Direk Darryl Yap to Direk Joel Lamangan and Cherry Pie Picache: "’Yong natitira n’yong panahon sa mundong ito wag n’yong gamitin para magsinungaling."

"Direk Joel, kaka-opera mo lang noong December. Paulit-ulit ko ’yang sinasabi sa sarili ko para hindi humantong sa ganito...But you just don’t stop. Wag ka magsinungaling na kami ang tumatapat sa’yo. Ikaw ang tumapat sa amin. Kung hindi matanggap ng ego mo na isang gaya ko lang ang tatapatan mo problema mo na ’yon."—Darryl Yap to Joel Lamangan

PHOTOS: Anna Pingol; INSET: Cherry Pie Picache on Facebook

"Direk Joel, kaka-opera mo lang noong December. Paulit-ulit ko ’yang sinasabi sa sarili ko para hindi humantong sa ganito...But you just don’t stop. Wag ka magsinungaling na kami ang tumatapat sa’yo. Ikaw ang tumapat sa amin. Kung hindi matanggap ng ego mo na isang gaya ko lang ang tatapatan mo problema mo na ’yon."—Darryl Yap to Joel Lamangan

Naglabas ng pahayag ang writer-director and viral content creator na si Darryl Yap para sagutin ang mga naunang statement ng batikang direktor na si Joel Lamangan laban sa kanya at sa kanyang mga pelikula. 

Naganap ang pag-a-address niya sa mga issue kahapon February 20, as a post-script sa grand press conference ng pelikula ni Direk Darryl na Martyr or Murderer, ang prequel ng blockbuster movie niya na Maid in Malacañang

Matapos ang press con proper ay kumuha ng pagkakataon ang batang direktor para sagutin ang mga ipinahahayag umano ni Lamangan at ng kampo nito.

Damay din dito ang seasoned actress na si Cherry Pie Picache na kamakailan lang ay nagsabing never siya magpapa-direk kay Darryl Yap. 

Ani Direk Darryl, isahang beses na lang daw niyang ia-address ang mga issue para hindi na rin n'ya isa-isang sagutin ang mga press at vloggers na nagdi-direct message sa kanya para hingin ang kanyang reaction.

"Regarding du’n sa statements about being truthful, being takot, and everything...of course, I’m gonna name it - the messages of Direk Joel Lamangan and Cherry Pie Picache. This is the ‘Sinong tumapat? Sinong sumabay? Sinong whatsoever?’" panimulang lahad ni Direk Darryl.

Kasabay noon ay nagpakita siya ng mga screenshots ng mga lumang headlines na nagsasabing tatapatan nga si Direk Joel ang pelikula ni Direk Darryl, pati na rin mga headlines na nag-aakusang si Direk Darryl ang tumapat kay Direk Joel.

"For the longest time hindi talaga ako sumasagot kay Direk Joel because, you know, I look [up] to this person and all," patuloy niya.

Katunayan, bago nga raw siya pumunta sa venue ng #MoM presscon sa Quezon City ay pinanood daw muna niya ang mga pelikula nina Direk Joel at Cherry Pie para umano manumbalik ang paggalang niya sa mga ito .

"Kanina nga before ako pumunta [dito sa press conference], nanood pa ako ng Bulaklak ng Maynila at Tanging Yaman para maalala ko ang respeto ko sa kanilang dalawa ni Ms. Cherry Pie," pagbabahagi niya. 

"But, you know, if we are talking about the truth then we have to talk about the truth. It’s not true that Martyr or Murderer ay sumasabay sa pelikula nila. Because this is what he said when I posted the trailer of Maid in Malacanang."

Ang tinutukoy niya ay ang mga sinabi ng batikang direktor sa launching ng ML@50 event last July 2022. 

Sa press con kasing iyon nina Lamangan ay tinawag niyang "katarantaduhan" ang pelikulang Maid in Malacañang. 

Inakusahan pa niya ito ng historical revisionism dahil layunin umano nito na burahin ang mga nangyaring pag-abuso sa karapatang-pantao noong panunungkulan ni dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Bukod pa doon, sinabing rin niyang gagawa siya ng pelikulang itatapat niya sa Maid in Malacañang.

"This video is not available na online. It’s a good thing that we found this video recording. So, people will know what exactly the truth is," saad pa ni Direk Darryl.  

"The content of the video is his statement that after Maid in Malacañang, they’re gonna do a film na tatapat sa amin. So, I don’t think it’s us who actually made tapat. But this video is not online anymore.

"This [video] is July 2022. So, 'yong mga articles na nagsasabi na ginawa 'yong Martyr of Murderer para tumapat sa kanila, isang malaking kalokohan po 'yon."

Isa pa umano sa gusto niyang ituwid ay ang sinabi ni Lamangan na pera umano ng taumbayan ang ginamit para mai-produce ang kanilang pelikula. Tila pambabastos na umano ito sa Viva at sa mga del Rosarios at maging kay Senator Imee Marcos.

"You know, Boss Vic, the del Rosarios, and the Marcoses, they’re not just boss to me. They’re family. So, if they’re saying nasty things about these people, I have to correct it. I have the responsibility," madiing pagpapatuloy niya.

"Kasi ang mga artista ko naman, hindi naman masakit magsalita, ’no? I guess, ’yong pinakawalan nilang masasakit na salita laban sa mga boss ko at sa producer ko ay hindi dapat palagpasin."

Nagsalita na daw siya para tuldukan na ang issue. Ayaw na rin umano niyang mag-post pa ng mga patama sa social media.

"Ayoko kasi ’yong sa online na naman ako magpo-post tapos masasaktan ko ’yong mga taong hindi naman dapat masaktan. So, harapin na natin ’yong issue para hindi na makaabala sa promo namin," ani pa Direk Darryl.

"Kasi even the mainstream [media], ABS [CBN], GMA, getting my feedback. I don’t like to give...you know, airtime to them especially pag binabastos ang producer."

At sa puntong ito ay ipinakita niya sa press ang recorded video na naglalaman ng mga naging pahayag ni Direk Joel noong July 2022.

"So, narinig po ninyo na sila po talaga ang tatapat. Kung ipi-play po namin ito [MoM] ng EDSA [People Power Revolution Anniversary], ganu’n pa rin. Hindi naman kami magra-run ng isang linggo. Aabutin pa rin ng March 1," muling giit niya sa sinasabi umano ni Lamangan. 

Kasunod nito ay diretsahan na niyang in-address ang batikang direktor. 

"Direk Joel, wag po natin lolokohin ang mga tao. Ang tanda-tanda mo na sinungaling ka pa. Ang hindi ko pagsasalita laban sa’yo ay kabaitan. Hindi ’yon karuwagan," matapang niyang pahayag.

"Wag mong sasabihing ang mga producer ay takot na pondohan ka dahil anti-Marcos ka. Walang ginagawa ang gobyernong ito para sikilin ang media at ang cinema. 

"Kaya natatakot ang mga producer ay natatakot sila baka mag-flop ka. Ganu’n lang ’yon."

Mabuti na lang daw at may video si Direk Joel na sinabi mismo nito na gagawa ito ng pelikula na itatapat sa pelikula niya. Dahil kung wala ay baka magmukhang ito ang nagsasabi ng totoo at lalabas naman na sinungaling siya.

"Tigilan na natin ang panloloko at panta-tanga sa mga Filipino. Kung wala itong recording na ito magmumukha na naman akong sinungaling at talagang tumatapat sa inyo," saad pa ni Direk Darryl. 

Masyado pa raw siyang baguhan para magkaroon ng tapang na tapatan ang mga gaya nilang matatagal na sa industriya.

"Wala po akong award kahit isa. Wala po akong panama sa laki ng pangalan n’yo, Direk Joel. I look up to you, even to you Ms. Cherry Pie," pag-uulit pa niya. 

"I have also screenshot d’yan, e…all over. But please, wag tayong ano… Direk Joel, Cherry Pie..."

Sa puntong ito ay nadamay na rin ang aktor na si Allen Dizon na co-star ni Cherry Pie sa kanilang Oras de Peligro movie.

"Even Allen Dizon... [sabi n'ya], ‘Hindi naman ginawa para tapatan. Parang hindi naman talaga. Parang nagkataon lang.’ Ang pa-plastik n’yo naman. Ang tatanda n’yo na ang sinungaling n’yo pa," ratsadang banat pa rin ni Direk Darryl matapos niyang basahin ang statement ng aktor na sa screen.

"Mas may dignidad kung sasabihin ninyong, ‘Oo, sinabayan namin kasi ito ang paninindigan namin.’ Ganu’n ang gusto ng mga Filipino ngayon. Bakit n’yo sila pagsisinungalingan na tumatapat kami sa inyo, na natatakot kami sa inyo?"

Wala naman daw kasing dapat ikatakot dahil pareho-pareho lang umano silang mga manggagawa sa film industry.

"Alam n’yo naniniwala ako na mula direktor hanggang taga-punas ng mesa tuwing nagsu-shoot, taga-bitbit ng ilaw, artista, cameraman, pantay-pantay. Lahat tayo manggagawa. Bakit kami matatakot sa inyo? Sino ba kayo?" mapanghamong tanong niya 

"Hindi ako malaking direktor para i-bully n’yo nang ganito dahil marami kayong kakamping press," balik akusa naman niya. "Hindi n’yo ako p’wedeng sipa-sipain na lang."

Dagdag pa ni Darryl, nagpipigil nga daw siyang magsalita patungkol kay Direk Joel dahil alam niyang kakapa-opera lang nito last December. Pero aniya, ang kampo nito ay hindi tumitigil rumatsada sa kanya.

"Direk Joel, kaka-opera mo lang noong December. Paulit-ulit ko ’yang sinasabi sa sarili ko para hindi humantong sa ganito," muli niyang pag-a-address sa multi-awarded director.

"But you just don’t stop. Wag ka magsinungaling na kami ang tumatapat sa’yo. Ikaw ang tumapat sa amin.

"Kung hindi matanggap ng ego mo na isang gaya ko lang ang tatapatan mo problema mo na ’yon."

Pinayuhan rin niya sina Direk Joel at Cherry Pie na mag-promote na lang ng kanilang pelikula nang hindi dinadamay pa ang kanyang pangalan. 

"You know, Direk Joel, Ms. Cherry Pie, ’yong natitira n’yong panahon sa mundong ito wag n’yong gamitin para magsinungaling," aniya. 

"Mag-meeting kayong dalawa kung paano n’yo ipo-promote nang marangal ang pelikula n’yo. Because we are not using your names, we are not mentioning your names in any press con," pagdidiin pa niya.

"Stop this Jurassic form of promotion. That’s the only and the last statement that I’ll deliver."

Muli rin n'yang ipinagtanggol ang Viva, at si Senator Imee Marcos na creative producer ng Maid in Malacañang at Martyr or Murderer.

"Don’t you dare malign my bosses. All the money that was produced here were all from hard work. Viva is not like that. Senator Imee is not like that," patuloy pa rin ni Direk Darryl.

"This is my ultimate statement and I’m not gonna repeat it. Wag masyado makapal ang mukha ninyo. This is the day of information technology. Lahat ng sasabihin ninyo may record. 

"For once, hindi kami ang tumatapat. Secondly, hindi kami natatakot sa inyo. Wag kayong sinungaling.

"Kung nagsisinungaling kayo sa paggawa n’yo ng pelikula, paano naniniwala ang tayo sa inyo na totoo ang naranasan n’yo nu’ng Martial Law. Now, I’m doubting, Direk. Thank you," matalinhagang pagtatapos pa ni Direk Darryl. 

Sabay na ipalalabas ang Martyr or Murderer ni Direk Darryl, at ang Oras de Peligro ni Direk Joel simula March 1 in cinemas nationwide.

 

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Para kay Direk Joel Lamangan, “katarantaduhan” ang pelikulang Maid in Malacañang; sagot ni Direk Darryl Yap: “Hindi lang siya ang may kwento at hindi lang ang mga kwento nya ang may kwenta."

Oras de Peligro movie ni Direk Joel Lamangan, hindi raw sagot sa Maid in Malacañang ni Direk Darryl Yap

Direk Darryl Yap insists his Martyr or Murderer movie is not a political movie; 'it's a family-in-crisis movie."

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.