Hindi umano consistent ang radio presenter at podcaster na si Mohan Gumatay o mas kilala bilang si DJ Mo Twister sa pagbibigay suporta sa anak n’yang si Moira, ang naging bunga ng relasyon nila noon ng dating aktres na si Bunny Paras.
Mismong si Bunny ang naglahad nito sa interview n’ya with comedian-vlogger and content creator na si Ogie Diaz, na in-upload sa YouTube channel ng huli kahapon, June 13.
Matapos kasi ang naging kumustahan nila ni Ogie tungkol sa paglisan niya sa showbiz at paninirahan na sa Amerika ay nauwi ang usapan nila sa anak nila ni Mo Twister na si Moira.
Dito n’ya ikinuwento ang hirap na pinagdaanan n’ya sa pagtataguyod kay Moira nang mag-isa sa loob nang mahabang panahon bago s’ya nagkaroon ng katuwang sa buhay, ang mister n’ya ngayong si Thomas Greenway na ama ng tatlo pa n’yang sumunod na mga anak.
Isinilang n’ya si Moira may rare medical condition na noong 10 years old lamang ito na-diagnose bilang isang degenerative disease na kung tawagin ay Friedreich’s Ataxia. Ito ang dahilan kaya naging challenge para kay Moira ang tumayo at maglakad.
Noon ay gumagamit pa s’ya ng walker hanggang sa kalaunan ay kinailangan na talaga nito ng wheelchair.
At present ay 23 years old na si Moira.
Dito natanong ni Ogie si Bunny kung ano ang role ni Mo sa anak nila lalo na’t may rare medical condition nga ito.
“Wala akong nakitang effort, Ogs. Mabibilang ko lang,” direktang pagtatapat ni Bunny.
Nagkaroon naman daw ng moments together ang mag-ama pero hindi daw ito consistent.
“Fifteen, 16 [years old], nag-graduate ng high school ’yong anak ko, minessage n’ya, inimbita n’ya, pumunta sila. Mabait kay Moira, ’tsaka mga kapatid n’ya naaalala si Moira,” pagbabahagi n’ya.
“So, akala ko everything’s gonna be okay, kahit masama ’yung loob ko sa kanya because from three years old to 16 wala ka talagang nakitang help.
“’Yong pag-sign lang n’ya ng adoption papers ng anak ko para ’yong asawa ko ang maging legal father.”
Ginawa daw nila iyon para hindi na sila mahirapan sa pagpapagamot kay Moira.
“Lumapit ako sa mommy n’ya para makakuha ako ng medical benefits para sa anak ko. I have to have my husband, you know…legal father. Para hindi kami nahihirapan kasi ang daming kailangan medically, aasikasuhin,” salaysay ng dating aktres.
“So, kung gusto kong mag-dwell doon, which ayoko sana… Ang dami n’ya po sigurong p’wedeng participation sana kung gusto n’ya [Mo] hindi ko nakita ’yong effort,” lahad pa n’ya na tila may sama pa rin ang loob.
Humingi rin naman daw s’ya ng financial assistance mula rito for her daughter pero hindi daw s’ya pinansin. Mas nakapagbibigay pa nga daw noon ang mommy nito na lola ni Moira.
“I did so many times. Ano ako, [na-]ghosting, dedma. Hindi ako pinansin,” pagsisiwalat n’ya.
“Siguro there are times na nag-aabot ’yong mommy n’ya ng $100 or $200 kapag kunwari may okasyon,”dagdag pa n’ya.
“There were times na merong konting $200. Bata pa si Moira nu’n at saka nu’ng newborn si Moira may mga gatas, diaper. Pero hindi siya ’yong sobrang... libo ang expenses namin pag dating kay Moira.”
Pagpapatuloy pa ng sister ni Sharmaine Arnaiz, umabot na daw s’ya sa puntong kahit huwag na magbigay ng financial support si Mo for Moira. Kahit paglaanan na lang daw ng panahon ang anak nila.
“Bigyan mo na lang ng panahon, ipasyal mo, make time. Iparamdam mo naman doon sa bata na part din s’ya ng immediate family mo, ayon ’yong sanang gusto kong mangyari,” aniya.
“Kasi pag nasa Vegas kami… Taga-Las Vegas s’ya [si Mo] ngayon. Siguro mga four years ago pag nagho-hotel kami, sasabihin ni Moira, ‘Oh they messaged me kasi grandma is there. Can they see me? Can grandma see me?’
“Tapos sasabihin naman niya, ‘Mo will pick you up from the lobby.’ Pinapayagan ko. Sabi ko, ‘Go ahead, Moira…’ So, akala ko everything was good kahit papano,”
Sey pa ng dating aktres, kung may galit man daw si Mo sa kanya ay huwag sana umano nitong idamay ang anak nila.
“Mahalin niya. Hindi ko alam kung anong nasa utak niya, e. Kasi hindi naman mahirap mahalin ang sarili mong anak. Sarili mong dugo yan, e,” sabi ni Bunny.
“Bakit ba parang ang hirap to see the genuine side of it? Ayun ’yung nahihirapan akong makita sa kanya. At tsaka napaka-lovable ni Moira,” she added.
“Nakakahiya nga, parang panawagan pa, alam mo ’yon? Pero kung ayaw nila okey lang. Sanay na kami. We’ve learned to move on nang wala sila there consistently,” pagtatapos n’ya.
Sa ngayon ay nagpapaka-positibo pa rin si Bunny sa kabila ng pinagdadanan nila ng anak n’ya.
Feeling blessed pa rin daw s’ya sa pagkakaroon ng ulirang asawa na katuwang n’ya sa lahat ng bagay, at pagkakaroon ng tatlo pang mga anak.
As of this writing ay wala pa namang tugon sa mga inilahad na ito ni Bunny ang kampo ni Mo Twister, na last year lang ay ikinasal na sa kanyang longtime girlfriend na si Angelika Schmeing.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber