Kagabi, November 22, ang ikalawang gabi ng lamay para sa pumanaw na anak ng magaling na actor na si Tirso Cruz III na si TJ or Tristan Jedidiah Ynchausti Cruz.
Lymphatic cancer ang sanhi ng pagkamatay ng dating child star-turned-hospital administrative officer na si TJ at nilabanan niya ito sa loob ng anim at kalahating buwan.
Miyerkules ng tanghali nang unang pumutok ang balitang pumanaw na noong umaga ding iyon ang panganay sa tatlong anak ng mag-asawang Tirso at Lyn Cruz. Ikinabigla ito maging ng mga malalapit nilang kaibigan at maski ng mga kamag-anak dahil tanging ang immediately Cruz family lamang ang may alam ng karamdaman na ito ni TJ. Ito raw ang agad hiniling ni TJ sa pamilya—na ilihim ang sakit niya—at nirespeto nilang lahat ito kahit hirap na hirap ang kanilang kalooban.
Aktibong volunteer kasi si TJ ng Make A Wish Foundation and in cooperation with the said non-profit organization ay itinatag ni TJ ang Spike For Hope, isang fund-raising volleyball event na naglalayong tumulong sa mga batang may critical illnesses. Sinimulan ito ni TJ noong 2014, after mapaglabanan ng tatay niya ang lung cancer.
Ironically, siya mismo ay inatake nito. May 1 daw nang malaman ng pamilya na may cancer si TJ na nagsimula lang nitong patingnan nang sumakit ang tiyan nito. At mula nga noon ay pinapangako niya ang pamilyang ilihim nalang ito. Paniwala raw kasi ni TJ ay gagaling ito at paggaling na lang daw niya saka nila sabihin sa iba ang tungkol dito. Ayaw daw ni TJ na masiraan ng loob ang mga batang may sakit na tinutulungan niya kapag nalamang siya mismo ay may sakit.
“FOR A QUICK MOMENT, NASAMBIT KO, ‘LORD, BAKIT NAMAN?”
THE FAMILY ORDEAL
Dumagsa ang mga nagmamahal sa pamilya Cruz sa La Funenaria Paz sa Sucat, Parañaque kagabi kabilang na ang mag-asawang Gary at Angeli Valenciano. Nag-volunteer pa si Gary, na dumaan din sa matinding karamdaman kamakailan lang at isa si TJ sa nag-alaga dito sa ospital, na umawit ng ilan sa mga awitin niya during the Christian service, kabilang na ang kanta niyang “Warrior Is a Child.” [Mga aktibong miyembro ng Victory Christian Fellowship ang pamilya Cruz.]
Kabi-kabilang yakapan ang nasaksihan ng pikapika.ph buong magdamag dahil walang patlang ang pagdating ng mga nakikidalamhati. Madaling araw na nang humupa ang dating ng mga tao. At noon lamang naka-buwelong makapagpahinga nang konti ang mag-anak mula sa pag-e-estima. At bagama’t magiliw nilang pinakikiharapan ang lahat, mababanaag pa rin kila Tirso—na Pip para sa mga kaibigan—ang labis na kalungkutan.
Sa sandaling pag-upo ni Tirso sa umpukan kung saan naroon kami, hindi maiwasan ng actor na magbalik-tanaw sa naging buhay nila sa loob ng anim at kalahating buwan.
Nagsimula lang daw ang lahat sa sakit ng tiyan at si TJ pa mismo ang nagdala sa sarili niya sa ospital, sa St. Luke’s BGC kung saan siya ng nagtrabaho ng maraming taon bilang adminofficer, para magpa-check up. At May 1 nga nang kinumprima sa kanilang cancer ang sakit ni TJ.
“Unang inatake colon niya, e,” nailing na sabi ni Tirso. “And it’s very aggressive. ’Yong cancer count, halimbawa 1,600, sasaksakan nila nang gamot…umaayos, e. Nagsi-600. So, parang, okay…pero the next day, ang taas na naman. Tapos, balancing act all-throughout…bababa sugar niya…aayusin, mamaya ibang organ naman magre-react…”
Sa loob daw ng six-and-a-half month na battle ng pamilya sa Big C ay apat na beses lang naiuwi sa bahay si TJ dala na rin nang lagi itong may kung anong nararamdaman.
Si Tirso na raw mismo ang nagtanong sa oncologist ni TJ kung “how much time do we have left?”
“Hindi niya rin masagot, e. Sabi niya, could be months, weeks…could be in awhile…e, ayon nga, in awhile pala. Kasi walang option, e, bibiyakin siya, but he might go right there…baka hindi niya ma-survive. Or balancing act, lahat babantayan…but he’s also going.”
Ang asawa raw niyang si Lyn, na halatang malaki ang ipinayat, ang talagang nagdala ng bigat sa sinapit ng anak.
“Ang asawa ko, every day pag gising ko, wala sa tabi ko…makikita ko siya, nasa terrace, nakaluhod, nakataas ang kamay [sa langit] at nagdadasal, umiiyak…every day ’yon for six months, walang mintis!”
Patuloy pa ni Tirso tungkol sa asawa: “Ngayon nga, di ba, napag-desisyunan na sa Sunday (November 25), ike-cremate. Magse-service mga 11 am, then cremation. Umaapela pa ang asawa ko, masyado raw mabilis…baka raw p’wedeng Tuesday nalang next week. S’yempre ayoko nang kontrahin. Si Bodie nalang ang kakausap sa mama niya para paliwanagan.”
Speaking of Bodie, ang middle child niya na dating nag-artista pero na-receive ang true calling na maging pastor, ay nag-put up ng brave front mula nang ma-diagnose ang kapatid.
“Si Bodie naman, kung tratuhin ang kuya niya, parang normal, parang walang sakit…’Ano ka ba kuya, kumain ka. Gusto mo bang gumaling o ano?’ Ang tigas. Sa loob-loob ko, ano ba itong anak ko, kung kailan naging pastor saka nawalan ng compassion. ‘Yon pala, cover lang niya ‘yon. No’ng bumibigay na ang kuya niya, kumawala na. Sa buong six months, ang tapang. Ni hindi ko nakitang umiyak yan. No’ng nasa ospital kami, nong kinakausap na niya Kuya niya, bumigay na. Parang bata. Masahol pa sa bata ang iyak.
“Si Djanin naman…mahal na mahal niya ang kuya niya, e. Hanggang ngayon, hindi niya sinisilip ang Kuya niya sa casket. Gusto lang daw niyang maalala ang kuya niya na buhay, healthy…nakita niya kasi when he drew his last breath…hindi na niya kinaya. Kaya hanggang ngayon, pansinin n’yo, nasa likuran lang siya lagi ng chapel. Ni hindi naghahatid ng bisita sa harap…pag tinawag mo, lalapit siya pero patalikod. Ayaw niya talagang makita.”
TJ’S LAST DAY
May nakatakdang taping pa mandin daw si Tirso noong Miyerkules, November 21, at buti nalang at hindi pa siya nakakalayo ng biyahe. Pinatawag daw ng mga doktor ang buong pamilya dahil hindi raw maganda ang rehistro ng mga vitals ni TJ.
Pagdating nila ay nakita na lang niyang hirap na si TJ. Magkahalong acceptance at denial ang nararamdaman ng pamilya ng umagang iyon habang nakikita nilang unti-unti nang bumibigay si TJ.
“Sinabihan kami na kausapin na, na sabihin na naming lahat ang gusto naming sabihin—kasi the hearing is the last organ to go daw, e. So, isa-isa kami. Sabi ni Djanin, ‘Kuya, when you see the light, go there. That’s where Jesus is.’
“Si Bodie, na noon ko nga nakitang bumigay na rin. Narinig ko sabi niya, ‘Go na. Kuya, pahinga ka na. Kami na bahala kay Mama. We’ll take care of Papa and Mama.’
“Ang asawa ko, hinimatay. No’ng makimasmasan, in haze parang disoriented. Di niya alam nangyayari. Ako naman, kinakabahan kasi baka bumigay ang puso. So, ni-revive namin. Umokey na, umokey. Maya-maya, bumabagsak na naman. Buti nalang malapit si Bodie, nasalo agad ang mama niya.
“Akala ko nga tatatlo pa, e, kasi noong nagbabayad na kami…although ang babait naman ng mga taga-St. Luke’s, sinabihan kami na we don’t need to do it right then. Pero si Lyn, ‘ayoko ng may utang…’ E, hawak niya ’yong PhilHealth ng anak niya, nakita ang picture sa ID, humagulgol na naman.”
As for him, as father, Tirso said: “Ang sakit. Nandiyan ang monitor…nakikita mo bumababa…bumababa hanggang sa mag-flatline na. It’s excruciating…it’s an excruciating pain na makita mong nagpe-fade ang anak mo sa harap mo and wala kang magawa…”
At sa isang gaya niya na isang devout Christian, aminado siyang na-test daw panandalian ang faith niya sa Diyos.
“Nasambit ko nalang na, ‘Lord, bakit naman?’”
Pinakamasakit daw sa kanilang mag-asawa ang makita na sa casket ang anak nila. Lalo na raw kay Lyn, na muling hinimatay sa funeral parlor. Kabilin-bilinan kasi nitong siya ang dapat unang makakita sa anak pagka-ayos dito. Itse-tsek niya muna diumano ito bago magbigay ng go-signal for viewing. Pero hindi nito kinaya ang unang araw.
Sa maikling pakikipag-kwentuhan namin kay Lyn, sinabi niyang hindi pa rin siya makapaniwala.
“Tine-text nga ako nila Manay Gina [de Venezia], di ba meron silang grupo ng mga nanay na nawalan din ng anak…sila nila Ali Sotto…kumbaga, kino-console nila ako kasi they know the pain. Sabi ko sa sarili ko, noon, binabasa ko lang ang tungkol sa kanila, ngayon, kasama na ako sa kanila? Ang hirap.”
Kung hindi magbabago ang plano, nakatakdang i-cremate si TJ sa darating na Linggo, November 25.
Muli, ang aming taos-pusong pakikiramay.
YOU MAY ALSO LIKE:
Rodjun and Rayver Cruz dance in celebration of late mom Beth's life