EXCLUSIVE: Ella Cruz, tinuturing na blessing sa buhay niya ang BLACKPINK; nagk’wento sa experience sa Indonesia at may pahatid na message sa mga bashers na nagsasabing credit grabber siya

“Akala ko dahil fangirl ka lang puro pagpa-fan ka lang, pero ’yong pagiging fangirl ko takes me to another country. And nangyari ’yong hindi kapani-paniwalang pangyayari. And ’yong pagiging fan ko sa BLACKPINK talaga, sabi ko, ‘Parang blessing sa’kin ’yong BLACKPINK.’”

PHOTO: @ellacruz on Instagram

“Akala ko dahil fangirl ka lang puro pagpa-fan ka lang, pero ’yong pagiging fangirl ko takes me to another country. And nangyari ’yong hindi kapani-paniwalang pangyayari. And ’yong pagiging fan ko sa BLACKPINK talaga, sabi ko, ‘Parang blessing sa’kin ’yong BLACKPINK.’”

Nagpasiklab na sa dancefloor sa Indonesia, nag-trending pa sa social media noong January 14 ang dancer-actress na si Ella Cruz. Sumayaw lang naman s’ya kasama ng kanyang group na Team Gabriela sa harap mismo ng miyembro ng iniidolo n’yang K-Pop girl group na BLACKPINK na sina Lisa, Rose, Jennie, at Jisoo. 

Bukod doon ay na-recognize din sila sa kanilang performance at nakapag-uwi pa ng Awesome Cover Award matapos nilang mapa-wow ang BLACKPINK at ang audience.

Nito lang Biyernes, January 24, sa opening ng Japanese restaurant na Boteijyu sa Estancia Mall sa Ortigas, exclusive na na-interview ng pikapika.ph si Ella. At dito ibinahagi ng 23-year-old actress ang kanyang karanasan bago at pagkatapos nilang sumayaw sa Indonesia.

 

THE LUCKY ONE
Una, ibinahagi ni Ella kung paano siya sinuwerteng mapili para maging kinatawan ng Pilipinas sa nasabing dance contest sa Indonesia, ang Samsung Live, kung saan present nga ang mga Samsung endorsers na miyembro ng BLACKPINK. 
 
Na-invite ako, napili ako ng Samsung [Philippines]," k’wento ni Ella na endorser din ng nasabing cellphone brand dito sa atin. “Para ako 'yong ipadala nila at i-represent ko 'yong Philippines doon sa dance contest, doon sa event na 'yon, which is 'yong launch ng newest phone nila.

Ako ’yong napili nila. Winork out ng Viva [Artist Agency or VAA] na matuloy at ma-push hanggang sa three days bago lumipad na-finalize ’yong everything. ’Yong magiging event flow, na ako na talaga ’yong final na ipapadala nila.” 

Naiyak pa umano ang dalaga nang matanggap n’ya ang imbitasyon galing sa Samsung.

Aniya: “Sinend sa akin ’yong buong invitation ng Samsung na 'We want Ella to be part of this event 'cause we know Ella is such a big fan of BLACKPINK.' Umiiyak na ako no’ng nabasa ko 'yon kasi parang, 'Oh my God! Totoo ba 'to? Pupunta ako ng Indonesia, hindi para panoorin ko 'yong BLACKPINK pero para panoorin ako ng BLACKPINK mag-perform.

Hindi raw s’ya makapaniwala na sasayaw s’ya sa harap ng BLACKPINK na siyang mga judges sa dance contest.

“‘Wait, totoo ba?’" pagre-recall ni Ella. “‘Sasayaw ako? BLACKPINK  ’yong judge? Papanoorin nila ako?’ Parang... Alam mo ’yon? It’s very surreal kasi, maniniwala ka pa na manonood ka ng concert nila, i-meet and greet mo sila, ganyan. Pero parang ’yong attention ng BLACKPINK maging full na nasa iyo at pinapanood ka nila... parang ngayon, parang hindi pa rin s’ya nagsi-sink in sa akin.”

PREPARATION
Tsika pa ni Ella, dalawang araw lang daw ang naging paghahanda nila ng Team Gabriela para sa competition. Kasama n’ya sa Team Gabriela ang dalawang members ng Sexbomb NewGen na sina Daphny Red Apigo at Eunice Andrea Creus.

“Two days lang kasi meron kaming Sabado at Linggo. Then Monday ’yong flight namin. So, nag-rehearse kami whole day. Nilinis namin [’yong dance routine] whole day.

Sabi ko, 'San ka nakakita ng dance competition two days lang [nag-prepare]?” natatawang sabi ng dancer-actress.

Tinulungan din daw sila ni Macky Quiobe, ang dance choreographer ni Ella sa kanyang YouTube Channel, choreography ng kanilang dance routine. 

Sa kanya ako lumaki,” pakilala ni Ella kay Macky. “Compliments ’yong moves namin. Alam n’ya...kasi sumasali rin s’ya ng competition sa ibang bansa. Alam n’ya kung paano ’yong magiging treatment no’ng buong sayaw, no’ng flow no’ng buong sayaw. Mahilig din s’ya sa K-Pop. Alam n'ya kung ano’ng magugustuhan ng Koreans.”

Naik’wento din ng Cinemalaya 2019 best supporting actress na idea n’ya ang mixed songs na ginamit nila sa sayaw, maging ang kanilang costume. Kaya naman “talagang stressed ako bago lumipad [papuntang Indonesia].”

TAAL VOLCANO ERUPTION
Kung challenging na dalawang araw lang ang preparation nila Ella para sa competition, mas nadagdagan pa raw ang kaba nila no’ng muntikan na silang hindi ma-tulak papuntang Indonesia.

Natapat kasing isang araw matapos pumutok ang Taal Volcano ang flight date nila kaya naging kalaban nila ang kakapalan ng ash fall.

Sobra ’yong kaba, kasi Monday [January 13] ang flight namin, [Sunday] nag-erupt 'yong Taal. Parang January 12 nagsimula ’yong ash fall. Nagsara ’yong buong NAIA [Ninoy Aquino International Airport]. So, parang, ‘Oh my, God. Ano to?

Parang, ‘hindi ba ’to matutuloy?’ May gano’n pa ako. Hanggang sa nando’n na ako sa airport. Nag-open na uli ’yong airport no’ng Monday...January 13 ng hapon. Tapos nando’n na ako sa airport. Kami nila Ate Patty [her handler from VAA]. Kinakabahan pa rin kasi during nasa airport [kami] may naka-cancel na flights pa rin. So, parang hindi talaga ako maka-galaw. ’Yong kaba ko parang sasayaw na ako pero hindi. 

Hindi umano n’ya mapiligang umiyak nang sa wakas ay makapasok sila sa eroplano at makaalis patungo sa competition.

“’Yong kaba ko parang, ‘Gosh, matutuloy pa ba ’to o mabo-brokenhearted ako nang malala?’ Pero ’yon hanggang sa naka-tuntong na ako sa airplane. No’ng take off umiiyak na ako nang malala. Kasi, ‘Totoo na ’to. Nangyayari na. Lumilipad na. Totoo na s’ya!’

MOMENT WITH BLACKPINK
Feeling blessed naman sina Ella nang makarating na sa Indonesia. Kinabukasan, January 14, dumiretso na sila venue ng event. Sa backstage, wala raw tigil ang malakas na kabog ng dibdib niya.

Nakarinig din umano sila ng tsika sa backstage kung anu- anong team ang malalakas. 

“‘Huwag kayo magpadala sa ganyan. Basta gagawin lang natin ’yong sayaw tapos mag-eenjoy lang tayo,’” recall ni Ella na paalala niya sa kanyang mga co-dancers na sina Daphny at Eunice. 
 
Dagdag-k’wento pa n’ya: “Seven PM kasi ang salang namin [sa stage]. Seven PM tinawag na kami. ’Yong kaba namin medyo... hindi na kami nagpapansinang tatlo...”

Bago sumalang, hindi umano nila kinalimutang magdasal muna. 

Habang nagpi-pray kami umiiyak kaming tatlo. Kasi parang, ‘Oh my God. This is happening. This is really happening!’
 
Pangatlo kami [sa nag-perform], e. No’ng nagpi-prepare na kami, standby na kami sa backstage, talagang grabe na ’yong kaba ko kasi hindi ko alam ’yong possibility na... oo, kinakabahan...Sanay akong kabahan sa stage, pero hindi ako sanay na ’yong iniidolo mo papanoorin ka? Tapos paano kung ma-mental block ka? Ma-starstuck ka? Kaya sabi ko, ‘Hindi p’wede ’to.’”

Kaya kahit daw kumakabog ang dibdib at nangangatog ang tuhod, pinilit daw ng dalaga na maging kalmado at natural onstage. Pinilit din daw niyang kalmahin at i-psychology ang sarili at wag magpaka-fangirl mode that moment.

No’ng nasa stage ako, nakatingin silang apat [BLACKPINK members]. Tapos ako, kakawayan ko sana kasi s’yempre, ‘Oh my gosh, nakatingin sa ’kin ang BLACKPINK. Hindi! Hindi, Ella! Performer ka!’ 

Tapos biglang may sumanib sa ’kin na performance level. Eto na si Beyonce ko, si BLACKPINK ko sumanib na sila sa ’kin.

With that mindset, naitawid nilang tatlo ang kanilang inihandang dance routine. Nag-focus na lamang umano si Ella sa kanilang sayaw at hindi sa mga iniidolong Korean artists dahil nanlalambot daw s’ya kapag tumitingin s’ya sa kanila. 

Sobrang happy sila sa kanilang ipinakita at sa naging reaction ng BLACKPINK sa performance nila. Para kay Ella at mga kasama, na mga BLACKPINK fans din, ay sapat na ’yon at matatawag ng winning moment nila kahit hindi sila palaring manalo.
 
No’ng awarding na, kahit ano’ng award, kahit matalo, kahit walang award okay na kasi ’yong moment na nando’n ako nagsasayaw in front of BLACKPINK, ’yon na ’yong winning moment ko, e. ’Yong award, ’yon na ’yong pinaka parang bonus na lang.

 

CREDIT GRABBER?
Matapos mag-trending sa social media noong gabi ng January 14, lumabas naman two days after ang issue na inaako umano ng dancer-actress ang lahat credits sa kanilang award-winning performance sa Indonesia. 

Nagsimula ito sa paglalagay n’ya ng title sa kanyang YouTube video—na at present ay meron ng more than 3M views—na: “ELLA CRUZ PERFORMS IN FRONT OF BLACKPINK at SAMSUNG Live in Indonesia with SB NEWGEN.”

Pero dahilan naman daw kung bakit naging ganyan ang title niya. Paliwanag ng dalaga, nahirapan din s'ya sa pagbibigay title sa video at ang inisip n’ya ay ang mga keywords na p’wedeng gamitin ng mga fans para madaling mahanap sa YouTube ang video nila. At dahil nag-trend ang pangalan n’ya, ito ang inilagay s’ya sa title.

Also, hindi pa rin daw gano’n kakilala ng fans ang SB NewGen kasi starting group pa lang ito, maging ang name ng group nila na Team Gabriela. 

“People take credit on Ella Cruz lang,” paglilinaw ni Ella, na knowledgeable enough sa mundo ng social media.

Wala ’yong team. I think it’s the people’s thought and my fault is ’yong title ng YouTube [upload] ko, which is sobrang hirap, e. If you’re making a title sa YouTube, gusto mo nando’n na agad ’yong highlight. Kitang-kita na agad ’yong highlight. And ako ang naisip ko do’n since I’m trending, my team is trending, ilagay ko ang pangalan ko. ‘Ella Cruz performs in front of Blackpink.’ Tapos slash, Lisa was amazed.’ Not really because of me but because of my team. 

“’Yon ’yong inisip ko, na parang sobrang stressed ko... Kailangang trending, kailangang ma-maintain ko ’yong trending. I-a-up ko kaagad ’yong video para makita agad nila kasi so much are requesting for the whole performance. So ’yon ang nilagay ko. 

Sabi ko, since nare-recognize na nila ’yong girls na SB NewGen sila, nilagay ko na ‘with SB NewGen’ kasi once known naman e... it’s just few people know na Team Gabriela ’yong team namin.

’Yon ’yong iniisip ng tao na tineyk ko lahat ng credits. Sa ’kin na-amaze 'yong BLACKPINK, which is I never take on it. Kasi even no’ng nag-trending ako, even ’yong mga Blinks [fandom ng Blackpink] sa ibang bansa, nire-repost ko, nire-retweet ko, then tina-tag ko ’yong NewGen kasi sobrang thankful ako. 

Kasi kung hindi sila ’yong naging ka-partner ko, kung hindi sila ’yong naging ka-team ko iba 'yong kalalabasan [ng sayaw namin].  

Kasi no’ng nag-‘Kill This Love,’ si Daphny sa TikTok [mobile app] gano’n na 'yong ginawa n’ya. Sabi ko, kailangang gawin ’to ni Daphny sa routine namin. So, nilagay ko ’yong ‘Kill This Love’ kasi kami, ako at si Julian [Trono] ’yong nag-mix [ng kanta].

(Ang “Kill This Love” ang isa sa pinaka-sikat na kanta ng BLACKPINK.)

“It’s still my idea to put Daphny on it. At si Daphny talaga lagi s’ya ’yong nakakasama ko even with my other previous dance videos...

Parang naging... alam mo naman ’yong mga tao. Na-misinterpret nila. And at the same time, gusto nila may maba-bash sila.

HANDLING BASHERS
Hindi ito ang first time na nakatikim si Ella ng mga bashing at pamumuna sa social media. In fact, bago ang pagte-trending ng sayaw nila sa Indonesia ay pinag-isipan siyang buntis ng mga bashers dahil sa pagpo-post niya ng isang solo dance routine kung saan kita ang kanyang belly.   

Dinadaan nalang sa humor ni Ella ang pagsagot sa mga ito. In that particular instance, sinagot niya ang mga ito ng “Buntis agad? Hindi p’wedeng busog lang?”

Kaya hindi na bago sa kanya ang ma-bash online.

Kaya naman sa issue ng paratang na credit-grabber, tawa at kibit-balikat nalang din ang reaksyon ng talented Bulakenya.

Pinagtawan ko na lang sila,” sagot ng dancer-actress. “Guys, nakita nyo ba 'yong Twitter ko? Kasi sobrang proud ko sa girls ko. As in. Kasi sobrang galing nila doon [sa sayaw]. Ang ganda no’ng tandem naming tatlo.”

Gusto rin umano n’ya na makilala ang mga nakasama n’ya sa Team Gabriela dahil sa talento ng mga ito at hilig nila sa K-Pop.

So, pino-post ko talaga [sa social media] sina NewGen Daphny at NewGen Eunice kasi gusto ko silang makilala. Gusto kong makilala ’yong buong NewGen, na ma-recognize na buong Filipino fans ang buong Sexbomb NewGen... how they love K-Pop groups as well. Kasi they're very talented. 

At mahal na mahal ko 'yon. Since 2016, 2015, gano’n. Ever since I started doing my dance videos, sila na talaga ’yong nakakasama kong sumayaw.”

Muling paliwanag n’ya sa mga bashers: “Whatever your issue is, wala akong pakialam. Basta hindi ako naging selfish kasi shinare ko ’yong moment na ’yon with the NewGen and I’m just really thankful sa nangyari na ’yon and kayo na ang bahala kung ano ang gusto n’yong sabihin. Basta ako shini-share ko lang yong mga nangyari sa ’kin.”

BLACKPINK AS BLESSINGS
Ngayong nagkaroon ng magandang experience si Ella with the BLACKPINK, na-realize niyang “may patutunguhan pala” ang pagiging K-Pop fangirl n’ya. 

Akala ko dahil fangirl ka lang puro pagpa-fan ka lang, pero ’yong pagiging fangirl ko takes me to another country. And nangyari ’yong hindi kapani-paniwalang pangyayari. And ’yong pagiging fan ko sa BLACKPINK talaga, sabi ko, ‘Parang blessing sa’kin ’yong BLACKPINK.’ 

Naik’wento tuloy ni Ella ang ilan sa mga 'fangirl moment' n’ya sa Korean girl group na nagpasikat ng awiting “Kill This Love.”

Dati, nasa Korea ako to shoot a film tapos nag-launch sila nang bago nilang kanta. Napanood ko sila. 

Tapos, there was an event then na I had an access to be with BLACKPINK, to watch BLACKPINK. So, sabi ko, ‘Bakit parang blessings sa ’kin si BLACKPINK?’ 

Grabe lang ’yong binibigay sa'kin ng BLACKPINK. Hindi nila ’yon alam pero para sa akin big deal sila sa akin. Kasi kung hindi ako naging fan ng BLACKPINK, hindi mangyayari ’yon, e. Sobrang thankful ko to BLACKPINK as well kasi blessings talaga sila sa akin.” 

Kaya naman gano’n nalang ang pasasalamat ni Ella sa Samsung, sa Viva, at lalo na sa BLACKPINK na pinaghuhugutan n’ya ng inspiration pagdating sa performance, music, at fashion. 

“Sobrang thankful ko talaga sa BLACKPINK for existing, for being a group.”

 

ELLA CRUZ 2020
Natanong din ng pikapika.ph kung ano ang mga dapat pang abangan ng fans kay Ella this year.  

Ako na ’yong 5th member ng BLACKPINK,” pabiro n’yang sagot.

“Actually, tapos na ’yong bago kong single, bago kong kanta after a year. After resting sa music I'm back. Tapos na ’yong music ko. And patapos na din ’yong another single namin ni Julian [Trono]. Hopefully, sa February lumabas ’yon.”

Congratulations sa’yo, Ella at sa Team Gabriela!

 

 

 

 

 

 


 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.