May pakiusap ang aktres na si Teresa Loyzaga sa mga netizens na patuloy ang pamba-bash at pang-iintriga kay AJ Raval na tigilan na umano nila ang showbiz newbie na kamakailan lang ay nakaladkad bilang third party umano sa romance ng anak niyang si Diego Loyzaga at nobya nitong si Barbie Imperial.
Ipinadaan n’ya ito sa programang Cristy Ferminute last December 3 kung saan napag-usapan ng hosts na sina Cristy Fermin at Romel Chika ang pagiging mapagkalingang ina ng aktres sa kanyang anak na si Diego.
Naging kontrobersyal kasi ang aktor at ang nobya nitong si Barbie nitong mga nakalipas na linggo dahil sa pang-iintriga ng kontrobersyal ding internet personality na si Xian Gaza. Sinabi kasi nito sa kanyang Facebook post na bumibisita daw kay AJ Raval sa Pampanga si Diego habang naghihintay sa Maynila si Barbie.
Pinagpiyestahan tuloy ng mga Marites at Mosang sa social media ang aktres, na hindi pa man nakakausad sa bintang na “third party” rin umano sa hiwalayang Aljur Abrenica at Kylie Padilla, ay heto’t sangkot na namang ito sa panibagong kontrobersya.
Pinili ni AJ na manahimik na lang tungkol sa isyu, na naging dahilan naman para makapagbitiw nang maaanghang na salita si Barbie laban dito sa naging viral virtual interview nito with TV host Boy Abunda. Doon ay hinamon pa ni Barbie si AJ na magsalita at klaruhin ang lahat.
At sa show naman ni Cristy, pinayuhan n’ya si AJ na gumawa ng effort para mabago n’ya ang tingin sa kanya publiko.
“Kailangan ni AJ linawin ito. Hindi maganda ito. Nagsisimula ka pa lang, ining. Baka hindi ka pa sumisikat saltod na agad ang propesyon mo,” ani Manay Cristy.
“Sayang…magandang bata. Pero kung ganyan naman ang papel mo sa buhay mo na lagi kang binabato sa pagiging ‘mistress,’ e, teka naman muna. Mag-isip ka na ng paraan para mapag-usapan ka sa positibong paraan,” dagdag pa n’ya.
And that same day, December 3, ay binasag na ni AJ ang kanyang pananahimik sa exclusive interview n’ya with pikapika.ph.
Dito ay pinabulaan n’ya ang mga isyung nagdidikit sa kanya kay Diego. Never daw na nanligaw sa kanya ang aktor. Hindi rin totoo ang tsismis na pumunta ito sa kanila sa Pampanga.
Wala rin daw s’yang contact sa magkasintahan at huli n’yang beses na nakita si Diego ay sa set ng pinagbidahan nilang pelikula na Death of a Girlfriend.
Back to Cristy Ferminute, nabanggit din doon ang isa pang rumour na lumutang about AJ na tungkol naman sa diumano ay pagkakaroon na nito ng anak na itinatago lamang nito sa Pampanga.
Dito na pumasok sa eksena si Teresa—na nauna na ring nag-reach out kay Cristy Fermin tungkol naman sa pagpukol ng TV host sa para sa kanya ay masamang tabas na dila ni Barbie. Nag-ugat naman ito sa pagtawag niya ng mistress kay AJ sa interview nito kay Boy Abunda.
In short, pinag-ayos ni Teresa sina Barbie at si Cristy at ikinuwento ni Cristy ang detalye ng kanilang naging phone conversation ni Teresa na kasalukuyang nasa Australia.
This time, nag-reach out muli ang nanay ni Diego Loyzaga sa beteranang showbiz writer/online show host at nagmagandang-loob na ipagtanggol ang sexy-dramatic actress ng Viva sa mga nang-iintriga dito.
Sa isang text message na ipinadala n’ya sa show na binasa ng mga hosts sa ere, sinabi n’yang: “Naranasan ko na sira-siraan noon. Ang paninira sa tao kahit minsan ay hindi naging solusyon. Nakilala ko si AJ. She seems a nice girl and kilala ko din ang dad n’ya.
“Sana tumigil na ang paninira. Life should be happy,” pagpapatuloy n’ya. “Lahat nagkakamali at nadadapa. Kahit may anak or wala, she is a woman. Ako po nanganak and naging single mom.”
Panawagan pa ni Teresa, “Let’s respect AJ, also. Sana si tsismosong frog ang layuan n’ya.”
Tila si Xian Gaza ang tinutukoy n’yang tsismosong frog na nagpasimula ng kaguluhang ito.
Pinuri naman ni Cristy ang naging gesture na ito ni Teresa.
“Saan ka nakakita? Anak na n’ya ang napupuruhan…s’yempre, lahat ng mahal ng anak n’ya mahal n’ya. Mahal n’ya si Barbie. E, ako nga nanay-nanayan lang, e. Kung sino ang mahal ni Diego, ng apo ko, mahal ko rin, ’di ba?
“Pero para sabihin n’yang ‘Let’s respect AJ. She is a woman. May anak or wala dapat respetuhin…’ swerte mo, AJ. Ipagtatanggol ka pa ng ina [ni Diego],” pagtatapos n’ya.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber