Nagbigay ng reaksyon ang writer-director at content creator na si Darryl Yap matapos lumabas ang balitang idineklara sila ng komedyanang si Ai-Ai delas Alas bilang mga personae non gratae ng Quezon City Council.
Ayon sa naglabasang report, inaprubahan ng Quezon City Council ang resolusyong isinumite ni District IV Councilor Ivy Lagman na naglalayong mai-deklarang personae non gratae sina Direk Darryl at Ai-Ai dahil sa umano’y pambabastos nila sa official seal ng lungsod.
Ang tinutukoy ng konsehala ay ang paggamit ni Direk Darryl sa “triangular seal” ng Quezon City sa satire video’ng inilabas niya noong April 29. Doon ay gumanap si Ai-Ai bilang si Ligaya Delmonte (an obvious play sa pangalan ni QC Mayor Joy Belmonte) at sa kanilang dula ay inindorso nito sa pagka-mayor ng lungsod si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
MAYORA for MIKE DEFENSORMike Defensor for Quezon City Mayor!
Posted by VinCentiments on Thursday, April 28, 2022
Magkahawig nga sa unang tingin ang seal na ginamit ni Direk Darryl sa video sa official seal ng lungsod dahil sa similar triangular shapes nila. Parehas din ang mga ginamit na kulay na asul at pula, at tig-isang bituin sa tatlong sulok.
Iyon nga lang, imbes na lamp at gavel ang mga imaheng pumapagitna sa Quezon Memorial Shrine na siyang nasa official QC seal, tigre at agila ang mga imaheng inilagay ng VinCentiments sa seal na ginamit na backdrop sa kanilang video content.
Wala rin doon ang mga salitang “LUNGSOD,” “QUEZON,” at “PILIPINAS” dahil ang inilagay nila ay “BBM,” “SARA,” at “KYUSI.”
Sa kanyang Facebook post kahapon, June 7, idiniin ng konsehala ang dahilan ng kanyang pagkilos.
“Hindi ba dapat lang na ideklara na persona non grata sa QC ang mga at nambastos sa seal ng QC?
Maybe this will make all content creators think twice before posting anything on social media such as these videos.”
Dagdag pa niya, bagama’t meron daw freedom of expresson, ay may kaakibat pa rin daw responsibilidad ito sa parte ng nagpapahayag. Nagbigay pa siya ng mga halimbawa nito.
“That Freedom of Expression is not absolute. Hindi naman basta-basta nalang po na pwede tayo mag post ng mga gusto natin na hindi man lang pinag isipan mabuti kung ano ang mga laman ng mga pinalalabas natin sa mga tao.
“Kung ang Freedom of Expression mo ay hindi minsan nararapat--katulad ng pagsayaw mo habang pinapatugtog ang national anthem o ang pag gamit sa Philippine Flag ng hindi tama, etc., huwag natin itong gawing laging rason para lang mambastos.”
However, nilinaw niyang walang kinalaman ang BBM-Sarah tandem sa kanyang isimumiteng resolusyon.
“FYI Hindi po ito laban kay President-elect BBM and Vice President-elect SARA DUTERTE.
Ito po ay patungkol sa paglapastang sa SEAL ng Quezon City, Yes you are free to be expressive with your work, but not at the expense of something which QCitizens hold in high regard.
“Mahal po namin ang Quezon City at ang lokal na pamahalaan nito ay aming nirerespeto. Sana kayo rin.”
Hindi ba dapat lang na ideklara na persona non grata sa QC ang mga at nambastos sa seal ng QC? Maybe this will make...
Posted by Councilor Ivy Lagman on Tuesday, June 7, 2022
Sa kanya namang virtual interview sa SMNI Nightline News kagabi rin, June 7, nagbigay ng kanyang saloobin si Direk Darry tungkol sa councilor Ivy Lagman inititiated resolution na in-aprubahan na rin ng buong Quezon City Council.
“To be fair, ayoko naman magmukhang nagmamalaki pa ako kahit sabihin kong hindi ako taga-Quezon City because I’m from Mandaluyong… Will it affect me? I think so,” kalmadong pahayag ng batang direktor.
“But Nanay Ai-Ai…si Ma’am Ai-Ai delas Alas po is a resident of Quezon City. I think she will be surprised. Nasa Amerika s’ya ngayon, e.”
Sa tingin daw n’ya, hindi talaga sa logo na-offend ang naghain ng resolusyon kundi may iba pa itong dahilan.
