Hangga’t maari ay ayaw nang magbigay ng reaksyon o opinyon ng vlogger/actor/talent manager na si Ogie Diaz tungkol sa kasong cyber libel ni Enchong Dee na sumampa na sa korte sa Davao Occidental.
Kasama nina Ogie at Enchong sina Pokwang, Agot Isidro, ang Filipina drag queen na si Deedee Marie Holliday, isang Kristina Misajon, and a certain Jane Doe sa mga kinasuhan ng cyber libel dahil sa pagbibigay nila ng opinyon sa nangyaring magarbo umanong kasalan nina Representative Claudine Diana Bautista at childhood friend nitong si Ginoong Jose Lim lll sa Balesin Island Resort noong Hulyo 2021.
Si Congresswoman Claudine ay ang representante ng Patry List na Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER).
Sa siyam na pahinang resolution na inilabas noong Nobyembre 16 nina Davao Occidental prosecutors Socrates Gersava, Eleanor dela Pena at Marie Kristine Reginio ay ipinag-utos nila ang pagsasampa ng kaso “for violation of the Cybercrime Prevention Act of 2012 kay Enchong; habang in-absuwelto naman nila sina Ogie at iba pa.
Ayon pa sa resolusyon ay hindi maituturing na paninirang-puri ang mga ipinost ng ibang respondents (Agot, Pokwang, Ogie, et al) dahil inihayag lang nila ang kanilang opinyon o saloobin.
“Considering that these tweets are mere expressions of disapproval (or disgust, if you may) at varying degrees on the action, this Office could not attribute malice and ill motive to the said respondents who have taken upon themselves to be the so-called watchdogs of our society,” saad sa resolusyon na inaprubahan ni Davao Occidental Provincial Prosecutor Marte Melchor Velasco.
Malayo umano ang laman ng kanilang mga tweets kumpara sa direkta at damaging na now-deleted tweet ni Enchong noong August 14, which read: “The money for commuters and drivers went to her wedding. Let's not prolong this conversation and don't say otherwise.”
Hindi naging sapat para sa kongresista at sa kanyang pamilya ang ginawang public apology ni Enchong dahil nadungisan na raw nito ang kanyang dangal at pangalan.
Narito ang kabuuang apology statement ni Enchong:
“I have been reckless in the tweet I posted and I take full responsibility for my lapse in judgment.
“With deep regret, I would like to apologize to Congresswoman Claudine Bautista, her husband, their families, and the Dumper Partylist. I reacted based on impulse without thinking of the consequences nor the harm it may cause. I learned that as dutiful citizens, we must always fact-check our statements to avoid sensationalism and the spread of false news.
“I will take this opportunity to reflect on the wrong I have done and use this opportunity to be better myself in being more discerning of my actions.”
Para sa mga prosecutors, hindi madaling iwaksi ang nauna nang damaging remarks ng ABS-CBN actor.
In the resolution, they said that his post “peremptorily makes the complainant a soft target for heavy criticism and pillory, placing her thereby in a bad light due to such reckless and irresponsible tweet of the respondent [Dee].”
At ang pag-insinuate umano nito na ang kongresista ay nagnakaw ng public funds ay very malicious na siyang pangunahing elemento ng kasong libelo.
“Calling someone a thief, without proof and with heavy malice, is where to draw the line as this is already libelous.”
At kahit nga na-abswelto si Ogie, hindi raw siya ganap na masaya dahil sa pagkaka-diin ng kapwa-Kapamilya na si Enchong.
“S’yempre lahat kami nasampahan ng kaso pero nagkataon lang siguro ’yung amin [nina Pokwang at Agot], medyo simple kaya nabasura,” pagwe-weigh in ni Ogie. “Kaya hindi ko dini-discuss ito sa Youtube ko kasi ’yung kasamahan namin parang… masarap magbunyi kung lahat kayo panalo. Magbubunyi ka tapos ’yung isang kasama mo, nandoon pa rin siya.”
Dagdag pa ng manager ni Lisa Soberano na nakausap namin sa kanyang limited guests pa-birthday get together kamakailan, malungkot daw siya sa pinagdadaanan ni Enchong.
“S’yempre sad ako for Enchong,” pagpapatuloy ni Ogie. “Pero sana maayos sana ganu’n din ang kalabasan ng tulad sa amin. Pero hindi pa tapos kasi depende na lang kung may aapela.”
Hindi pa raw nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap sina Ogie at Enchong mula nang lumabas ang indictment. Maging kay Congresswoman Claudine ay wala raw siyang komunikasyon dahil hindi naman umano sila personal na magkakilala.
Aminado rin ang sikat na YouTube content creator na malaking leksyon ito para sa kanya at sa lahat ng katulad niyang mahilig magbigay ng opinyon.
“Lesson learned to all of us na kahit alam mo sa sarili mo na hindi naman libelous o ano, e, meron naman palang masasaktan sa naging opinyon ko.
“Kahit ’yung kay Marvin Agustin, I apologized for my opinion, baka kasi sumobra ang opinyon ko,” paliwanag ni Ogie.
Para kasi kay Ogie, hindi positibo ang naging encounter niya sa famed cochinillo ng actor-entrepreneur na si Marvin. Tahasan niyang sinabi sa kanyang vlog na hindi siya nasarapan dito at maging sa sauce nito.
At nang maharap si Marvin sa matitinding batikos noong nagdaang Kapaskuhan dahil sa failed deliveries and not-satisfying cochinillo products, pinayuhan niya rin ito na ibalik ang pera ng mga disgruntled customers bilang patunay na sincere ito sa kanyang paghingi ng dispensa.
“Kung talagang gustong itayo ni Marvin ang kanyang dignidad, ang kanyang integridad at kung talagang sincere siya sa kanyang apology, sa kanyang statement na ito feeling ko dapat si Marvin ay i-refund niya ang bayad ng mga na-disappoint.”
Madalas din kasing nalalagay sa alanganin si Ogie kapag naghayag siya ng opinyon niya sa Showbiz Update YouTube channel niya kasama sina Mama Loi, Mrena, Dyosa Pockoh, at Tita Jegs.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber