Leandro Baldemor, hindi makapaniwalang nagli-leading man ulit siya

Pinaghandaan daw talaga ng 47-year old na si Leandro Baldemore ang leading man role niya sa bagong teleserye ng GMA. Biro tuloy sa kanya ng dalawang leading ladies niya niyang sina Jean Garcia at Michelle Aldana, panay diet at workout daw nito sa kanilang lock-in taping.

Photos: @gmadrama / @leandrobaldemor

Pinaghandaan daw talaga ng 47-year old na si Leandro Baldemore ang leading man role niya sa bagong teleserye ng GMA. Biro tuloy sa kanya ng dalawang leading ladies niya niyang sina Jean Garcia at Michelle Aldana, panay diet at workout daw nito sa kanilang lock-in taping.

Hindi makapaniwala ang former Seiko Films sexy actor na si Leandro Baldemor na leading man siya sa bagong afternoon teleserye ng GMA-7 na Nakarehas Na Puso.

Ang mga leading ladies lang naman niya ay sina Jean Garcia at ang nagbabalik-showbiz na si Michelle Aldana.

Kaya pinaghandaan raw talaga ng 47-year old actor ang role niya bilang si Jack Galang. Biro tuloy sa kanya ng dalawang leading ladies niya , panay diet at workout daw nito sa kanilang lock-in taping.

Kuwento ni Leandro: “Napakapogi ko rito kaya nga hindi talaga ako makapaniwala kasi nu’ng nagbabasa kami ng script, panay nga ang kantiyaw nitong dalawa sa akin. Si Jack Galang mapagmahal sa pamilya, ang focus niya talaga maging masaya parati saka sama-sama sila. Ganoon din si Leandro sa pamilya niya. Lahat gagawin para sa mga anak. Siyempre, ang pangarap natin sa buhay, mabigyan natin ng magandang buhay yung anak natin. Mapagtapos natin sa pag-aaral."

Kahit nga raw may sariling wood carving business sa Paete, Laguna si Leandro, hinding-hindi raw niya iiwan ang showbiz dahil sobra raw niyang minahal ang propesyon na ito simula noong ma-discover siya ng Seiko Films noong 1996.

“Hindi po hobby ang pag-aartista. Ito po talagang nananalaytay sa dugo at saka ibinigay sa akin ni Lord ‘yan.

“Talagang kini-claim ko na ibinigay Niya sa akin kasi after na ma-discover ako, seven days, nasa showbiz na ako. Kaya sabi ko sa Kanya, ‘Wag mo akong pawawalan ng project, ha?’

“Karugtong na ‘yan sa buhay ko. Hindi hobby lang, walang ganoon. Nirerespeto ko at saka ‘yan ang ipinapakain ko sa aking mga anak na itutulong ko rin sa mga tao na nangangailangan,” sey pa niya.

Malaki nga raw ang pasasalamat ni Leandro sa yumaong direktor na si Maryo J. delos Reys at sa GMA dahil sa mga TV series na kinabilangan niya simula pa noong 2010.

“Maraming-maraming salamat sa GMA dahil sa natatandaan ko, nag-start ako sa GMA na gumawa ng teleserye, 2010 pa, buhay pa si Direk Maryo. Hanggang ngayon, 2022 na, medyo matagal-tagal nang pasasalamat ito, kahit papaano, nakukuha pa rin ako ng GMA 7,” ngiti pa niya.

Ordinaryong 18-year old college student lang daw si Leandro (real name Jeffrey Baldemor) noon nang may lumapit sa kanya para gawin siyang artista. Pagkaraan ng isang linggo ay nagsu-shooting na raw siya para sa unang pelikula niya na Sariwa kasama si Priscilla Almeda.

Mga nakasabayan ni Leandro sa Seiko Films noong '90s ay sina Rodel Velayo, Priscilla Almeda, Natasha Ledesma, Anton Bernardo, Leonardo Litton, at Klaudia Koronel.

Ang iba pang sexy films na ginawa ni Leandro ay ang Patikim Ng Pinya, Tukso Layuan Mo Ako 2, Kiliti, Pisil, Walang Dayaan Akin Ang Malaki, Pedrong Palad, Katawan, Burlesk Queen Ngayon, Ikapitong Gloria, Virgin Wife, Eskandalo, Huwag Kang Kikibo, Bedtime Stories, Ligaya Pantasya Ng Bayan at Balat Sibuyas.

Noong hindi na uso ang paggawa ng sexy films, naging entertainer sa Japan si Leandro ng ilang taon. Noong bumalik siya sa Pilipinas, sinubukan niyang pasukin ang politics sa pagtakbo bilang board member ng 4th District ng Laguna. Pero hindi sinuwerte si Leandro na manalo kaya bumalik siya sa showbiz.

Ilan sa mga teleserye na kinabilangan ni Leandro ay ang Esperanza, Marimar, Rosalka, Munting Heredera, Isang Dakot Na Luha, Indio, Mundo Mo'y Akin, Innamorata, My BFF, Pinulot Ka Lang Sa Lupa, Encantadia, Impostora, Contessa, Cain at Abel, The Gift, Las Hermanas at Lolong.

Sa Nakarehas Na Puso, bukod kina Jean at Michelle, co-stars din ni Leandro sina Vaness del Moral, EA Guzman, Claire Castro, Bryce Eusebio, Ashley Sarmiento, Glenda Garcia, Dang Cruz, Marnie Lapuz, Analyn Barro, Chanel Latorre, Barbara Miguel at Miggs Cuaderno. Mula ito sa direksyon ni Gil Tejada, Jr.

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.