutulog ka sa lupa.”

Ayon pa kay Raffy, ire-refer n’ya ang kaso ni Michelle sa DSWD para magawan ito ng assessment kung karapat-dapat nga ba s’yang mag-alaga ng kanyang mga pamangkin. 

“Kasi nga, ngayon, very clear na rin sa akin na ikaw ay gumagamit pa rin [ng ipinagbabawal na gamot],” direktang komento pa n’ya.

Dito na napaiyak si Michelle sa kabilang linya. 

“Huwag mo ako dramahan,” dagdag pa ni Tulfo. “Kung gumagamit ka pa rin hindi ka karapat-dapat mag-alaga ng mga bata… Kaya ’yong DSWD pupunta d’yan sa bahay n’yo, tatawagan namin ngayon, para gagawa ng assessment. Para kapag nakita ng DSWD na ikaw ay gumagamit pa rin, at malalaman at malalaman nila ’yon, ipu-pull out ’yong mga pamangkin sa’yo para wala ka ng kargo…

“Du’n sa anak mo, kayo na ni Tekla ang bahalang mag-usap. Si Tekla naman ang tatay n’yan, I’m sure hindi n’ya pababayaan ‘yong anak ninyo…

“Hamon ka kasi nang hamon,” litanya pa n’ya. “Michelle, ni singkong duling walang akong ibibigay na tulong sa’yo. At ’yong mga  bata, partida ’to, ipatatanggal ko sa kustodiya mo… ‘Yong sa anak mo, ipagtatanggal ko din dahil gagawa ng assessment ang DSWD, lilitaw na ikaw ay gumagamit pa rin at iyan ay ibibigay kay Tekla. 

“Kahit umiyak ka ng dugo wala na akong pakialam kasi huling-huli ka na,” bwelta pa n’ya sa humahagulgol na si Michelle. “Hindi mo na ako madadala sa iyakan. ‘Yon lang naging susi. Nabuksan ‘yong mga tinatago mong kalokohan. Pandora’s box, ika nga. 

“Kita mo ‘yan? Kasi hamon ka nang hamon. Pinatulan ko ‘yong hamon mo. Hamon pa more. Ngayon pati anak mo mawawala sa’yo kasi ipata-transfer ko ‘yan kay Tekla sapagkat nakikita ko hindi ka karapat-dapat mag-alaga ng bata sapagkat gumagamit ka pa rin. Why? Dahil takot kang magpa-drug test.”

“Ipatuloy mo na lang ‘yong drug test,” sugsog naman ng kapatid ni Michelle. 

“Hindi na. nadulas na kayo. Hindi na,” sagot naman ni Raffy Tulfo.

NARITO ang huling dalawang bahagi ng naging usapan  nina Raffy Tulfo at dating kinakasama ni Super Tekla na si Michelle Lhor Bana-ag:

 

 

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Donita Nose at Ogie Diaz, dinipensahan si Tekla matapos itong ipa-Tulfo ng live-in partner; ebidensyang video, “planted” umano sabi naman ng manager ni Tekla

Tekla, ginugutom umano ang live-in partner, anak, at mga pamangkin ng ka-live in kapag hindi ito napagbibigyan sa kama

Donita Nose, hindi daw retokado ang ilong; ka-tandem na si Tekla, di kumbinsido

Super Tekla, nabunutan ng tinik dahil sa dami nang nag-abot ng tulong para sa operasyon ng bagong-silang na anak

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.