Kathryn Bernardo to Daniel Padilla: "Iba 'yong magkasama tayo as workmates, iba rin as boyfriend and girlfriend."

PHOTOS: @bernardokath on Instagram

PHOTOS: @bernardokath on Instagram

Ang mga Kapamilya actresses na sina Kathryn Bernardo, Maymay Entrata, Maja Salvador at Dimples Romana ang sumalang bilang mga guest artists sa 11th episode ng Facebook Live show na #ExtendTheLove Actors' Cue Series kagabi, May 29.

Isa 'tong fundraising drive na ang nalilikom na mga donasyon ay ipinangtutulong sa TV and movie workers na nawalan ng trabaho due to the COVID-19 pandemic.

Tulad nang iba pang mga artistang naging bahagi na ng online show, nagkwento din ang mga guests kagabi ng kani-kanilang experiences and lessons sa kanilang buhay-artista, lalo na si Kathryn na nagsimula bilang child star.

As per Kathryn, aminado ang blockbuster lead actress na pinaka-mahirap sa isang artista ang humanap ng iba-ibang atake sa bawa’t role na ginagampanan nila. 

"Actually, 'yan 'yong napakahirap gawin Direk, kung paano ibahin," panimula ni Kathryn. "The more na marami ang magawa mong pelikula, kasi ang dami mo nang nagagawa, bawal mo nang maulit."

Kwento pa ng dalaga, lagi n'ya daw pinaalalahanan ang sarili sa bawat eksena na kailangang mag-stick s'ya sa karakter para makita ng mga manonood na hindi si Kathryn ang napapanood nila kundi ang kanyang karakter sa isang palabas.

"Conscious effort talaga s'ya Direk," pagpapatuloy n'ya. "Kasi ayaw mo na mapanood ng tao kapag nagbayad sila sa sinehan tapos mapapanood nila, 'Ay si Kathryn lang ang pinanood ko e ba't pa ako nagsinehan?' E nandun sila para panoorin 'yong character, so ang hirap

"Kailangan mo s'yang himayin talaga [para] hindi nila makita na, 'Ah okay. 'Yong pagpapatawa mo dito nagawa mo na 'yan e. 'Yong pag-iyak mo, ganyan.' Kailangan mo talaga humigi ng tulong sa direktor lalo pa kung ang direktor mo na 'yon hindi naman s'ya ang direktor sa previous project mo. Baka hindi n'ya alam na, 'Direk, nagawa ko na to, nasabi ko na to.' Baka lang maulit. Kailangan mo sya trabahuhin."

Ang tinutukoy ng aktres ay ang blockbuster movies na pinagbidahan n'ya noong 2018 na The Hows of Us with real-life boyfriend Daniel Padilla; and ang Hello, Love, Goodbye with Alden Richards naman noong 2019. Ang dalawang pelikulang ito ang kasalukuyang naka-slot sa top 2 and 1 respectively na highest grossing Filipino movies of all time.

"Ang hirap nu’n kasi magkasunod 'yong ginawa ko like The Hows of Us tapos Hello, Love, Goodbye," she continued. "Dapat magkaiba 'yong pain ng character na makikita ng tao. Magkaiba si George (ng The Hows of Us) at si Joy (ng Hello, Love, Goodbye) kapag na-in love.. Magkaiba sila magalit.

At dahil emosyon at pag-arte ang puhunan sa kanilang propesyon, ang pagpapalit-palit ng karakter at pagsisigurado na hindi magkakapareho ang mga ito, ang pinaka-nakakapagod diumano sa buhay nila bilang artista.

"'Yun 'yong draining sa part ng trabaho namin," pagtatapat ni Kathryn. "Kasi, dapat i-remind mo 'yon sa sarili mo na every scene. Kaya minsan, sasabihin mo, 'Ops, sorry' kasi alam mo sa sarili mo, maging honest ka, na si Kathryn 'yong napanood doon hindi 'yong character.”

Dagdag pa n'ya, "'Yon po 'yong challenging for me, kung paano iibahin. May kasamang dasal na po 'yan."

Dahil nga hindi madali ang kanilang ginagawa sa set, ibinahagi rin ng box office queen ang kanyang ginagawa to recharge and relieve herself from work stress.

"Ang laking bagay sa'kin ng dagat, Direk," share ng aktres.  "Lalo siguro pag teleserye, kasi usually teleserye ang nagagawa namin, [umaabot ng] isang taon. Tapos everyday [ang] taping. Minsan after taping didiretso kami sa endorsement shoot as Kathryn naman 'yong endorser na 'yon. Hindi ‘yong character. Ang hirap.” 

Kwento pa n'ya, humihiling s'ya paminsan-minsan ng break para makapagpahinga o kaya naman ay bakasyon tuwing pagkatapos ng kanyang project.

"Nagre-request ako once in while na, 'Pwede po kahit isang free day lang?' 'Itong gabi lang ibigay n'yo sa'kin para lang makabalik ako,' kasi draining s'ya e. Usually every after project humihingi din ako ng time to be myself. 

"Kunwari, traveling man 'yan o magbi-beach ka, or kung may gusto akong lessons [na iti-take] para lang ma-feel ko sa sarili ko na, 'Okay, tapos na 'yon. Balik ka muna dito sa pagkatao mo.'
 
"And it's okay to give yourself time for that kasi kapag pumasok na sa'yo 'yong character [mo sa TV o pelikula] hindi mo s'ya agad mabibitawan. Madadala at madadala mo s'ya. Kailangang bigyan mo ng time 'yong sarili mo para bumitaw doon.”

Thankful din si Kath sa mga non-showbiz friends n'ya na nagpaparamdam sa kanya na isa s'yang ordinaryong tao at hindi isang sikat na artista. 

"Aside from travelling, malaking tulong din po sa'kin 'yong mga kaibigan ko," paglalahad ng La Luna Sangre lead star. “May mga non-showbiz friends din ako. Sila 'yong nagpapa-normal sa'kin. Kapag kasama ko sila hindi naman trabaho 'yong pag-uusapan. Kukumustahin ka or hindi ka iti-treat as artista. 'Yong mga tao na yon ang nagbabalanse sa akin.” 

At dahil equally popular ding artista ang kasintahan ni Kathryn na si Daniel Padilla, nai-share din ng Kapamilya actress kung paano ang nagiging set up nila bilang bf-gf sa personal na buhay at bilang magka-love team naman sa pelikula o teleserye. 

"Kami personally ni DJ, ang hirap nu’n kasi sa personal na buhay kami 'yong mag-boyfriend and girlfriend and sa totoo kami rin 'yong magkasama," paglalahad pa ni Kathryn sa online show. 

"Sinasabi ko sa kanya parati, 'Okay, hindi porket magkasama tayo sa taping nitong magkakasunod na araw ay 'yon na 'yon. Sinasabi ko [na], ‘Iba  'yong magkasama tayo as workmates, iba rin as boyfriend and girlfriend para maramdaman ko 'yong personal na buhay natin.’

‘Yun 'yong parati kong sinasabi sa kanya na ‘importanteng balansehin mo 'yon. Dapat ikaw rin magpaalala sa sarili mo na tao ka pa rin at the end of the day.’”

Panoorin ang kabuuan ng #ExtendTheLove presents Actors' Cue Series 11:

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.