John Lloyd Cruz, pinaiyak si Mae Paner nang pumayag itong sumali sa protest video’ng  "The Great Dictator Speech”

SCREENSHOT: voyagestudios on YouTube

SCREENSHOT: voyagestudios on YouTube

Ini-release online kagabi, July 6, ang "The Great Dictator Speech” video na produced ng Voyage Studios.

Ang nasabing video, na isang protest video na naglalayong mai-basura ang Anti-Terror Law—ang dating controversial bill na naging ganap na batas matapos itong lagdaan ni Pangulong Duterte nito lamang July 3.

Ang nasabing video, na sinalihan ng 40 persanalidad kabilang si JLC, ay ang pagsasadula ng final speech ni Charlie Chaplin—na isinalin naman sa Tagalog ng pamosong playwright na si Rody Vera—sa 1940’s American political satire film na The Great Dictator.

Ilang oras matapos mai-release sa Facebook at Youtube ang video ay ibinahagi ni Mae Paner—na kilala rin bilang si Juana Change—ang naging karanasan niya sa pag-imbita sa reclusive actor na si John Lloyd Cruz para makasama nila sa produksyong ito.

Sa kanyang Facebook account, sinabi ng popular Pinay performance activist na top of mind niya, bilang producer ng video, na maisali si John Lloyd sa version 2 umano ng kanilang video project.

Matindi raw ang pag-a-alinlangan niya na lapitan at imbitahan ang naka-on-leave Kapamilya actor sa video project lalo pa't politika ang tema nito.

"Will this political project be worth his time? Matatakot ba siya? Kapal ko ba for dreaming this big? Ano ba ang peligrong pwede niyang kalagyan sa aking imbitasyon?" pagbabalik-tanaw ni Mae.

Gayunpaman, sinubukan pa rin daw n'yang kontakin ang aktor. Hindi raw naging madali ang proseso. Pagtatapat pa ni Mae: naging maingat umano ang aktor.

"Pero sabi ko nga, how will I know unless I try," patuloy na salaysay ni Mae. "And try I did! Hindi easy dahil naging maingat si JL. Ilang linggo ang binilang ko para makuha ang sagot niya. Alam kong hindi Ito madali. Lalo na sa isang John Lloyd Cruz. Panay ang inhale at exhale ko. Patience is a virtue."

Bagamat naikasa na niya ang imbitasyon, hindi raw umasa si Mae sa positibong sagot. Marami na rin umano siyang inimbitang mga taga-showbiz pero halos lahat daw tumanggi sa iba't ibang kadahilanan. Gayunpaman, nirespeto niya ang mga pag-hindi na iyon.

Patuloy n'ya: "I remember asking actors before at nasabi na ata nila lahat ng excuse possible: kailangan ko muna magtanong sa manager ko, ayaw ng network, bawal sa mga endorsements ko ang pagsali sa politika, hindi kaya ng schedule ko, sinu-sino ba kasama dyan, gagawa din ako pero siguro sa next na lang ako, mahirap na dahil maraming umaasa sa akin bilang breadwinner ng pamilya, afraid ako sa resbak ng gobyerno, i’d rather be neutral, ayokong ma-identify dyan, at nakakatakot. At ang winner sa lahat yung: mag-aaksaya lang kayo ng panahon, wala rin namang mangyayari! Toink! Pero respeto pa rin sa lahat nang kanIlang mga pagtanggi."

Aminado si Mae na kabado siya sa isasagot ni JLC. Pero laking gulat daw niya na humingi muna ito ng kopya ng anti-terror law, na noon ay bill palang, para pag-aralan.

"Every text alert from JL kinakabahan ako sa totoo lang," paglalahad pa ni Mae na isa ring theater actress. 

“At nung akala ko finally o-OO na siya, hiningi niya ang copy ng Anti-Terror Bill! Napa WOW ako. Pwede daw ba niyang basahin muna? Ayaw daw mag-open nung government website at mas makakatulong siya sa kampanya kung mauunawaan niya ang ugat nito. Kandarapa ako sa pag send at re-send. At wait na naman ako. Inhale. Exhale. Patience is a virtue."

Sey pa ng University of Santo Tomas Psychology graduate, nilakipan daw n'ya ng dasal ang paghihintay sa sagot ng aktor.

"Whew! Sinamahan ko rin ito ng dasal sa Baclaran tutal madalas akong mag volunteer nuon doon.

"After about a week of gentle reminders, he sent me what you now see on the video," patuloy ni Mae. 

"Tumulo luha ko! Hindi dahil matagal akong naghintay at finally nasa kamay ko na ang video ng isang John Lloyd Cruz kundi dahil ang ganda ng pagkadeliver ni John Lloyd! Aktor na tumawid mula sa pelikulang kadalasan ay pang entertain tungo sa katotohanang pinagdaraanan ng ating lipunan."

At kagabi nga, kinumusta daw ni Mae si JLC matapos lumabas ang video protest nila online. 

Tugon daw ng aktor: “‘Naramdaman ko na ang tunay na halaga ng paglaban ay nasa mismong akto nang paglaban at wala sa pagwawagi. Pinirmahan na ni presidente ang bill. Pero hindi ko naramdamang natalo ako.’”

Dahil dito, mas lalong humanga daw ang theater actress-activist kay John Lloyd.

"Lumalim pang lalo ang respeto at pagmamahal ko kay JOHN LLOYD CRUZ! At muli, wet na wet ang cheeks ko ng joyful tears!

"Salamat! Salamat! Salamat! Artista ng bayan, ngayon ay lumaLOVEan! #JunkTerrorLaw #united4democracy" pagtatapos ni Mae.

https://www.facebook.com/photo.php?fbid=10157988642036028&set=a.10150231685506028&type=3&theater

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.