“Malalaman mong naka move on ka na pag hindi ka na nag-e-effort na kalimutan siya,” ito ang nasa IG Stories ni Carlo Aquino nitong Biyernes ng gabi, April 1.
Bahagi ito ng promo ng YouTube series na How to Move On in 30 Days na mapapanood na sa April 4 sa YouTube channel ng ABS-CBN.
Sa panayam namin kay Carlo bago magsimula ang Q and A proper sa presscon on online show na ginanap sa Dolphy Theater ng ABS-CBN nitong Miyerkoles, Marso 30, ay wala siyang direktang inaming hiwalay na sila ng ina ng anak niya, ang vlogger/model na si Trina Candaza.
November 2021 nang maamoy ng netizens na may pinagdadaanan ang dalawa nang hindi na mapagkita ang posts nila bilang pamilya. Wala na rin silang couple posts. At bago mag-Pasko ay nag-vlog si Trina na lumipat na ito ng bahay kasama ang anak. No reference at all kay Carlo kaya’t mas nagpa-igting pa ito sa curiosity ng publiko.
Anyway, read between the lines nalang kami nang sabihin niyang hinihiram niya ang anak nilang si Mithi para maka-bonding ito kapag wala siyang trabaho.
Bagama’t alam namang ideal father si Carlo base sa mga larawang pino-post niya sa social media na mga bonding moments nila ng anak ay tinanong pa namin rin siya kung kumusta siya bilang ama kay Mithi.
“Masarap na makita ’yung semilya mo, ha, ha, ha,” pilyong sagot ng aktor.
“Haha, sorry. Hahaha!” paumanhin niya, sabay nagseryoso. “Hindi, ang sarap kasi meron pa palang ibang pagmamahal na hindi ko pa alam. Ang sarap lang na ’yung pinagta-trabahuan mo hindi na lang para sa’yo, para sa anak mo na.”
Saka inilarawan ni Carlo na kapag nakatulog ang anak sa dibdib o balikat niya ay hindi siya gumagalaw kahit ilang oras pa itong abutin.
“Ang sarap talagang amuyin minsan natutulog sa akin tapos kahit awkward ’yung posisyon mo hindi ka gagalaw kahit two o tatlong oras na nakahiga ngawit na ngawit ka na hindi mo na maramdaman ’yung kamay mo basta hindi lang magising ’yung anak mo,” masayang kuwento ng proud dad ni Mithi.
Aniya, he’s making the most out of their time na mag-ama basta’t makakuha siya ng libreng oras mula sa trabaho.
“Pag-uuwi ako from lock in [shoot], maglalaro lang kami sa playroom, doon sa doll house na ibinigay ng sister ko para sa kanya, tapos minsan nag-a-out of town, punta lang sa farm. Sa Tanay lang...masarap, malamig. Hindi sa akin ’yun, nakita ko lang online. Wala pa tayo ipapang-farm,” natatawang dagdag pa niya.
Ang pinag-iipunan daw ngayon ng aktor ay ang pagpapatayo ng bahay para sa kanyang pamilya sa Laguna, kung saan siya nakabili ng lote.
Paano ang schedule ng pagbisita niya kay Mithi?
“Kasi pag may event medyo exposed [ako], so, mag-antay akong one week. Pero pag hindi naman, nakikita ko naman si Mithi.
Samantala, paano nga ba mag-move on si Carlo from failed relationships? Relate ba siya sa 30 Days?
“Hindi ko alam, e. Dapat ba may timeline?” balik-tanong niya, “Wala yatang timeline pagka ganu’n, e.
“Inaano ko lang siguro. Inaalagaan ko ’yung present para ’yung past hindi na mag-jump sa future? Makes sense ba ’yun?” tanong niyang muli.
How about kung may pag-asa pa bang ang past ay maging bahaging muli ng present at future if ever? Naniniwala ba siya dito?
“Hindi ko alam, e. Ayokong magsalita ng tapos. Kung ano ’yung ibigay ng universe s’yempre tatanggapin mo ’yun. Wala ka namang magagawa, e. ’Yun ’yung nakasulat sa palad mo, e,” seryoso nitong sagot.
In speaking terms daw sila ni Trina, na base sa mga sagot ni Carlo ay mukang malaking bahagi pa rin naman ito ng kanyang present at future...pero tila may bahagi na rin ng kanilang pagsasama na nasa nakaraan na.
“Oo nag-uusap kami,” aniya. “Civil naman kami and ’yun naman ’yung importante kasi siyempre para kay Mithi.”
Natawa naman si Carlo nang tanungin namin kung nasa dating stage na ba ulit siya. Kaagad niya itong sinagot na: “Wala, e.”
Does this mean na mahal pa rin niya si Trina?
“Always, always. Palagi naman ’yun. Nanay siya ng anak ko,” mabilis nitong tugon.
Inamin ding niyang noong 2021 sila nagkanya-kanya ng tirahan at hindi na nga umabot pa ng Pasko ang pagsasama nila under one roof.
Samantala, kasama rin sa online series na ito ni Carlo sina Maris Racal, Phoemela Baranda, John Lapus, Jai Agpangan, Sachzna Laparan, Kyo Quijano, Sherry Lara, Poppert Bernadas, Hamie Harrar, Elyson de Dios, James Bello, at Albie Casiño.
How to Move on in 30 Days is directed by Dick Lindayag and Benedict Mique and produced by ABS-CBN Entertainment, Dreamscape Entertainment, at YouTube.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber