Hindi napigilang maging emosyonal ng actress-entrepreneur na si Matet de Leon sa kanyang YouTube Live kagabi para linawin ang panibagong issue nila ng nanay n’yang si Superstar Nora Aunor.
Nagsimula ito sa photo ng food products ng kanyang Mommy Guy—na aniya ay ang Mommy Guy niya mismo ang nag-send sa kanya—na ipinost n’ya sa kanyang Instagram last December 3.
Lumalabas sa inilagay n’yang caption na masama ang kanyang loob dahil tila kinalaban s’ya ng kanyang ina pag dating sa pagnenegosyo.
Meron kasi silang bottled tuyo and tinapa gourmet business ng kanyang mister na si Mickey Estrada, at ganu’ng produkto din ang inilabas ng kanyang ina without her knowledge.
“Would you do this to your children? HONOR THY FATHER AND MOTHER. HOW? how can I do that now? Ay, AMPON PALA AKO,” panimula ni Matet sa paglalabas n’ya ng saloobin sa kanyang caption.
“Nung isang gabi, sinabihan ako na mag resell na lang ng products ng nanay ko. Pinag hihirapan namin ang pagtitinda. Bakit all of a sudden, nagulat na lang ako, naglabas ang nanay ko ng direktang kumpitensya ng produkto ko. Alam niyang may produkto akong ganyan,” himutok pa n’ya.
“Marami naman daw akong taping. Ano sa tngin niyo gagawin ko ngayon? Ano magandang gawin? Kung may anak kayo, GAGAWIN NIYO BA SA MGA ANAK NIYO TO?”
At kagabi nga, December 4, ay nag-live sa kanyang YouTube channel ang aktres para mas mabigyang linaw ang gusot na ito sa pagitan nila ng kanyang Mommy Guy.
“This live is actually for my mother’s supporters who are, I think, they’re very…they got confused,” panimulang bitaw ni Matet.
“Una, gusto ko muna humingi ng pasensya dito sa mga shenanigans na nangyayari. Gusto kong humingi ng pasensya sa mga nagimbal ang mundo...” pagpapatuloy n’ya.
Nagsalita daw s’ya dahil maraming nagtanong kung ano ba ang nangyari at nakapagbitaw s’ya ng ganu’n sa social media.
“Gusto ko din maging walang paki kaya lang ang daming nag-text sa akin, ang daming nag-chat na mga supporters to ask me what's going on… Sorry sa mga Noranians, sa mga medyo naguluhan sa mga kaganapan.”
Ayon sa kanya, natutulog daw s’ya last Wednesday ng hapon, November 30, nang biglang nag-message sa kanya ang kanyang Mommy kalakip ang photos ng mga food products nito na s’yang daw ikinagulat n’ya.
“Unang-una kong nakita ’yong mga sinend ng mommy ko na mga produkto nga n’ya. Naloka ako talaga, as in,” pag-amin ni Matet.
“Nag-hyperventilate ako kasi pagdilat na pagdilat ng mata ko, check ko ’yong phone ko kung anong oras ako nagising. Pag kakita ko, nag-message si Mommy. ’Yon ang minessage n’ya sa akin.”
Clueless daw s’ya kung anong dahilan kung bakit s’ya pinadalhan ng photos ng bottled products nitong Ate Guy's Gourmet Tinapa and Ate Guy's Gourmet Tuyo.
“Hindi ko pa alam kung anong rason kung bakit n’ya pa sinend sa akin ’yong pictures na ’yan. Kasi hindi ko na s’ya gustong kausapin,” saad pa n’ya.
Alam naman daw ng nanay n’ya na ito ang negosyo nila ng kanyang mag-asawa pero same products pa rin ang inilabas nito.
“Bakit ba ako naba-badtrip na sinend n’ya sa akin ’yong mga tuyo n’ya at ’yong mga tinapa n’ya? Kasi meron ako nito. Meron akong tuyo, meron din akong tinapa. Alam ni Mommy ito,” paliwanag ni Matet habang pinapakita sa viewers ang larawan ng kanyang Casita Estrada food line.
“Alam n’ya ’to na meron ako nito, alam ni Mommy na meron ako n’yan. So, hindi ko alam kung bakit napagdesisyonan nila na gumawa ng sarili nilang brand. Hindi ko po talaga alam kung bakit gumawa s’ya ng sarili n’ya.”
Naiyak daw s’ya sa kanyang mga nalaman.
“Iniyak ko lang. Tinawagan ko ang Ate [Lotlot de Leon] ko. Tinawagan ko ang Kuya [Ian de Leon],” pag-amin n’ya.
Nai-post na nga daw ang photos ng produkto ni Nora sa isang Facebook group ng mga fans nito at may mga nagtaka daw kung bakit may nilabas na products ang veteran actress gayong meron din nito ang anak n’yang si Matet.
“Hindi ko alam kung anong nangyari. May mga nag-post kagabi na nakita ng asawa ko kasi member s’ya ng grupo kung saan kasama itong malapit na nag-aalaga kay Mommy. Kilala ninyo na ’yan kung sino ’yan,” salaysay n’ya addressing the Noranians.
“Nag-post, nag-post, nag-post…kinumentan nitong malapit kay Mommy. Kasi naloka ’yong mga tao. Sabing ganyan, ‘Ay, ano ito? Bakit ganyan? ’Di ba, meron na nito si Matet?’” she continued.
“Tapos nakita nitong asawa ko na nag-comment itong si Ate na napakalapit kay Mommy na, ‘Alam ko daw ’yon.’”
Paglilinaw n’ya, oo nga’t alam n’ya na may products ang kanyang ina pero hindi daw n’ya akalain na talagang ibebenta ito at ngayon ay direct competitor na n’ya.
“Alam ko na meron pero hindi ko alam na ipo-post, hindi ko alam na gagawin n’ya sa akin ito at ibibenta n’ya talaga ’yong produkto n’ya,” aniya.
Hindi naman daw sa ayaw n’yang may kahati sa mga buyers na fans ng nanay n’ya pero feeling daw n’ya ay kinalaban s’ya ng sarili n’yang ina.
“Hindi sa para pag-agawan pa namin ang Noranians, ’di ba? Hindi naman ’yon ang punto ko…hindi naman po ’yon kasi marami naman tao sa Pilipinas at sa buong mundo na p’wede naman pagbentahan po,” paglilinaw ng actress-entrepreneur.
“Ang akin lang, sentiments. Pano n’ya nagawa sa akin ito? Direktang kompetensya kasi. Paano n’ya nagawa sa akin ito?”
Nag-nenegosyo din naman daw kasi ang mga kapatid n’ya pero hindi sila magkaka-kompetensya.
May food business si Lotlot dahil ibinibenta nito ang luto nitong bopis, habang ang Kuya Ian naman n’ya ay nagbebenta din ng meat products. At s’ya naman ay meron ngang gourmet tuyo and tinapa.
“Paano nagawa sa akin ng nanay ko ’to? Hindi ko matanggap and ano ’yong punto? Hanggang ngayon hindi ko alam,” patuloy na himutok n’ya.
“At kung nanay ko nga, nanay ko ba ang gumawa? Sinong nag-post nu’n? Itong napakalapit sa kanya at sa kanya nakatira. Ang sabi doon sa comment alam ko daw ’yon.
“Kitang-kita ng asawa ko ’yong comment mo, Ate. Tinanong ni Mickey ’yong nag-post kung, ‘Pano n’ya nasabi na alam ni Matet?’ Sino nagsabi? Si Ate ang nagsabi. Sino nagbigay ng go signal para i-post ’yong mga paninda ni Mommy?”
Isa pa sa ikinasama ng loob n’ya ay ang sinabi daw ng isa pa n’yang kapatid na si Kenneth. Nag-suggest umano ito na mag-resell na lang daw sila ng products ng kanilang Mommy Nora.
“Itong kapatid kong si Kenneth… Kapatid ba kita? Impakto ka! Alam mo kung anong sabi? Sabi ba naman sa akin kung gusto raw ni Mommy mag-negosyo pabayaan ko na lang daw. Mag-resell na lang daw ako ng products ni Mommy at magtulungan kami,” pagbabahagi ni Matet.
Matagal na daw kasi silang nagnenegosyo ng asawa n’ya para isuko nila ito at mag-resell ng paninda ng iba.
“E, ang tagal-tagal na ng Casita Estrada naman. Asawa ko nagluluto rito, nangangamoy kami rito, pinaghihirapan ng asawa ko, hindi na natutulog… para magtinda ng produkto ng iba,” ukilkil n’ya.
BIPOLAR DISORDER & BETRAYAL
In the same live video, Inamin din ni Matet na na-diagnose s’ya na may bipolar disorder kung kaya naman sobrang stress daw ang dulot sa kanya ng mga pangyayari.
“Imagine ninyo, bipolar ka na nga, nalulungkot ka na nga, tapos nangyari pa ito. Imagine-in ninyo ’yong lungkot ko, ’yong gulat ko, ’yong lungkot ko sa nangyari,” pag-o-open n’ya sa viewers.
“Imbes na sinuportahan ako, imbes na, ‘Go, anak!,’ hindi. ‘Mas magaling ako sa’yo.’ Ganu’n ba ’yon? Hindi ko alam, e. Hindi ko talaga alam kung anong rason.
“Kung pinapakita ba sa akin na mas sikat s’ya sa akin, mas magaling at mas maraming fans kaya mas maraming bibili? Hindi ko alam talaga. Hindi ko sure.
“This is just my opinion, ’yong aking pakiramdam, sa tingin ko lang… Hindi ko alam, hindi ko siguardo...I feel very sad, I feel betrayed. Para akong tinraydor. Para akong… Grabe… Ampon na ampon ’yong pakiramdam ko ngayon, mga tol,” sumbong n’ya sa viewers.
“Ang lakas maka-ampon nu’ng ginawa nila, ang lakas maka-ampon. Damang-dama ko pagka-ampon ko.”
Wala naman daw kasing magulang na gagawa ng ganu’n sa kanyang mga anak.
“Kayo ba sa tingin ninyo? Hindi nga, e. Hindi ko na itatanong kasi walang gagawa nito sa anak n’ya e,” lahad pa n’ya.
“Ang ibig sabihin lang nito, hindi ako tinatratong anak. Ngayon ko lang naisip at saka ’yong mga malalapit sa kanya, hindi ko na sasabihin kung sino, but they all also feel that, Mommy,” tila pag-a-address n’ya kay Ate Guy.
“Mommy doesn’t love us. Hindi n’ya gagawin ito kung mahal n’ya kami. Ngayon ko lang na-realize talaga na hindi kami mahal ng nanay namin.”
Pero sa kabila ng lahat ng kanyang mga sinabi, makailang beses nilinaw ni Matet na mahal pa rin n’ya ang kanyang ina kahit na hindi umano n’ya nararamdaman na mahal sila nito bilang mga anak.
Isa rin sa nilinaw n’ya na ang paglalabas n’ya ng saloobin ay hindi para i-promote ang produkto nila ng kanyang mister.
“Hindi rin ito for good or bad publicity ng Casita. Actually, ayoko nang idamay ’yong produkto ko dito. Kaya lang kasi ’yon ’yong pinag-uugatan nito, e, ’yong negosyo ko,” saad n’ya.
“Ginawa ko ’tong negosyong ito dahil wala na akong trabaho, wala na akong taping. Dahil baka siguro sa mental illness ko,” esplika pa n’ya.
UTANG NA LOOB
Aware daw s’ya na babalikan s’ya ng mga avid supporters ng kanyang ina dahil sa kanyang mga sinabi at para ipamukha umano sa kanya, at mga kapatid n’ya, na wala silang utang na loob.
“Wag n’yo ako batuhan ng mga ganu’n. Kasi grabe ang utang na loob ko,” advance na sagot n’ya sa mga ibabato sa kanya.
“Nandu’n tayo sa hindi kami mahal ni Mommy. Ngayon maiintindihan ko kung ang mga Noranians magagalit na naman sa akin, magagalit naman sa amin. Pati ang ate ko na hindi kasali dito madadamay… Kasi wala kaming k’wentang ampon, wala kaming utang na loob...
“Pag-usapan natin ’yong utang na loob,” madiing pagppatuloy niya. “Alam ninyo ba na hanggang ngayon nagbabayad pa rin kami ng utang na loob. Kaya wala kayong alam sa mga katotohanang nangyari sa amin mula nang kami ay inampon.
“Maraming kayong hindi alam at hindi na ninyo malalaman, hanggang ngayon nagbabayad kami ng utang na loob.
“At saka teka, ano bang utang na loob ’yon? Na naging artista kami dahil kay Mommy?
“Hindi si Mommy ’yong kumuha sa akin, ’yong lola ko. Klinaro n’ya sa akin ’yan.”
In-address din n’ya ang ilang mga nag-message na sana ay maplantsa pa ang gusot na ito sa pagitan nila ng kanyang ina.
“Parang hindi na ho. Kasi hindi ko alam paano mo magagawa ’yan sa anak mo?” emosyonal na sabi ni Matet.
At sa puntong ito na tuluyang pumatak ang mga kanyang mga luha while addressing her mother’s avid fans.
Kapag nagkakagtampuhan kasi silang magkakapatid at kanilang ina ay silang mga anak ang binabanatan ng mga Noranians.
“Hirap na hirap kami. Hirap na hirap kaming magkakapatid. Hirap na hirap kami. Hirap na hirap na kami. Grabe… Hirap na hirap na po kami. Ang ate ko, ang kuya ko, ako… Paulit-ulit na lang,” umiiyak na lahad ng aktres.
Pakiramdam daw kasi n’ya ay parang nakagapos sila sa tuwing nangangatwiran sila sa kanilang ina. Mga supporters kasi nito ang rumeresbak sa kanila.
“Pag may ginagawa si Mommy’ng sablay tapos pumalag kami, sasabihin n’yo wala kaming k'wenta,” umiiyak sabi n’ya.
“Ano ba? Anong gusto n’yong gawin namin dito? I don’t understand. Ano'ng gusto n’yong gawin namin?” she asked.
“Para kaming nakatali. Para kaming nakabusal tapos sinasampal-sampal n’yong lahat. Nakatali kami, wala kaming p’wedeng gawin. Nakabusal kami, wala kaming p’wedeng sabihin tapos sinasampal-sampal n’yo lang kami na wala kaming kuwentang ampon,” diretsahang pangri-real talk n’ya habang nagpupunas ng luha.
Minabuti na daw n’yang magsalita dahil hindi lang ito for herself kundi pati na rin sa kanyang mga kapatid.
“Nagsasalita ako para sa ate na binaboy d’yan ng kung sino mang nanonood, sa kuya ko na binaboy n’yo din. Ako naman ngayon bababuyin n’yo din? Sigurado ’yan,” buwelta ni Matet.
“Tama pa ba? Naawa ako sa ate ko. Grabe ang ginawa n’yo sa ate ko,” dugtong pa n’ya.
Gayun paman, hindi pa rin daw sya magte-tell all ukol sa mga pinagdaanan nilang magkakapatid sa kailang ina bilang tanda ng paggalang pa rin. Isinasa-alang-alan din niya ang edad at kalagayan nito.
“’Di namin masabi sa inyo kung anong pinagdaanan namin, e. Kasi masisira si Mommy. Isa pa, matanda na Mommy ko, may sakit na Mommy ko. Hindi para i-ano pa namin dito.”
Pakiusap pa n’ya sa mga bashers: “Wag n’yo lang kaming babanatan. Baka isipin n’yo tama pa rin ’to, a.”
At some point during her YouTube Live, sinabi rin n'yang binlock na niya ang kanyang mommy sa kanyang telepono at hindi na raw siya muling makikipag-ugnayan dito.
Addressing her mom directly, she says: “Para kay Mommy, mahal na mahal kita, Ma. Sobra po. Hindi na po ako magpapakita sa inyo. Hindi ko na po kayo guguluhin. Pati po mga anak ko hindi na po kayo guguluhin. Wala na po… Para po hindi na kayo mainis sa amin o wala na kayong problema, wala nang panggulo, wala… hindi na po kami magpapakita sa inyo. ’Yan ang [tanda] ng pagmamahal namin sa’yo. Pero alam mo dapat na mahal ka namin. Alam mo dapat ’yon kasi hindi na ako magsasalita.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber