Sa loob ng mahigit isang dekada ng kanyang showbiz career, nagagawa na ng Kapuso actor na si Ken Chan ang mag-evolve mula sa pagiging isang artista to being a businessman. Well, he can’t help it. May negosyanteng Chinese blood kasing dumadaloy sa kanya.
Thus, been wisely investing his hard-earned money from showbiz sa mga business na may personal pa ring konek sa kanya—gaya ng iFuel gasoline station franchises, Aromagicare massage chair, at ang kabubukas lang na Café Claus.
Nagkakaroon na nga ng katuparan ngayon ang mga childhood dreams niyang businesses noon.
When asked kung ano ang sikreto nang mabilis niyang pagba-branch out sa business sector, isa lang ang naging sagot ng aktor: “Tipid.”
“Honestly, ’yun lang ang sagot ko talaga, magtipid,” natatawang sagot ni Ken nang makausap namin sa pamamagitan ng Zoom noong January 22 habang nandoon siya sa Café Claus.
“Sobrang proud ako sa sarili ko dahil...eto, sa totoo lang, hindi ako bumibili ng gamit ko. Hindi ako bumibili ng damit, hindi ako bumibili ng shoes, bags o pabango o kahit ano.
“Ang sasakyan ko, papatagalin ko hanggang limang taon or kung kaya pa. Hindi ako magastos para sa sarili ko, talagang tinitipid ko.”
Malaking impact daw kasi sa kanya ang words of wisdom ng mga magulang niya sa kanya.
“Ang turo ng mga magulang ko, kapag kumita ako ng sampung piso, ’yung gagastusin ko ’yung piso at ’yung siyam na piso, itatago ko. Ini-apply ko ’yun sa buhay ko simula pa ng mag-artista ako at hanggang ngayon po.”
Ang pinaka-baby nga among his businesses ay pormal nang nagbukas last December 26, 2021. Ito ay ang Christmas-themed Café Klaus na nasa Tandang Sora, Quezon City.
Paboritong season daw kasi ni Ken at ng kanyang pamilya ang Christmas. At para sa kanya, everyday should be Christmas naman kaya’t Christmas concept ang naisip niya para sa kanyang food business.
“Ito po talaga ang ultimate dream ko,” k’wento ni Ken about his new restaurant. “Noong bata pa po kasi ako, ang Papa ko, may mga itinayo rin siyang restaurant. So, bata pa lang po ako, namulat na ako sa gano’ng set-up. At sabi ko, gusto ko rin paglaki ko, magkaroon ako ng restaurant.
“And then, ’yung family ko at ako po, hilig talaga namin ang Christmas. Kaya sabi ko, bakit nga ba hindi ako magtayo ng restaurant na all-year round ang Christmas.
“At isa po sa napansin ko dito sa Pilipinas, ang Pasko sa atin, nagsisimula tayo mula September hanggang January. Halos half the year tayo nagse-celebrate ng Christmas, pero wala tayong Christmas restaurant or Christmas café rito sa Pilipinas. So, sayang ang pagkakataon.”
Nang dahil daw sa pandemic kaya niya lalong naisipan na ituloy ang Café Klaus. Napansin daw niya na dahil sa COVID-19, ang daming na-depress at nawalan ng pag-asa.
“Kaya sa Café Klaus po, yes, this is a restaurant but we also have a mission— to bring back the Christmas spirit sa mga Pinoy...na kapag kumain po sila dito sa Café Klaus, bawat pagkain na matikman nila, maaalala nila ang Pasko with their family.”
At all-year round nga raw na sine-serve nila ang mga Christmas staples tulad ng puto-bumbong, bibingka, ham, roasted chicken, at lasagna na kadalasang mga handa tuwing Kapaskuhan.
As we’ve mentioned earlier, ikatlong business venture na nga ni Ken ang Café Klaus. Nauna na siyang nagka-gasoline station at sumosyo sa isang massage chair business.
“Noong bata pa lang talaga ’ko, pangarap ko na ang magkaroon ng gasoline station,” pagba-back story niya. “Hindi ko alam kung bakit. Pero bata pa lang ako, gasoline station na ang naiisip ko.
“Every time na lumalakad ako or nagko-commute ako, nakikita ko na ’yung mga gasoline station. Hindi ko alam kung bakit tumatak sa isip ko na balang-araw, kailangang magkaroon ako ng gasoline station.
“Pero do’n ko napatunayan na kapag nangarap ka talaga, may goal ka sa buhay, kahit sa’yo imposible, at the end of the day, kapag pinaniwalaan mo ang sarili mo, talagang meron, matutupad mo ’yon.”
Grade six daw siya no’ng nasabi niya sa sarili niya na gusto niyang magkaroon ng gasoline station business.
At ngayon nga, ilang branches na ng iFuel ang pagmamay-ari ni Ken. Meron siya sa Bulacan, Cebu, Antipolo, Tarlac, Tagaytay City at Alfonso sa Cavite, sa Friendship City Angeles, at sa Porac, Pampanga.
Natawa ito nang biniro namin na, “Ang yaman naman na pala ng kausap namin.”
May kuwento rin si Ken sa ikalawang negosyo na pinasok niya, ang Aromagicare Luxury Massage Chair.
Matagal na raw siyang artista, pero noong isang taon lang daw siya nakabili ng massage chair para sa sarili niya.
“Pinasok ko rin po ang wellness industry,” saad niya.
“Lahat po kasi ng business na ginagawa ko ngayon, may story po siya. Hindi lang basta-basta na naisip ko na business.
“Ang kuwento naman po ng massage chair, dati, pangarap ko lang na magkaroon ng massage chair, pero hindi ako makabili-bili ng massage chair dahil ang mahal niya. Mahal po siya. So, uunahin ko muna ang mga pangangailangan ng pamilya ko, bago ako makabili ng massage chair.
“So, pinangarap ko siya. Pero siguro last year lang po ako nagkaroon ng massage chair.”
Kaya nang magka-opportunity daw na maka-sosyo sa affordable massage chair business ay grinab din niya ang chance.
As far as Café Claus naman is concerned, aminado si Ken na naging malaking sugal sa kanya ang pagbubukas kahit may umiiral pang pandemya.
Pero pinag-aralan naman daw nilang mabuti ng mga business partners niya ang sitwasyon at sinigurong handa sila—mula gamit sa restaurant hanggang sa mga protocols—bago sila pormal na nagbukas.
May naging takot man daw noong una kung magki-click ba sila kahit pandemic, pero nagtuloy-tuloy lang sila.
“S’yempre, hindi mo maiaalis sa akin ang mangamba,” pag-amin ni Ken. “Bakit ako magtatayo ng café restaurant sa kalagitnaan ng pandemic? Ang dami kong question sa sarili ko noon, pero sinagot agad ni Lord. Hindi ako ’yung nakahanap ng answer, hiningi ko agad kay Lord ang answer.
“Lakasan talaga ng loob, e. Sabi niya sa akin, bakit ako mangangamba? Kailan pa? Kailan ko pa gagawin? Kahit tayo, hindi natin alam kung kailan matatapos ’tong pandemic. Hindi natin alam kung kailan matatapos ’tong COVID. Well, pinagdarasal natin na as much as possible, mawala na siya, matanggal na siya. Pero hanggang ngayon, walang sagot kung hanggang kailan.
“So, ayokong limitahan ang sarili ko dahil sa pandemya. Ayokong limitahan ang pangarap ko dahil sa COVID-19. Hanggang kailan ba natin lilimitahan ang sarili natin para gawin ang mga bagay na gusto nating gawin? Magkukulong na lang ba tayo sa bahay? Ang hirap po ng gano’n.
“Hindi ko naman sinasabing dapat malaking business, kahit maliit lang, basta lumalaban tayo. So, ’yun ang sagot kung bakit ako gumagawa ng mga business during this pandemic.”
At nagpapasalamat daw si Ken dahil sa kabila ng pag-surge muli ng COVID-19 dahil sa Omicron variant, ay parati naman daw silang may tao at ang karamihan ay nagpapabalik-balik pa.
At buong pagmamalaki nga niyang ibinahagi rin na mula sa unang branch nila ng Café Klaus sa Tandang Sora, may mga bago pa silang bubuksan sa mga darating na buwan.
“Sa February po, mag-o-open na po kami sa Greenhills Promenade and on March naman po, mag-o-open na rin po kami sa Eastwood City Walk.
“Sobrang happy po kami dahil sa suporta ng mga customers. Hindi rin naman po kami maglalakas ng loob na mag-open ng ibang branch kung hindi po sa suporta talaga.”
Katuwang daw ni Ken sa Café Claus negosyo niya ang kaibigan niya na isa umanong Hollywood actor at producer na si Ryan M. Kolton at ang kanyang Head Chef na si Chef Ge Garigade.
Nagpapasalamat din si Ken sa kanyang ka-loveteam, si Rita Daniela who inspires him to keep on going. Isa raw ito sa masayang-masaya para sa kanya.
“Palagi niyang sinasabi sa akin na sobrang proud siya sa akin, masaya siya sa lahat ng nangyayari sa akin. And talagang napaka-supportive niya.
“At si Rita, halos araw-araw, nandito siya talaga sa Café Klaus, gano’n siya ka-supportive.”
YOU MAY ALSO LIKE:
Ken Chan, aminadong na-in love kay Rita Daniela ng 70 percent
Ken Chan at Rita Daniela, miss na miss nang magharutan
This is Showbiz #42: Ken Chan, versatile actor na; versatile businessman pa
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber