Pakiramdam daw ng aktor na si Dennis Trillo ay nakumpleto ang kanyang pagkatao sa pagdating ng daughter nilang si Baby Dylan ng misis n’yang si Jennylyn Mercado.
Inilahad ’yan ng aktor sa nangyaring grand media launch ng upcoming teleserye n’ya na Maria Clarra at Ibarra nitong September 23 na ginanap sa Intramuros, Manila.
Kinumusta kasi ng entertainment press ang versatile actor sa pagkakaroon ng newest bundle of joy sa pamilya nila ni Jennylyn.
“Masaya, sobrang saya. Feeling ko lalo akong nakumpleto,” pahayag ng Kapuso Drama King.
Nag-e-enjoy daw s’ya sa pagpapaka-daddy sa kanilang pamilya, lalo na ang pag-aalaga ng baby, na mukhang hindi n’ya naranasan noon sa naging anak nila ng dati n’yang nakarelasyon na si Carlene Aguilar.
“Ngayon, na-experience ko ’yong mga hindi ko na-experience dati. Nakapag-hands on ako talaga na mag-alaga ng pamilya, ng anak. Siguro isa ito sa pinakamasasayang stages ng buhay ko,” lahad ni Dennis.
Kuwento pa n’ya, mahirap sa kanya na mawalay sa kanyang pamilya tuwing papasok s’ya sa lock-in taping.
“Medyo mahirap pero kailangan lang masanay. Kailangang magaling ’yong time management mo bilang artista at tatay sa bahay. ’Yon lang. Once na makuha mo na ’yong time management mo nang maayos madali ka nang makaka-adjust,” saad pa ng aktor.
Samantala, challenging daw para sa kanya na gampanan ang iconic role na Crisostomo Ibarra mula sa nobela ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
“’Yong Crisostomo Ibarra, hindi ito pangkaraniwang role na p’wede mong gawin na konti ang preparasyon. Kailangan mahaba ang preparasyon mo dito,” paliwanag n’ya sa press people.
“Kailangan alam mo ’yong kuwento ng Noli Me Tangere at El Fili[busterismo]. Ngayon mas’werte tayo, marami tayong makukuhang references sa Google, makikita mo ’yong look, kung sino ang mga dating gumanap na Crisostomo Ibarra.”
Pagtatapat pa n’ya, nahirapan s’ya sa kung ano ang magiging bihis at hitsura n’ya para sa kanyang papel na Ibarra.
“Siguro mahirap ’yong pagpili ng look dahil, s’yempre, alam naman nating lahat na si Crisostomo Ibarra ay representation ni Rizal at sa lahat halos ng mga adaptation nu’n parang iisa lang ang hitsura nila. Nahirapan lang ako du’n kung kailangan ko bang mag-mukhang Rizal. Pero ayon, marami naman akong nakitang variations and options na p’wedeng gawin,” pag-amin pa ng multi-awarded actor.
Bukod pa doon, nag-aral din sila ng wikang Espanyol para mabigkas nila nang tama ang mga Spanish phrases sa kanilang mga linya.
“Siguro importante rin na basahin nang maigi ’yong script dahil para makita mo ’yong dynamics ng eksena pag nag-meet ’yong past and present. And bago rin kami nag-start ng taping ay nagkaroon kami ng konting Spanish class para sa mga dialogue namin sa Espanyol,” pagtatapos ni Dennis.
Mapapanood si Dennis, kasama sina Barbie Forteza, Julie Anne San Jose, Juan Rodrigo, Ces Quesada, Tirso Cruz III, at marami pang iba, sa historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra simula October 3 sa GMA Telebabad.
YOU MAY ALSO LIKE:
Pika's Pick: Dennis Trillo pens heartwarming birthday message for his wife Jennylyn Mercado
Jennylyn Mercado, magpapa-check up lang dapat pero biglang napaanak na kay Baby D?
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber