Paolo Contis, touched sa mga papuri ng mga kasamahan sa showbiz sa magaling na pagda-drama niya sa Through Night & Day

PHOTOS: @paolocontisofficial on Instagram

PHOTOS: @paolocontisofficial on Instagram

Hindi maikubli ni Kapuso actor Paolo Contis ang saya sa tagumpay na kinakamit ng dalawa niyang pelikula sa Netflix Philippines, ang Through Night & Day at Ang Pangarap Kong Holdap na kapwa ipinalabas sa mga sinehan noong 2018.

Kapwa nanguna sa pinaka-pinapanood ng mga Pinoy sa Netflix nitong nagdaang dalawang linggo ang mga nasabing pelikula lalo na ang Through Night &  Day na pinag-usapan pa ng mga Netizens sa Twitter

Leading man si Paolo ni award-winning actress Alessandra De Rossi sa heavy drama’ng Through Night and Day; habang sa Ang Pangarap Kong Holdap, nakipagtagisan naman siya ng komedi kina Pepe Herrera, Jerald Napoles, at Jelson Bay.

At dahil nga sa online success na tinatamasa ngayon ni Paolo kaya naman napag-desisyunan ng GMA-7 na gumawa ng special episode ng online show na Just In last July 17 (Friday). Si Paolo ang main host ng nasabing online show na normally ay ume-ere ever Wednesdays. Pero sa nasabing special episode, pansamantalang ibinigay ang hosting duties kay Vaness del Moral habang “guest” ang papel ni Paolo.

(Si Vaness ay produkto ng StarStruck Season 3 noong 2006).

Masayang-masaya ako na tinangkilik ng taumbayan ’yong Through Night & Day,” bungad na pahayag ng 36-year-old actor kay Vaness.  “Alam mo, feeling ko I made it. Isipin mo. Guest ako. Guest ako sa Just In. Show ko ’yon, e. Akalain mo ’yon. Guest ako sa sarili kong show?”

K’wento n’ya, hindi man daw naging kasing-init ang pagtanggap ng audience ngayon ang tinamo ng mga pelikula niya sa takilya two years ago, happy pa rin daw siya na na-discover ng publiko ang ganda ng mga pelikula niya dahil sa Netflix. 

Hindi man kami pinalad no’ng 2018 no’ng pinalabas namin sa sinehan, happy naman ako ngayon na people got to see movie. Parehong pelikula, s’yempre.

Sa Just In, muling binalikan ni Paolo ang mga karanasan habang ginagawa ang dalawang movies n’ya. 

Sa Ang Pangarap Kong Holdap, isa raw sa hindi n’ya makakalimutang sandali ay noong nakatulog sa set ang co-actor n’yang si Pepe Herrera habang nagba-blocking ang kanilang direktor na si Marius Talampas. 

Dito diumano umiral ang kakulitan ng kanyang co-stars at natatadtad ng picture ang natutulog na si Pepe. 

’Yan ang mahirap kapag natutulog ka sa set tapos mga luko-luko ang mga kasama mo, e,”  k’wento ni Paolo. “Buti hindi umabot sa pagdo-drawing [sa mukha], e.”

Mahirap kasama sa taping si Paolo, guys,” hirit panla-laglag ni Vaness kay Paolo.

Ay hindi,” pagsalungat ng aktor. “Mas iba itong sina Je [Jerald Napoles], sina Pepe, sina Jelson. Kung sa tingin mo luko-luko ako sa set, iba ’tong mga ’to. It was a good experience na makasama ko sila. Kasi iba sila. Iba ’yong energy. Iba ’yong pagpapatawa.

Ang shooting naman ng Through Night &  Day na kinunan sa Iceland ang sumunod na ibinida ni Paolo. Aniya, naging challenge daw sa kanilang small production team ang pagbago-bago ng timpla ng panahon doon. 

Dagdag pa n’ya, hindi lamang daw panahon ang pabago-bago kundi maging ang kapaligiran doon. May lugar daw na natatakpan ng snow tapos habang umaandar ang sasakyan magkakaroon bigla ng open green fields.

Sa Iceland, kung feeling mo puro ice ‘yan, in a few meters all green na yan,” describe ng aktor. “Biglang mag-iiba ’yong lugar. Kaya minsan mahirap mag-shoot na sira ’yong continuation mo, e. Bigla yan. Bigla na lang magiging green. Tapos bigla na lang uulan. Bigla na lang aaraw. Pero kahit ma-araw negative eight [ang temperature]. Para sa Pinoy production, medyo mahirap s’ya talaga.”

Naibahagi rin ng aktor ang pagka-touch niya matapos umani ng magagandang feedback sa pagganap n’ya sa karakter n'yang si Ben sa Through Night & Day, hindi lang mula sa publiko kundi lalo na maging sa kanyang mga boss umano sa GMA Network at mula sa mga kaibigang artista. Isang dramatic actor na Paolo kasi ang makikita sa pelikula na taliwas sa mga kadalasang roles na nabibigay sa kanya. 

“Actually, maraming colleagues natin ang naging open about it, na napanood nila. Not just from our station [GMA-7]. Marami. Nagulat nga ako may mga nagko-comment.

Nag-post pa si Tito Joey de Leon, Ms. Ai-Ai [delas Alas]... Natutuwa ako, s’yempre. Alam mo naman dito sa industriya natin, hindi tayo ma-complement sa trabaho ng colleagues natin. For me to see that, nakakatuwa naman. Masaya naman ako na naging proud kayo sa akin.”

Delayed man daw ng two years ang success ng mga pelikula niya, malaking bagay pa rin daw iyon na ipinagpapasalamat niya.

“Happy ako na nakita ito ng mga Kapuso natin,” dagdag niya. “Kahit ’yong mga kasama natin. Ang masakit lang talaga d’yan is hindi nila pinanood noong 2018.

Pero masaya ako doon. S'yempre kapag gumagawa ka ng pelikula ang gusto lang naman ‘di ba is mapanood s'ya kasi inaayos mo. And thankful ako sa Netflix na nandyan s'ya. Nabigyan ng ’ika nga, e, second chance ’yong movie.”

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Pika's Pick: LJ Reyes, masayang-masaya sa online success ng Through Night & Day film ni Paolo Contis; finally raw ay alam na ng mga tao kung gaano ka-galing na aktor ang partner niya

Pika's Pick: Paolo Contis and LJ Reyes celebrate Baby Summer’s first birthday

Paolo Contis gives partner LJ Reyes his 100 percent support: “Ako na bahala mag-assistant sayo…”

Paolo Contis, comedy film ni LJ Reyes ang gustong maging directorial debut project

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.