Melai Cantiveros, inaming pinagselosan niya si Lauren Reid noon; vloggers na sina Zeinab Harake at Ivana Alawi, pinagselosan naman niya ngayon

"Ito ha, aaminin ko na. Isa s'ya sa pinagselosan ko. Ngayon ko malalaman kung tama ba 'yong pagseselos ko. Kung may dahilan ba 'yong pagseselos ko."

PHOTOS: @mrandmrsfrancisco, @zenab_harake & @ivanaalawi on Instagram, Melason Official Vlog on YouTube

"Ito ha, aaminin ko na. Isa s'ya sa pinagselosan ko. Ngayon ko malalaman kung tama ba 'yong pagseselos ko. Kung may dahilan ba 'yong pagseselos ko."

Nagkaselosan ang celebrity couple na sina Jason Francisco at Melai Cantiveros.

Sumalang kasi ang mag-asawa sa "Jojowain o Totropahin Challenge" na naging content ng kanilang vlog entry na in-upload sa joint YouTube channel nilang Melason Official Youtube last September 27.

Magbibjgay si Jason ng mga pangalan ng artistang lalaki at sasabihin naman ni Melai kung dyo-dyowain ba n'ya o totropahin mga ito. Ganu'n din naman ang gagawin ni Melai kung saan mga babae naman ang babanggitin n'ya for her husband. Kasama din sa rules na bawal ang selosan at awayan dahil game at katuwaan lang naman ito. 

Nu'ng una, tila okay pa ang dalawa sa pagka-categorized sa mga nabanggit na celebrities kung dyo-dyowain ba nila o totropahin lang. 

Halos lahat ng female celebrities ay dyo-dyowain daw ni Jason. Kay Melai naman, totropahin n'ya daw ang mga young actors gayundin ang mga Ingleserong celebrities.

At dahil mahaba daw ang listahan ng mga artista, nagpasya si Melai na magbigay na lang ng last three celebrity names para matapos na.

"Siguro last three na lang tayo," suggestion ni Melai sa video. "Ang last three na medyo may kurot sa akin... Feeling ko may pagka-crush ito ni Papang. Para sa kanya, itatanong ko kung dyo-dyowain o totropahin. Ang una kong itatanong... Lauren Reid."

(Si Lauren Reid ay ang Filipino-Australian actress -model na half sister ni James Reid.)

Hindi agad nakaimik si Jason at ngiti lang ang naging sagot kay Melai.

"Ito ha, aaminin ko na. Isa s'ya sa pinagselosan ko," pag-amin pa ng 32-year-old Pinoy Big Brother alumna. 

"Ngayon ko malalaman kung tama ba 'yong pagseselos ko," may panlalaki ng matang pagpapatuloly ni Melai. "Kung may dahilan ba 'yong pagseselos ko. Dyo-dyowain o totropahin?” 

"Game lang naman [ito]. Dyo-dyowain," sagot ni Jason. 

Napaayos ng upo si Melai nang marinig ang sagot ng kanyang mister. 

"Bakit dyo-dyowain? Pwede naman tropahin," tila protesta ng Magandang Buhay co-host.

"Dyowa... E 'di tropa na lang," pagbawi ng aktor.

Dito na naguluhan si Melai at nagtaas ng tono ng pananalita.

"Bakit 'di sabihin? Mag-dyowa ba o tropa?" muli n'yang tanong sa kanyang asawa. 

Depensa naman nito: "Hala! Bakit nanghuhusga ka?

"Gusto ko ngang malaman!" pangungulit pa ng aktres. 

"Kasi pinagselosan [mo]?" balik sa kanya ni Jason.

"Hindi ko alam sa'yo kung anong gusto mo. Type mo ba s'ya?" mataray na tanong ni Melai.

"Teka, bakit parang ibang game na 'to ah. Parang nang-aano ka na ah," sagot naman ni Jason sa kanyang wife na bigla na lang natawa.

"Dyo-dyowain," pagtitiyak pa ni Jason. "Kasi nakasama ko na 'yan. Nakatrabaho ko na 'yan. Mabait naman. Kahit English [magsalita] pero pusong Pinay. Mabait. Ako naman, hindi naman ako natingin sa hitsura."

Muling nanlaki ang mga mata ng Kapamilya TV host-actress sa tinuran ng kanyang asawa lalo na sa salitang “hitsura.”

"Mas tinitingnan ko 'yong... S'yempre makikita ko [ang mukha] pero 'yong ugali doon nagkakatalo," pagpapatuloy ni Jason. "Kahit maganda 'yan pero ang ugali naman ay napakasama at napakapangit ay wala 'yan sa akin."

