Hindi isinasara ng StarStruck 7 Female Ultimate Survivor na si Shayne Sava ang posibilidad na ma-in-love, magkaroon ng relasyon, at makapag-asawa siya ng isang Muslim.
Pero kung sa ngayon daw siya tatanungin kung tulad ng kuwento ng bagong teleserye ng GMA-7, ang Legal Wives, hindi raw siguro niya kaya ang ideya na hindi lang siya ang asawa ng lalaking pakakasalan.
“Personally, sa ngayon po hindi ko rin po kaya,” ang nakangiting tugon niya.
“Pero if ever man po na magkaroon po ako ng Muslim na asawa in the future, siguro po, s’yempre po, kapag mahal n’yo naman ang isang tao, matutunan n’yo naman pong tanggapin kung sino siya, kung ano siya, ang beliefs niya.
“Siguro po, kung meron man akong Muslim na boyfriend or mapapangasawa, magiging open po ako about it.”
Nagkatawanan naman sa online mediacon nang tuksuhin si Abdul Raman—na isang tunay na Muslim—na ang ganda raw ng ngiti nito sa naging sagot ni Shayne.
Na sinundan pa niya ng reaksyon na, “Noted Shayne, noted” habang natatawa lang ang huli.
Ang talagang ka-loveteam ni Shayne ay si Kim de Leon, ang counterpart niya na Male Winner sa StarStruck 7. Pero sa Legal Wives, kunsaan ay ginagampanan ni Shayne ang nakababatang kapatid ni Dennis Trillo bilang si Jamilah Makadatu, sa halip na si Kim ay si Abdul ang ipinareha sa kanya.
Muli itong biniro ni Abdul na ipinaglaban daw kasi siya ni Shayne at hindi pumayag na hindi siya ang makakasama.
“Hoy, wala akong sinasabi, grabe ka,” ang natatawa namang sagot ni Shayne sa bagong ka-loveteam.
“Actually po, siguro po kasi, nakitaan po kami noong StarStruck days po namin ni Abdul, nakitaan po kami ng chemistry na dalawa,” pagsalo naman ni Shayne sa tuksuhan.
“Kaya po no’ng malaman ko po ’yung Legal Wives, e, ‘di s’yempre po, kinabahan po ako. Kasi po, mga bigating artista po ang ano ko—pero s’yempre po, sobrang honored and sobrang natuwa ako.
“Tapos ‘yun po, nalaman ko po na siya po pala ang kasama ko or siya po ang magiging ka-loveteam ko. Parang kami po talaga ’yung pinag-team-up na dalawa.”
At dahil isang Muslim din talaga si Abdul sa totoong buhay, kaya masasabing ‘perfect’ ito sa character na ginampanan.
“Sabi nga po, perfect po si Abdul kasi Muslim po siyang talaga. Sobrang relate po sa character niya.”
Ang Legal Wives ay magsisimula nang mapanood sa GMA-7 simula ngayong Lunes, July 26 pagkatapos ng The World Between Us.
YOU MAY ALSO LIKE:
Maricar de Mesa, nag-feeling OFW at nagka-anxiety sa mahabang lock-in taping
Lalaking mamahalin ni Bianca Umali, kailangan daw approved sa Lola niya
Andrea Torres, na-appreciate na ngayon ang outcome ng pagpapa-sexy niya onscreen
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber