Ogie Diaz, niyaya daw ng isang aktor para sa "one night stand" noon; inamin ding na-in love kay Michael Locsin at Romnick Sarmenta

PHOTOS: @ogie_diaz & @alisanickmccy on Instagram, Ogie Diaz Showbiz Update on YouTube

PHOTOS: @ogie_diaz & @alisanickmccy on Instagram, Ogie Diaz Showbiz Update on YouTube

Matinding rebelasyon ang ginawa ng komedyante at talent manager na si Ogie Diaz sa kanyang latest vlog upload sa kanyang YouTube channel na “Ogie Diaz Showbiz Updates.”

Sa video kasi na in-upload last September 30—kung saan nakasama n'ya ang kaibigang tinatawag niyang Mama Loi—sinagot ng Kapamilya comedian ang mga tough daring questions sa kanya. At dahil daring nga, kailangan itong sagutin at bawal ang mag-pass.

Unang naging tanong kay Ogie ay kung na-in love na ba s'ya isang artista. 

Sagot naman ni Ogie, hindi lang sa isa kundi na-in love daw s'ya sa dalawang sikat na artista noong 90’s.

Oo. Na-in love ako kay Romnick Sarmenta at saka kay Michael Locsin," pag-amin ng actor-vlogger. "Sila 'yong mga members ng [That's Entertainment]—Tuesday [group] si Michael Locsin at si Romnick naman ay [pang-] Wednesday edition."

Tsika pa ni Ogie, dinadayo pa daw n'ya noon si Michael sa bahay nito sa Marikina para daw makita ang aktor. Ganu’n din daw ang ginagawa niya kay Romnick.

Nagdyi-jeep ako, nagta-tricycle ako," pagre-recall pa ng showbiz writer.

Hindi man nagbunga ang pagtitiyaga ni Ogie ng relasyon sa dalawang taga-That’s ay naging mga mabubuting kaibigan naman daw niya ang mga ito through the years at maging hanggang sa ngayon. In fact, “nai-date” pa nga raw siya ni Michael noong kapwa na sila pamilyado.

(Kahit kilalang bading ay hindi lingid sa alam ng nakararami na pamilyadong tao si Ogie. Georgette ang pangalan ng kanyang asawa at meron siyang limang daughters with her. Matatag ang pagsasama nila ni Georgette at tanggap din ng mga anak niya kung ano at sino siya.)

"Actually, dineyt ako ni Michael Locsin nito nang may mga pamilya na kami," share ni Ogie sa video. "Nakakatuwa si Michael Locsin at si Mareng Charmaine Lagman, 'yong asawa ni Michael Locsin. Sobrang babait ng mag-asawa na 'yan. Tapos si Michael talaga, medyo tsumabi lang pero ang mukha ganu'n pa din. Tapos ang gaganda pa ng mga anak nila.

"Si Romnick naman, one time, nag-guest kami pareho sa magkaibang episode kay Home Boy [Boy Abunda], ang sabi sa akin ni Romnick Sarmenta, 'Parang kelan lang, no? Dati sunod ka lang nang sunod sa akin. Tapos ngayon, eto ka na. Mas sikat ka pa sa'kin.' Hahaha!"

Sey pa ni Ogie, alam daw ng dalawang aktor na minahal n'ya ang mga ito noong araw. 

"Hindi naman manhid ang mga 'yan bakit 'di nila maramdaman kung bakit ganito ka-OA si Ogie. Pero s'yempre walang nangyari," paglilinaw n'ya.

"S'yempre hinahangad 'yon ng bawat bading, 'di ba? Pero walang nangyari. It's all friendship. 'Yun lang 'yon."

And speaking of “may nangyari,” sunod namang naitanong kay Ogie ay kung nagkaroon ba s'ya ng intimate encounter sa isang male artista noong araw. 

Natawa muna ang komedyante bago tuluyang nakasagot.

"Alam mo sa tanda kong ito tapos meron pa [akong] limang anak, tapos ngayon mo itatanong sa akin 'yan? Alam mo 'yon? Ilang taon na ako sa business na 'to? Thirty-three years. May narinig ka na ba sa'kin may lumabas na na-tsismis ako sa isang artista?" sunod-sunod n'yang balik-tanong kay Mama Loi.

Tugon naman ni Mama Loi: "Parang wala. Kaya ko nga tinatanong."

"Ganu’n ako kahusay [magtago ng lihim]," pagbibiro naman ni Ogie. "Ganu'n ako kahusay. Ibig sabihin 'yong respetong nananaig sa amin ng artista, ganu'n na lang. Ewan ko... May mga bading kasi gusto dini-display. Gusto nila buma-babae. Sa akin kasi wala. Parang ano lang s'ya... Parang kumakain lang ako ng nilagang mani."

"Bakit naman nilagang mani?" tanong ni Mama Loi sa kanya.

"Wala naman kasing nilagang talong," tugon naman ni Ogie na ikinatawa nilang dalawa.

At dahil medyo malabo ang naging sagot ni Ogie, muling nangulit si Mama Loi.

"Hindi ko naman tatanungin kung sino," giit pa nito. "Tatanungin ko lang naman kung meron. Napaka-defensive ng sagot mo. Meron ka na bang naka-niig na isang artista in your lifetime sa show business?"

"Alam mo, iniinsulto mo ko, Loi. Thirty-three years na ako sa business, ang tanong mo lang isang artista?" banat ni Ogie sa kaibigan. 

"Ay, madami ba?" gulat na tanong ni Mama Loi. 

At nagtawanan na naman sila.

"Kung sasabihin ko sa'yong wala, maniniwala ka?" balik na tanong ng Kapamilya comedian.

"Hindi," ani Mama Lou.

"Oh, that answers your questions..." pahayag ni Ogie. "Basta respeto ang nanaig sa amin. Nakakahiya naman kung sasabihin kung wala. 'Hello? Ogie, 33 years ka na dito. 'Wag mo kaming ini-echos ha.' Gaganu'n ang mga tao sa akin."

At bago sila mag-proceed sa next question, biglang may naalala si Ogie. Ito daw 'yong niyaya s'ya ng isang aktor ng one night stand nang magkita sila sa bar. 

"Merong isang actor na hanggang ngayon, e, active pa din sa business na ito..." panimula n'ya ng kanyang naging karanasan. 

"One time, nandu'n kami sa bar. E, kilala mo ako. Hindi ako umiinom ng beer. Hindi ako umiinom ng alak. Iced tea drinker lang ako dati. Alam naman n'ya [ni actor] na hindi ako umiinom... Ginigigil ako, e. Sabi n'ya sa akin, 'Gie, payag ako’ng one night stand with you.' 

"'Talaga?'" tanong daw n'ya rito.

"'Oo,'" sey naman daw ng aktor.

"'Anong kondisyon?'" dadag daw n'yang tanong.

Sey naman daw nito sa kanya: "Inumin mo lang itong buong San Mig Light."

Hindi daw kinaya ni Ogie ang naging dare sa kanya dahil hindi nga daw talaga s'ya umiinom ng alak. 

"'Ikaw talaga, porke alam mong hindi ako umiinom, idi-dare mo ako para lang d'yan?'" buwelta daw n'ya sa aktor. 

Nagpumilit naman daw ito at sinabing, "'Sige na. Ano? Deal?'"

"'Iyo na 'yan, ano? Iyo na 'yang ari mo,'" mataray daw n'yang tugon sa aktor. "'Kita mong hindi nga ako umiinom ng alak, ikaw inaano mo pa ako. Iyo na yan. Dahil kung gusto mo, gusto mo. Wala ka ng mga kondi-kondisyon.'"

Natatawang k'wento pa ni Ogie, nanghinayang din daw s'ya alok ng aktor pagka-alis n'ya sa bar. 

"Hindi po ako nagmamalinis," paliwanag pa n'ya sa viewers. "Hindi po talaga ako umiinom ng alak. 'Yong wine nga pilit pa, e. Kapag uminom pa ako ng wine kakatihin na 'yong batok ko hanggang likod ng tenga ko."

Sa ngayon daw ay daddy na din ang nasabing naughty actor at nananatili pa rin daw silang close nito. 

PANOORIN ang kwelang rebelasyon ni Ogie Diaz dito:

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.