Nang matanong naman ang aktres kung totropahin o dyo-dyowain ba n'ya si Kapuso actor Alden Richards, dito tila nakahanap ng chance si Melai para pagselosin si Jason.

"Dyo-dyowain," kinikilig na sagot ni Melai.

"Dyo-dyowain ko na din 'yan. Papayag ako. Parang mabait," panggagatong naman ni Jason. 

"So kung may movie kaming dalawa papayag ka?" tanong ni'ya sa aktor.

Medyo napaisip pa si Jason at sinabing: "Si Alden... P'wede."

"Sure ka?" tila hindi kumbinsidong tanong ni Melai. "Bantay ka ha."

Isa pa sa nabanggit ni Melai para sa mister ay ang vlogger na Zeinab Harake.

Matagal sumagot si Jason kaya dumikit na si Melai sa kanya, dahilan para maasiwa s'ya.

"'Wag kang ganyan. Nakaka-ano ka..." saway ng Mindoro-born actor.

"Sabihin mo ang katotohanan. Maghiwalay na lang din tayo. Dalhin mo ang mga gamit mo after mong sumagot," hamon pa n'ya kay Jason. 

"Dyo-dyowain," tugon ng aktor.

"Ayan!" bwelta ni Melai. "Dyowa talaga. Alam ko 'yan. Dyo-dyowain talaga. Magbalot-balot na kayo [ng damit]," muling hamon ng morning show host. "Hindi ka man lang p'wede magsinungaling na totropahin mo?"

Dito na sumingit ang anak nilang si Mela para ipaalala sa kanilang dalawa na katuwaan lang ang ginagawa nila

"Mama, it's just a game and Papa needs to keep his secret," paliwanag ni Mela kahit wala sa camera. "'Di ba sabi mo kanina 'wag isabi 'yong something?" 

"Hindi nga s'ya nag-secret, e," sagot naman ni Melai sa anak sabay baling sa viewers. "Oh my God. Ngayon ko na napatunayan. Sige lang, guys. Laban lang tayo."

"OA naman nito. Para 'yon lang. Bakit kapag ikaw, si Alden... Lahat na sa'yo," sumbat naman ni Jason. 

At para sa panghuling tanong ni Melai, isang actress-vlogger ang binanggit n'ya for her husband.

"Talagang hindi ito p'wede mawala sa dyo-dyowain o totropahin. Ever since na lumabas s'ya sa YouTube, updated na s'ya sa lahat. Ivana Alawi...?" tanong n'ya. 

"Dyo-dyowain na lang. Game lang naman," sagot ni Jason sa komedyanang asawa. 

"Game? Pero 'yong mukha mo talagang humaling na humaling. Kilig na kilig," muling bwelta ni Melai kay Jason. "So dyo-dyowain? Gusto ko isang sagot para magkatapusan na tayo. Tapusin na natin 'to, 'tong relasyon natin."

"Dyo-dyowain nga kasi parang masaya [s'yang] kasama. Mukhang mabait. Down to earth," sey naman ni Jason sa kanyang napipikon ng asawa.

Sa kanyang mga narinig, tila talunan si Melai na sumagot ng: "Hala... Ayoko na 'uy."

Sa huling bahagi ng video, nag-share si Melai na hindi magandang gawin ang "Jojowain o Totropahin Challenge" lalo ng mga magkarelasyon dahil p'wede daw itong pagmulan ng away.

"Hindi pala s'yang magandang gawin," share ni Melai sa na-realize n'ya matapos nga ang selosan nila ni Jason. "Kung gagawin n'yo, ito na ang mitsa ng pag-aaway n'yo. Baka hindi na kayo magkarelasyon sa next n'yong vlog. 

"Huwag n'yo masyado i-feel pero sa next n'yong awayan mabo-brought up ang mga pangalan nila," natatawang sey pa ni Melai.

Nagkakilala at nagkaibigan sina Melai at Jason nang magkasama sila sa Pinoy Big Brother noong 2009, ikinasal noong 2013, at nakatakdang mag-celebrate ng kanilang 7th wedding anniversary sa October 9.

PANOORIN ang kabuuan ng JOJOWAIN o TOTROPAHIN | Melason Couple Vlog dito:

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Aljur Abrenica, napa-“Oh, men!” kay Shaina Magdayao; Kylie Padilla, di naitago ang selos

“Baby Mallows” ni Ryza, nagseselos raw sa paparating na baby boy niya

Alden Richards, malapit na rin daw maging army reservist; aminadong laging puyat kaka-online games

Pika's Pick: Alex Gonzaga, nagselos ba nang mabistong pati fiancé niyang si Mikee Morada ay nahawahan na ng Ivana Alawi fever?

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.