Patuloy na inalmahan ng actress-entrepreneur na si Matet de Leon ang natatanggap n’yang pagtuligsa ngayon mula sa netizens dahil sa kawalan umano n’ya ng utang na loob sa umampon sa kanya na si Nora Aunor.
Nag-ugat ang gusot sa pagitan ng mag-ina nang makarating kay Matet na gumawa ng kaparehong food product niya ang kanyang ina without her knowledge. Lumalabas tuloy na direct competitor pa n'ya ito imbes daw na supporter niya. Matagal na kasing may ganitong mga produkto si Matet na business nila ng asawang si Mikey Estrada under their brand name Casita Estrada.
Ito ang naging laman ng hinampo niya sa kanyang December 3 Instagram post kalakip ang photo ng bottled gourmet tuyo and tinapa line ng nanay n’yang si Nora.
Nang sumunod na araw, December 4, ay nag-Live sa YouTube si Matet para mas linawin ang kanyang side sa Ate Guy's Gourmet Tinapa and Ate Guy's Gourmet Tuyo ng kanyang ina.
“Alam n’ya ’to na meron ako nito, alam ni Mommy na meron ako n’yan. So, hindi ko alam kung bakit napagdesisyonan nila na gumawa ng sarili nilang brand. Hindi ko po talaga alam kung bakit gumawa s’ya ng sarili n’ya,” lahad n’ya sa video.
Isa pa umano sa ikinainis n’ya ay ang suggestion ng isa nilang kapatid na mag-resell na lang daw sila ng produkto ng Mommy nila. Iginiit n’yang mas nauna ang negosyo nila ng kanyang asawa at pinaghihirapan nila iyon nang husto.
Nasaktan nang labis si Matet sa fact na kinalaban siya ng sariling ina imbes na sinuportahan. Katwiran daw nito ay marami naman siyang taping (o projects) na tila ang pakahulugan ay siya ang mag-give way.
Idiniin niya na bukod sa matagal na sila sa ganitong negosyo, ang kawalan nga ng projects ang nagtulak sa kanila para buuin ito, contrary sa paniwala ng ina na marami siyang raket.
In the same video ay ipinahayag ni Matet na bagama’t mahal at iginagalang pa rin n’ya si Nora ay puputulin na n’ya ang pakikipag-uganyan niya dito.
Umani ng iba’t ibang reaksyon ang issue na ito. May mga nagsabing nauunawaan nila ang pinanggagalingan ni Matet.
Pero marami rin sa mga taga-suporta ng nanay n’ya ang tumulisa sa kanya na tila expected naman na ni Matet.
Ayon sa mga ito, hindi umano s’ya marunong tumanaw ng utang na loob sa taong nag-ampon sa kanila ng kanyang mga kapatid. Pabayaan na lang daw sana n’yang magnegosyo din at kumita ang nanay n’ya.
Paulit-ulit din ang nagpapa-alala sa kanya na nanay pa rin niya ito kahit ano'ng mangyari.
Isa ang isyung ito sa sinagot ng aktres nang pumayag siyang makapanayam ng comedian-vlogger and talent manager na si Ogie Diaz sa YouTube vlog nito kamakailan.
Ipinunto n’yang hindi naman yata tama na manahimik na lang for the sake of utang na loob gayung mali na umano ang nangyayari.
“Paanong pagbabayad ba ang gusto nila ng utang na loob? Kahit na anuhin na kami hindi kami papalag? Kahit mali hindi magsasalita? Ganu’n ba ’yon o bulag lang talaga ang mga tao?” ratsadang sagot ni Matet kay Ogie.
Nabuksan din sa usapan nila na hindi naman daw talaga gusto ni Nora na ampunin sila ng ate n’yang si Lotlot de Leon noon.
“Unang-una rin, hindi choice ni Mommy na ampunin ako at ang ate ko. Ang inampon n’ya lang talaga ay si Kiko at si Ken, hindi kami,” pagsisiwalat ng aktres.
“Ang umampon sa amin ng ate ko ay lola ko [late mom ng Mommy Nora nila]. Parang nu’ng namatay na ’yong lola ko wala na s’yang choice [si Nora]. Nandu’n na kami, e,” saad pa n’ya.
Itinuring naman daw nilang nanay si Ate Guy pero ang tunay raw nagpalaki sa kanilang magkakapatid ay ang ate nilang si Lotlot.
“Sa totoo lang, si Kiko at si Kenneth at saka ako lumaki naman kami talaga kay Ate Lot,” aniya. “Bukod kay Ate Lot, may isa pang nagpalaki sa amin. National Artist ’yon. Hindi ko na sasabihin baka madamay pa.”
“Kumbaga ’yong magagandang asal, ’yong manners, basics…[natutunan naming kina] Kuya Mon [Ramon Christopher Gutierrez], Ate Lot… Lagi kaming nasa kanila, e. Parang ang nangyayari du’n kami lumalaki sa kanila, sa bahay nila.”
Naroon naman daw ang Mommy Nora nila pero mas madalas ay wala ito dahil sa kanyang trabaho.
“S’yempre, nand’yan si Mommy. Nand’yan s’ya. Madalas wala. May trabaho, ’di ba? Pero ’yong talagang naghirap na talagang nagpalaki sa amin, ate ko,” pagdidiin n’ya.
Hindi rin daw totoo na wala s’yang utang na loob. Ang kanya nga raw pananahimik on certain issues about her mom ay paraan n’ya ng pagkakaroon ng respeto at utang na loob dito.
“Sa totoo lang, Ogie, hanggang ngayon, nakaupo ako dito, nagbabayad ako ng utang na loob kasi marami pa kayong hindi alam. Kasi pag lumabas ’yon masisira lahat. Wag na. Kasi may pagmamahal pa rin naman ako sa Mommy ko,” sabi Matet.
Iyon nga daw ang ikinasasama ng loob n’ya. Sa kabila daw kasi nang ibinibigay n’yang pagmamahal at pag-protekta sa imahe nito ay wala daw pasintabing kukumpitensyain s’ya nito sa negosyo.
“Kasi para sa akin ginawa ko na lahat, e,” pagbabahagi ng aktres.
“Tuwing aawayin s’ya ng mga tao, tatawagin s’yang adik, ginaganu’n s’ya ng mga tao, ang sakit sa akin nu’n. ‘Bakit n’yo tinatawag na ganu’n ang Mommy ko?’ Ako ang unang-una nakikipag-away sa comments,” she continued.
“Napaka-squammy ko, ’di ba? ‘Wala akong pakialam. Wag n’yo sasaktan ang kalooban ng nanay ko.’ Ako ang unang-unang gumagawa n’yan kasi ang mga kapatid ko mga sosyal, e. Ako hindi. Jologs talaga ako.
“Tapos ganito? Ako unang-unang sumusuporta sa’yo. Ako ang unang-una, tapos ganito? Hindi ko alam kung paano n’ya nagawa sa akin ’yong ganyan,” pagtatapos n’ya.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber