Ipinahahanap daw ni Vhong Navarro ang dati n‘yang sidekick sa pelikula na si Allan Padua o mas kilala sa showbiz bilang si Mura.
Nag-viral kasi ang dating ka-tandem ni Mahal (Noemi Tesorero in real life) nang ma-feature s’ya sa vlog ng isang nagngangalang Virgelyncares 2.0 nitong August 3 sa YouTube.
Kinumusta kasi ng vlogger si Mura na nasa probinsya pala nila ngayon sa Bicol. Ayon sa vlog, pagsasaka na ang ikinabubuhay ni Mura sa tatlong ektaryang lupa na nabili daw n’ya gamit ang kinita n’ya noon sa showbiz.
Pag-amin ni Mura kay Virgelyncares, hirap daw siya sa buhay nila ngayon at inaasam pa rin n’ya na makabalik sa pag-aartista.
“Wala na akong trabaho. Medyo mahirap kasi gaya sa akin wala ng trabaho,” lahad ni Mura. “S’yempre, gusto ko rin makabalik sa pag-aartista. Nagkaroon ng pandemic, mahirap na ako makabalik doon.”
Kahit mahirap daw ang pagsasaka—lalo na sa sitwasyon n’yang paika-ika na kung maglakad—ay ginagawa n’ya para makatulong sa kanyang pamilya.
“Mahirap din [ang pagsasaka] kasi ang layo ng bukid namin, e. Pabalik-balik ka du’n. Pilay pa ako,” aniya.
“Wala namang katulong si Papa dito. Kinakaya ko na lang din para makatulong. Kahit magtanim ng palay pinipilit ko na lang rin minsan para makatulong.
“Kaya minsan gusto ko pa rin magkaroon ako ng [trabaho] sa showbiz para kahit papaano makatulong pa rin.”
K’wento pa n’ya, na-depress daw s’ya nang naging matumal hanggang sa mawalan s’ya ng trabaho sa showbiz dahil sa isang aksidente na siyang naging dahilan ng pag-ika-ika niya.
“Oo kasi naubos ‘yong ipon ko nu’n, e,” pagre-recall ni Mura. “Nu’ng naaksidente pa ako nu’ng 2010 doon ako nagsimulang mawalan ng work. Nabali ’yong hip ko. Ayon, nagka-deperensya na sa paglalakad. Kaya pilay-pilay ako.”
Dahil doon ay hindi na rin daw s’ya natuloy sa pagsabak sana noon sa FPJ’s Ang Probinsyano.
“Dapat nu’ng nakaraan isasama ako sa Probinsyano,” pagpapatuloy n’ya. “Sabi ko, hindi ko na kaya. Sinasama ako dati nu’ng buhay pa si Tito Eddie Garcia. Isasama sana ako. Sabi ko hindi ko na kaya ang mga takbu-takbuhan.”
Nang matanong naman s’ya kung sino bang artista ang itinuturing n’yang best friend, ito daw ay ang comedian-TV host na si Vhong Navarro.
“Si Vhong Navarro kasi ’yon ang buddy ko, e,” sagot ni Mura. “Lagi kaming magkasama sa pelikula nu’n dati. Halos tatlong pelikula ata ang aming pinagsamahan.”
Nakarating naman daw kay Vhong ang sitwasyon ni Mura ayon sa komedyante at talent manager na si Ogie Diaz.
Sa latest vlog ni Ogie na in-upload kahapon, August 5, sa kanyang YouTube channel na Ogie Diaz Showbiz Update, sinabi n’yang hinahahap nga daw ng It’s Showtime co-host si Mura.
“Sa totoo lang hinahanap sa akin ni Vhong Navarro ang number ni Mura dahil gusto n’yang makausap si Mura,” k’wento ni Ogie sa vlog.
“Ewan kung kailangan ko ‘tong sabihin pero sila na lang ang mag-usap. Kasi gustong tulungan ni Vhong si Mura. Ay! nasabi ko rin pala,” natatawang dugtong n’ya.
“One of these days, makakarating kay Mura ang tulong mula sa kanyang Kuya Vhong. At tayo rin ay tutulong para naman kahit papano, e, guminhawa ’yong pamumuhay ni Mura.
Papuri pa ni Ogie kay Mura: “’Yong liit n’yang ’yon para makaya n’ya ang mga trabaho… Aba, Superman si Mura!
“Tinanggap na rin n’ya ang katotohanang doon na lamang s’ya sa kanyang pamilya. One of these days hahagilapin natin si Mura pagkatapos ng lockdown,” pagtatapos n’ya.
Sina Vhong at Mura ay nagkasama sa mga pelikulang D’ Anothers noong 2005, Agent X44 noong 2007, at SupahPapalicious noong 2008.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber