Exclusive: Ara Mina, wala raw planong paalisin ang pamilya ni Deborah Sun sa condo niya. “Kasi parang lalo ko naman silang nilugmok no’n.”

Ara Mina: Okay na siya, e. Sana lang walang nag-bad influence na naman sa kanya.

PHOTOS: @therealaramina & PDEA

Ara Mina: Okay na siya, e. Sana lang walang nag-bad influence na naman sa kanya.

Nakausap ng pikapika.ph si Ara Mina ngayong hapon, September 11 at hindi na kami nagpatumpik-tumpik sa pakay naming hingin ang pahayag niya tungkol sa dating aktres na si Deborah Sun (Jean Louise Salvador Porcuna in real life). 

Sa isang buybust operation na isinagawa ng mga Quezon City Police at nga agents ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) last Sunday, September 8, sa isang condo sa Cubao, Quezon City ay isa si Deborah sa nadakip kasama ang tatlo pang katao. Ang isa rito ay ang 45-year old niyang anak na si Angelica Porcuna na nagtangka pa diumanong tumakas.

Nahuli sa apat ang mga sachets na naglalaman nang hinihinalang shabu at mga paraphernalia sa paggamit nito. Hindi ito ang unang pagkakataon na nasagkot sa mga isyu ng droga ang pangalan ng aktres.

“Positive ba?” bungad sa amin ni Ara. Sabi namin ay, oo daw. According to news reports, bagama’t tumanggi diumano ang aktres sa paratang sa kanya ay lumabas na positibo diumano ito sa droga matapos nitong sumailalim sa drug test ng PDEA.

Indirectly kasi ay nasangkot ang pangalan ni Ara sa balita dahil sa kanya pala ang condo unit na tinitirhan ni Deborah at ng pamilya nito.

Ayon kay Ara, isa daw ito sa mga nauna niyang pundar mula nang mag-artista. 

“Eighteen to twenty years old ako nang bilin ko ’yon,” balik-tanaw ni Ara tungkol sa nasabing condo unit na malapit malapit sa isang landmark na palengke sa Quezon City. “Pre-selling pa yan noon.”

Noong una raw ay si Deborah at mga anak na sina Jam, Candice at Jem lang ang nakatira doon. Pero hindi na raw niya na-monitor kung ilan na silang lahat ngayon doon. (Si Jam ay anak ni Deborah sa namayapang aktor na si Jimi Melendez at minsan rin itong sumubok mag-showbiz.)

Hindi pa raw niya nakakausap ang aktres magmula nang mangyari ang insidente pero kagabi lamang daw, September 10, ay ka-text niya ang apo nito.

“Hindi pa raw sila kumakain,” lahad ni Ara. “So, nagpa-grab ako ng food from my cafe. Kasi, wala, e.”

 

Giving Deborah a chance

“Actually, wala namang may alam na pinatira ko siya [Deborah] do’n until last year,” k’wento sa amin ni Ara. “Siya din naman nagbabalita. May naka-interview yata sa kanya, binibida niya ako kasi nga, natuwa siya na pinatira ko siya doon. Ang tagal na, three years ago pa. Do ko na masyado tanda ang details.

Paano sila naging close, tanong namin.

“Di naman talaga kami close na close... no’ng araw, may taping ako sa isang area tapos nagpunta siya kasi may inaalok-alok na paninda. Hinahanap daw ako. Kasi siguro baka ako lang medyo kilala niya sa mga nandoon. Kaso,di naman ako naabutan. So, sabi ko, kunin nalang number.

“Later on, tinext ko, sabi ko, ‘Yes, tita!’ Ayon naging magka-text na kami. Hanggang sa nagkuk’wento na siya ng mga problema. Nak’wento niya na gusto na nilang umalis sa lugar nila kasi madami nga daw adik, baka madamay pa sila. Kaso wala nga daw matitirhan.

“E, ako naman, pina-alis ko na ’yong tenant ko kasi balak ko na sanang ibenta. Kaso, ang hirap niya ibenta kasi parang di naman masyado name-maintain ’yong building. 

“So, sabi ko, kesa naka-tiwangwang, pagamit ko muna. So, pinatira ko muna siya. Kasama niya tatlong anak saka nga mga apo. So, okay naman. Paminsan-minsan, magte-text... pinapadalhan ko ng groceries. Hindi naman ako masyado nagbibigay ng cash. Paminsan-minsan mga one thousand kasi si Jam, may sakit yon, kailangan ng maintenance na gamot. So, pag ano, nagpapadala ako. 

“E, ako naman kasi, kumbaga, I gave them a chance. I gave her a chance kasi wala namang nagbibigay ng trabaho. Maski ako inaalok ko na siya sa mga EP (executive producers), wala talaga, e.”

Si Deborah na raw ang sumasagot sa kuryente at association dues ng condo. But other than that, hindi siya siningil kailanman ni Ara ng renta. At ayon kay Ara, naniwala siyang maayos na kahit papaano ang lagay ni Deborah. Until maganap nga ang buybust noong weekend.

“Okey naman siya for the longest time, ewan ko lang nitong huli. Baka may nag-impluwensya na naman. I hope hindi ’yong anak niya nakasama niyang nahuli. Kasi dati, tatlong anak lang kasama niya don—si Jam, si Candice, saka si Jem. Plus mga apo. Parang mga anim lahat sila.

“Now, hindi ko na alam. Hindi ko nga alam pa’no sila nagkakasya doon. Ang liit lang no’n, 24 square meters lang yata. Studio type lang. Pang-single. ’Yong dating umuupa doon, mag-isa lang siya.”

 

“May nag-BI na naman siguro sa kanya.”

Asked kung paaalisin na ba niya ang pamilya ni Deborah doon lalo’t nasasangkot ang pangalan niya sa negang balita?

“Di ko naman sila paaalisin,” malumanay na sabi ni Ara. “Kasi para namang lalo ko silang nilugmok no’n. Down na down na nga. Kaya lang, sana umayos. Sana wala nang mag-bad influence sa kanya. Kasi, umokey na siya, e. Hay nako, kung sinuman ang nag-impluwensya...”

At tila dala ng frustration, napa-buntong-hininga si Ara, sabay sabing: “Nakakainis lang talaga mga addict, mga pushers na yan. Nakaka-gigil. Bakit di sila maghanap ng ibang trabaho. E, alam mo, pag masipag ka naman, ibe-bless ka e.”

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.