Emosyonal na humarap sa media ang asawa ng beleaguered Kapamilya actor/TV host na si Vhong Navarro na si Tanya Winona Bautista-Navarro.
Nagbigay siya ng update sa sitwasyon ngayon ni Vhong na kasalukyang naka-detain sa National Bureau Investigation’s Detention Center.
Aniya, nakausap niya ang asawa bago siya humarap sa media.
“Kanina dinalaw ko siya, nagkaroon kami ng konting chance na magka-usap,” naluluhang panimula ni Tanya.
“Ano siya… hindi stable ang emotion. Sobrang happy niya kasi, in-expect din naman niya ‘kong makadalaw kasi, naka-schedule, may schedule naman.
“Pero ayon, noong paalis na, hayan na naman ang lungkot. Kahit na may mga kasama siya do’n—at magaling makisama si Vhong— pero gano’n… biglang papasok na naman ang mga fears, bumabalik ang mga trauma niya dati.”
Sa puntong iyon ay hindi na napigilan ni Tanya ang tuluyang pag-agos ng luha.
Ang ikinakatakot lang daw niya ay ang safety ni Vhong. Lalo na kung sakali at ilipat ito sa Taguig City Jail mula sa NBI.
“Kaya sabi ko nga, nandito na kami, lalaban ulit kami, papatunayan ulit namin. Madi-dismiss ulit ’to, pero sana safe lang siya. Sana safe siya.
“Sana lang safe siya sa kinatatayuan niya palagi,” pagulit-ulit na saad ni Tanta. “’Yun lang ang greatest fear ko at lalo na siya.”
“Gusto ko lang ang security niya,” patuloy niya. “Siguro ’yun ang malaking bagay kung bakit ako emotional. Kasi, iba ’to… iba ’yung hindi ko siya kasama. At alam ko na grabe bago mabalik ’yung confidence niya after ng trauma, grabe… kahit sa work niya, hirap na hirap siyang maibalik ‘yon. Mas emotional ako ngayon kesa before.”
Humarap sa media si Tanya kahapon, September 21 sa Tigerwinx, Quezon Avenue, dalawang araw matapos na sumuko ni Vhong sa NBI Quezon City office noong Lunes ng umaga, September 19 matapos siyang Hainan ng warrant of arrest ng Metropolitan Trial Court Branch 116 ng Taguig City sa kasong Acts of Lasciviousness.
Ngunit matapos lang ang ilang oras ay lumabas naman ang isa pang warrant of arrest na mula naman sa Regional Trial Court Branch 69 ng Taguig City pa rin para naman sa kasong rape. This time, non-bailable ang kaso kung kaya’t na-detina si Vhong.
Ina-apela raw nila Tanya ngayon na magawaran ng bail si Vhong.
“’Yun ang tina-trabaho namin, petition for bail,” lahad ni Tanya sa press. “Honestly ako, I think, he feel safer sa NBI. Siguro kasi, noong simula pa lang, naka-alalay na sa amin ’yung sa NBI, sila ang kumuha ng statement namin, probably that.”
At umaasa siyang maaaprubahan ang kanilang petisyon sa lalong madaling panahon.
“Sana hindi matagalan, sana hindi matagalan… ’yun ang tina-trabaho ng legal team.”
Dahil sa pangyayaring ito, halos hati ang mga komentong mababasa sa social media mula sa mga netizens. Marami ang nagpapa-abot ng suporta kay Vhong at naniniwalang inosente ito sa mga kasong isinasampa sa kanya, lalo na ang rape.
Pero marami rin ang agad na humusga sa Kapamilya host/comedian. Ang iba pa nga ay halos ipako na sa krus ang pagsisintensya kay Vhong sa social media.
Dahil dito, hindi raw muna nagbabasa si Tanya ng social media. Pini-filter na rin ng mga nakapaligid sa kanya ang dapat niyang mabasa.
But as far as bashers are concerned, aminado si Tanya na hindi niya maiwasang mag-isip kung minsan kung saan nanggagaling ang mga bashers.
“For one, ang pumapasok sa isip ko, are they real accounts or a paid? Kasi hindi ako makapaniwala for someone....kung totoo na sumunod siya [sa istorya] or at least, decent enough to find out about what the case is all about...would jump into that conclusion, ’di ba? Kung matalino ka, kung responsible ka.
“Kaya ako, bibigyan ko ’yun ng benefit of the doubt. Are you even real? Are you even paid to do this? ’Yung gano’n. Pero grabe niyang i-stir ang emotion ko kaya hindi ako nagbabasa.”
Kaya sinasala na nga raw ng mga kaibigan niya ang mga mababasa niya.
“Alam nila na sobrang nadi-disheartened din ako.”
Samantala, bukod kay Kat Alano, meron pang ibang mga pangalang lumalabas din na tila gusto talagang bigyang-diin na may hindi nga kagandahang record si Vhong tulad nang mga ibinibintang dito. Aware daw si Tanya dito.
“Yeah, every chance they get, ibabalik nila ’yon...’yung mga names na ’yon. Ang itinatawag nga sa kanya, ang term na ginagamit sa kanya ay serial rapist, ’di ba?
“’Yung iba naman, be responsible naman. Alamin ninyo kung ano ang case. Alamin ninyo kung ano ang mga hinain namin since the beginning. Napatunayan namin ’yon, na-dismiss yan several times. Kaya paulit-ulit kong sinasabi, sobrang shocked kami.
“After eight years, ano ’tong nangyayari? Ano ’to, ’di ba?”
Kung may mga bumabatikos, marami rin naman ang sumusuporta sa kanilang mag-asawa. Ilan na sa mga ito ang mga kasamahan ni Vhong sa It’s Showtime sa pangunguna ni Vice Ganda, gayundin ang mga kapatid niya sa Streetboys. At pinahahalagahan nila ang malasakit na iyon ng mga kaibigan.
“Wala akong masabi… ano sila, constant. Even before, solid ang suporta kay Vhong. Do’n ko nakikita talaga, si Vhong, kung gaano siya pumili ng kaibigan, ’yung mga totoong tao ang talagang nakapaligid sa kanya.”
Samantala, isang mabilis na “I’m sure” ang naging tugon ni Tanya nang tanungin namin kung sa tingin niya ay may makapangyarihang tao sa likod ng lahat ng ito na gusto talagang magpabagsak kay Vhong.
“I think, wala rin ako sa posisyon na sabihin. Pero kami-kami, meron din kaming mga iniisip. Pero, wala ako sa posisyon na sabihin yan, baka hindi ko rin mapatunayan, ’di ba?
“I’m sure meron,” saad niya.
Sa lahat ng ito, sinisikap daw talaga ni Tanya na maging matatag lalo para sa asawa. Nalulungkot daw siya kapag sumasagi sa isip ni Vhong, na samu’t saring takot ang nararamdaman ngayon, na baka iwananan niya ito.
“Palagi kong sinasabi sa kanya na ang pinaka-nalulungkot ako kapag iisipin niyang iiwan ko siya.
Kasi, hindi…
“Sabi ko, ‘Kung iiwan kita, noon pa. Noong hindi pa tayo kasal. Noong nakikita ko na nagiging okay ka na, lalabas ka na ng hospital, iniwan na sana kita noon. Pero hindi. Kasi nakita ko ang pinaglaban mo. Tapos, nagawa kong patawarin ka, bakit naman kita iiwan?’” lahad ni Tanya na nagbalik-tanaw sa mga naganap noong 2014.
“’Yun ang palaging sinasabi niya: ‘Wag mo akong iiwan, ‘wag mo akong iiwan.’ At palagi ko siyang ina-assure, hanggang sa pumasok siya sa loob, palagi ko siyang ina-assure na ‘’Yun ang wag na wag mong iisipin.’”
Hiningan din namin ng reaksiyon si Tanya sa naging pahayag ni Cedric Lee na ang nangyayari raw na ito kay Vhong ay vindication n’ya.
“Alam niya ang totoo, alam niya,” madiing saad ni Tanya. “Hindi ko alam kung saan siya vindicated. Hindi ko alam kung ano ang sinasabi niyang vindicated siya. Pero alam niya ang totoo.”
Sa huli, tinanong na rin namin si Tanya kung may mensahe siyang gustong iparating sa babaeng nag-aakusa kay Vhong, si Deniece Cornejo?
“Alam mo, madalas parang kulang na lang kausapin ko ang sarili ko sa salamin talking to her,” lahad niya.
“Kasi, siya ang nakakaalam ng totoong nangyari. Siya ang nagbibigay ng mga inconsistent niyang istorya or statement. Hindi ko alam kung ano ang truth niya.
“So, kapag iniisip ko, hindi ako maka-formulate ng sasabihin sa kanya. Siguro, hindi ko ma-comprehend kung paano mo nakakayanan na merong nagsa-suffer sa kasinungalingan mo,” naiyak niyang pahayag.
YOU MAY ALSO LIKE:
Pika's Pick: NBI releases mug shot of Vhong Navarro
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber