Ipinagtanggol ng komedyante at talent manager na si Ogie Diaz ang kaibigang n’yang si Kris Aquino maging si Regine Velasquez-Alcasid mula sa mga mapanlait na online bashers.
Sa kanyang vlog entry last June 9 sa Ogie Diaz Showbiz Update ay napag-usapan nila ng kanyang ka-tandem na si Mama Loi ang pagsagot ni Kris Aquino sa isang basher sa Instagram kamakailan.
Diretsahan kasing sinabi ng basher sa comment section na, “Pangit pala c Miss Kris pag wlang make up. Sorry just Saying.”
Sagot naman ni Kris sa nasabing basher, “[B]eauty is in the eye of the beholder… [I] could so easily say a very bitchy comment about your looks right now pero bakit pa? Hindi naman ikagaganda ng buhay ko and hindi rin makakatulong sa lipunan… [S]iguro you need to find your happiness? And thank God diba, ako gumaganda pag may make up.”

Nasali din sa kanilang usapan ang video na ipinost ng ng singer and songwriter na si Ogie Alcasid few days ago kung saan pinakitang ginigising n’ya ang misis na si Regine Velasquez. S’yempre, no make up at all ang Asia’s Songbird na fresh from the bed.
Marami ang nag-screenshot sa mukha ni Regine. Kumalat ‘yon online at umani ng samu’t saring komento.

Dito na napa-reak si Ogie Diaz at nakiusap sa publiko na huwag naman daw sanang below the belt kung makapagkomento sa mukha ng mga artista.
“Lahat po ng artista kaya nating sabihan nang ganu’n pero sana ‘wag tayong lalampas sa guhit,” panimula n’ya. “Siguro hangga’t maaari hanggang doon lang. P’wede kayo magtaka. Pero ‘yong magsabi kayo ng, ‘Ang pangit pala ni Kris Aquino, no, kapag walang make up’?”
Pagpapatuloy n’ya, “Bago ho tayo magsabi ng ganu’n sa ating kapwa, lalo na sa mga artista na minsan hinahangaan n’yo rin naman, na minsan tinitingala n’yo at pinapalakpakan… ‘Wag naman tayong lalampas sa guhit at sasabihing ang chaka nila, ano?”
Payo pa ni Ogie sa mga bashers, “Tingin-tingin din kayo sa salamin.”
Mali rin daw ang kaisipang dapat kapag artista ay dapat maganda at ang karaniwang tao ay ayos lang na maging pangit.
“Kung hindi rin kayo kagandahan e [hindi ‘yon rason] para magsabi kayo na, ‘Hindi maganda itong artistang ito,’ lahad pa ng talent manager ni Liza Soberano. “Kung ang irarason n’yo na, ‘Okey lang na hindi ako maganda hindi naman ako artista, e. Dapat pag artista ka maganda ka.’ E, saan na po lulugar ang artista?”
Sunod-sunod na tanong pa n’ya, “Ito sila, pinapakita nila ang tunay na sila. Hindi n’yo ba na-appreciate ‘yon? ‘Yong kanilang honesty? ‘Yong kanilang pagiging raw, pagiging authentic, truthful, pagiging transparent nila sa hitsura nila?
“Ganu’n ho talaga ang mga artista. Pag wala silang make up makikita n’yo ang pagkakaiba nang naka-make up sila sa hindi.”
Sey pa ni Ogie, katulad din daw ng mga karaniwang tao ang mga artista na merong flaws pagdating sa kanilang mga hitsura.
“‘Wag po tayo dapat masanay [sa kaisipan] na kapag artista dapat maganda. ‘Wag tayong masanay na ‘pag artista ka dapat flawless ka, dapat wala kang tsismis sa mukha, sa katawan.’ Ay, D’yos ko. Alien po ang gusto n’yo,” pagbibiro n’ya.
“Itrato natin silang tao katulad din natin. Porke hindi kayo nag-aartista ang lakas ng loob n’yo na magsabi na pangit ang isang artista? Medyo tingin po tayo sa salamin.
“Bakit? Lahat ba ng artista maganda?” muling kastigo n’ya sa mga netizens na nangungutya. “Nagkataon lang na sobrang taas ng expectation n’yo kaya kasalanan n’yo ‘yan. Nag-expect kayo nang too much sa mga artista. Ngayon ibinibigay ng mga artista ang totoo nila, kung ano ang hitsura nila, lalaitin n’yo sila?
“Tumigil kayo ha. Tampal-tampalin ko kayo,” pabirong pagtatapos ni Ogie.
YOU MAY ALSO LIKE:
Ogie Diaz, nilinaw na walang "personal na galit" kay Cong. Alfred Vargas
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: https://www.facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: https://twitter.com/pikapikaph
Instagram: https://www.instagram.com/pikapikaph/
YouTube: https://www.youtube.com/pikapikashowbiz
and join our Viber Community: https://tinyurl.com/PikaViber