GF ni Jerome Ponce, bawal mag-p*kp*k shorts pag kasama siya

PHOTOS: Allan Diones & @mrjeromeponce on IG

PHOTOS: Allan Diones & @mrjeromeponce on IG

Magti-three years na ang relasyon ng Kapamilya actor na si Jerome Ponce sa volleyball star na si Mika Reyes.

Ayon sa bida ng Regal movie na Finding You, hindi siya nagsasara ng pinto at mahirap magsalita ng tapos na nahanap na niya ang babaeng para sa kanya.

Mahirap na raw kasing ma-jinx. Basta masaya siya, kuntento siya and he’s okay.

Pero puwede rin naman daw na he has already found ‘the one’ sa katauhan ng nobya niyang si Mika.

“Yes, ayoko lang kasi, baka ma-jinx. Takot akong ma-jinx. Ayoko lang ma-jinx. Ayoko lang mawala. Nandito na eh,” sambit ng 23-anyos na binata.

Anong sikreto at nagtatagal ang relasyon nila ni Mika?

“Ano ba? Know your responsibilites. Alamin mo lang kung ano ‘yung buhay mo outside your relationship. Alamin mo kung ano ‘yung priorities mo at support lang with each other. Walang humpay na support lang.”

Ayon kay Jerome, hindi sagabal sa career ang kanyang lovelife. Siguro ganu’n daw sa iba, pero sa kanya ay hindi. Masaya raw kasi siya na may trabaho. At ‘pag may free time, free time; ‘pag trabaho, trabaho.

How is he as a boyfriend?

“Siguro, all out. All out naman ako. Kasi, nandito na eh, pakakawalan mo pa ba?” pakli ng Kapamilya actor.

Actually, hindi raw nila hinanap ni Mika ang isa’t isa, pinagtagpo lang sila. Pinakilala sila ng mutual friends nila at nagsimula ang lahat sa normal conversation.

Ang sabi sa amin ni Jerome, hindi sila attracted sa isa’t isa nu’ng simula. Hindi niya rin daw masabi kung na-develop na lang sila sa isa’t isa. Walang eksplanasyon, basta nangyari na lang.

Isa sa nagustuhan niya sa athletic niyang girlfriend ay ‘yung pagbibigay nito ng oras sa kanya.

“Para sa akin kasi, pinakaimportante ‘yung time sa buhay. Hindi siya mababalik, hindi siya malu-loan. Wala, ‘pag binigay mo siya, ‘yun na ‘yon, freely.

“Importante ang oras sa isang tao. ‘Pag binigay sa ‘yo, importante ka.”

Kilala sa mundo ng volleyball ang 24-anyos na si Mika and she is a star in her own right.

Parte pa lang ito noon ng DLSU Lady Spikers ay marami nang fans si Mika. Hanggang sa maging captain ito ng national team at ngayon ay nasa current team nito sa semi-professional league na Petron Blaze Spikers.

Hirit namin kay Jerome, malamang maraming nagkakagusto kay Mika, so may threat na maagaw ito sa kanya ng iba.

“May tiwala ako sa kanya. At saka wala, maganda siya eh, anong gagawin ko? ‘Yun na ‘yon, kailangan kong tanggapin.

“At saka ‘yung pagsasama na namin mismo ang magsasalita kung paano kami tatagal. Maraming pinagdaanan ‘yung relasyon namin. Maraming darating sa kanya, ako lang ‘yung matitira,” bulalas ng inlabey na binata.

Suportado raw niya si Mika sa passion nito at tinutulungan din siya nito sa passion niya sa pag-arte. Meron silang intindihan kahit magkaiba sila ng mundo.

Alam daw niyang nandiyan palagi ‘yung threat na puwedeng merong sumingit bigla at maagaw sa kanya si Mika, pero hindi niya iniisip ‘yon.

“Yeah, lahat naman, kahit sino. Sabi nga nila, kahit asawa nasusulot, ‘di ba? Pero kailangan enjoy-in natin, huwag nating isipin lagi ‘yung bad side.

“Kung darating, darating. Kung mawawala, mawawala. Kailangan enjoy-in mo ngayon. Huwag mong pag-isipan. Tiwala.”

Ani Jerome, okey na okey na girlfriend si Mika at wala na siyang hahanapin pa. Aminado siya na siya ang mas seloso. Matanong daw siya at pupuntahan niya ito o babantayan.

Kaya sinasabi raw ni Mika na mahigpit siyang boyfriend, pero uma-adjust naman daw siya. Bukod kasi sa matanong siya, aminado si Jerome na conservative siya ay ayaw niya na nagsusuot ng short shorts ang GF niya.

In short, bawal magsuot ng p*kp*k shorts si Mika ‘pag kasama siya. Katwiran ni Jerome, lalaki siya at alam niya kung paano mag-isip ang kapwa niya lalaki. So, iniiwasan niya ‘yon at gusto niya raw na respectable palagi ‘yung babae.  

Hindi rin dine-deny ni Jerome na minsan ay nagseselos siya sa mga kasamahan ni Mika sa mundo ng sports.

“Oo naman. Hamak na ang popogi naman ng mga kasama niya sa athletic world at saka athletic na athletic, ‘di ba? Eh ako, anong ipagmamalaki ko? Wala naman akong ipagmamalaki,” sundot na emote ng aktor, na leading man nina Jane Oineza at Barbie Imperial sa millennial romantic drama na Finding You.

Samantala, hindi nahihiyang aminin ni Jerome na bobo siyang umarte noon at wala raw siyang kaalam-alam.

Nang magkasama raw sila ni Jane sa teleseryeng Nasaan Ka Nang Kailangan Kita? nu’ng 2015 ay nilalamon daw siya nito sa aktingan dahil ang galing daw nitong artista.

“Lamon na lamon dahil si Jane Oineza ay aktres!” dayalog ng binata na mabenta sa mga pelikula nh Regal Films.

Na-excite daw siyang makatrabaho ulit si Jane dahil ngayon ay may kaalaman na siya sa pag-arte at natutuwa siya na kaya na niyang makipag-usap kay Jane through acting.

Hindi niya raw masasabing kaya na niyang makipagsabayan sa galing ni Jane, pero keri na niyang umintindi ng eksena at kaya na niyang um-adjust dito.

Masarap daw ‘yung feeling na kaya na nilang kontrolin kung mataas ba o mababa ang level ng akting nila sa mga eksena.

Si Barbie ay naka-work noon ni Jerome sa isang episode ng Ipaglaban Mo. Chill lang daw sila noon dahil hindi pa sila ganu’n ka-close masyado. Nag-uusap naman daw sila, pero asaran lang.

“Eto ngayon, as in asaran kami totally, pero pagdating sa work, okey kami. Sabi ni direk, ‘Alam n’yo, okey kayo, ah? Ang galing n’yo rin, ah? Matagal na ba kayong magka-work?’

“So ako, natuwa ako na may mga ganu’ng tao na nagkakaroon kayo ng connection sa trabaho. Like sa amin ni Jane at kami rin ni Barbie.”

Isa sa mga ex-girlfriend ni Jerome si Barbie sa Finding You, na inakala niyang ito na ang ‘the one’ niya.

Best friend naman niya si Jane, na halos hindi niya pinapansin pero ito pala ang kanyang tunay na ‘the one.’

Jerome plays Nel, isang social media journalist who has a rare condition called ‘hyperthymesia.’

The opposite of amnesia, he remembers every detail of every moment he has encountered, including all the painful experiences he had from his series of failed relationships.

Bukas na, May 29, ang showing in cinemas nationwide ng Finding You na dinirek ni Easy Ferrer.

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.