“Sa palagay ko, ang kina-offend na matulis, sa palagay ko bukod doon sa logo, may iba. At iyon ay hindi ko…hindi ko sila masisisi. Kasi, Sir MJ [Mondejar], Sir Admar [Vilando], triangle, e. Matulis ang logo ng Quezon City,” pag-o-opinyon ni Direk Darryl.
Ginagawa naman daw kasi ang mga ganitong panggagayang ng mga logos sa mga shows sa TV o kahit sa pelikula.
“When you do a spoof, when you do a satire, you don’t completely erase the one you are spoofing, ’no? Kapag ikaw ay gumagawa ng spoof o satire, hindi mo talaga one hundred percent inilalayo ang subject mo doon para makuha ng tao, ma-gets ng tao,” paliwanag pa n’ya.
“Ngayon, hindi ko alam kung ano ang kahindik-hindik o hindi matatanggap ng aming content mula sa mga taga-Quezon City,” he continued.
“Sabagay, mamaya pag naglabas kami ng official statement, ang aming 27 percent of viewers ay from Quezon City. And the traction of the page is very much welcomed in Quezon City.
“My presence is felt, not physically in Quezon City but in social media. I don’t think they can declare my social media presence and my relevance non grata in Quezon City.”
Hindi naman umano sumama ang loob n’ya sa nangyari dahil may kalayaan naman daw ang city council na gawin ito.
“With that, I completely accept the repercussions of what I did. They have the power to do that. And I also have the power to things my way so no hard feelings or anything,” aniya.
Ganu’n pa man, hindi n’ya napigilang mag-react sa “tirada” na ito ng Quezon City Council sa video nila.
“This Ligaya Delmonte, this is part of the colorful tactics in Philippine politics. I find it very immature, I find it very elementary, I find it very rudimentary for these politicians to actually take it personally,” natatawang pahaging ng director.
“Sa palagay ko mas marami silang ginawang hindi katanggap-tanggap para gawing unwelcome. Pero just like what I’ve said, lahat tayo may kakayahan. Kung ’yan ang kanilang tingin o pakiwari o palagay, ako po ay walang magagawa doon.”
Katibayan lang umano ito na talagang pinapanood ng masa ang inilalabas nilang content.
“Isa lamang po itong pagpapatunay, pagpapatotoo, pagpapahalaga na ang aking mga videos, pelikula man o maikling video na aming ina-upload sa VinCentiments, ay may relevance, makatotohanan, tinatanggap ng madla,” pagmamalaki niya.
“At ang kanila pong pag-aray dito sa aming…sabi nila ay pagyurak daw sa matulis na bagay na itong tatsulok na ito, ’yan po ay kanilang kalayaan, at ang aking pagkakaroon ng follow up video dito ay nasasaklaw din sa kalayaan ko bilang isang alagad ng sining at isang content creator,” dagdag pa n’ya.
“’Yon lang, may presence will not be declared unwelcomed on social media as long as people are sharing it, as long as the people feeling the good vibes and the positivity of each content, naniniwala ako na welcome ako sa kahit na sino, kahit taga-Quezon City pa ’yan,” pagtatapos ni Direk Darryl sa interview.
Kasunod nito, nag-post din si Direk Darryl sa kanyang Facebook ukol sa pagtanggap niya sa resolusyon na iyon ng QC Council.
“Bagamat ang deklarasyong ‘PERSONA NON GRATA’ ay isang Resolusyon at hindi Ordinansa; walang kaakibat na batas— hindi po natin ito babale-walain; bibigyan natin ito ng pansin.”
Kalakip nito ang isang statement kung saan sinabi niyang sasagutin umano n’ya ang resolusyon ng Quezon City Council na ito sa pamamagitan ng isang digital series.
“Abangan po Ninyo sa mga susunod na araw ang aking opisyal na pahayag at reaksyon tungkol sa deklarasyong ‘persona non grata’ ng konseho ng Quezon City sa pamamagitan ng isang series sa aming pahinang VinCentiments, kasalukuyan pa po kaming nag-iisip ng mababaw na pamagat. Salamat,” tila may pasaring na sey pa ng kontrobersyal na direktor.
Bagamat ang deklarasyong “PERSONA NON GRATA ay isang Resolusyon at hindi Ordinansa; walang kaakibat na batas— hindi po...
Posted by Darryl Yap on Tuesday, June 7, 2022
As of this writing ay wala pang reaction sa isyung ito si Ai-Ai delas Alas na halatang nag-e-enjoy sa bakasyon n’ya sa Amerika.
YOU MAY ALSO LIKE:
Direk Darryl Yap: “Nakaka-peste lang na sasabihin na nakiki-ride on kami sa JaDine.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber