Para kay Jomari Yllana, si Abby Viduya na ang huling babae sa buhay niya; “Okey na ’ko rito, nakatuluyan ko ’yung leading lady ng Gwapings.”

Photos: @jomariyllana

Photos: @jomariyllana

Panahon ng Gwapings pa noong 90s nang magkaroon ng relasyon sina Jomari Yllana at Abby Viduya, na nakilala rin later on sa sexy-star screen name niyang Priscilla Almeda.

Pero bumilang man ng maraming taon, nagkaroon man sila ng kani-kanilang buhay, heto’t tila itinadhanang magbalikan sila.

And this time, kampante na umano si Jomari na si Abby na ang huling babae sa buhay niya.

“Kami ni Abby, kami ’yung first girlfriend, first boyfriend,” pagto-throwback ng aktor. “Kaya lang short lived ’yun, short lived ’yung relasyon namin.”

“Pero, marami rin nangyari sa amin,” patuloy niya. “Ako, I made it a bit do’n sa mga serious na pelikula. Siya naman, she made it big also sa mga serious na pelikula niya... we we’re like on the top of our game, ’yung career namin no’ng panahon na ’yun. And then, marami ang nangyari sa buhay namin. Parang kami, kung saan kami nagtapos noong kabataan namin, doon din namin pinulot noong nagkabalikan kami.”

Aniya, maganda raw ang timing ng muli nilang pagkikita dahil kapwa na sila nag-mature dahil sa dami ng pinag-daanan.

“Mas mature na tao, mas mature na relasyon and pareho naming hindi nakakalimutan ang lahat ng pinagdaanan namin in the past. And masarap ’yung kuwentuhan na pinagkukuwentuhan namin ang panahon na hindi kami...na makulay ang buhay niya at makulay rin ang buhay ko.”

“Siguro, may mga kasabihan na kayo lang ang makakasabi kung sino talaga ang katapat n’yo,” dagdag niya na may kahalong pagmumuni.

“Okey na ’ko rito, nakatuluyan ko ’yung leading lady ng Gwapings,” natatawang dagdag biro niya.

However, ni sa hinagap daw ay hindi niya naisip na posibleng maging sila ulit. Sa dami raw ng mga nangyari, hindi niya inakalang sila rin pala sa huli.

Aniya, social media rin daw ang naging daan sa muli nilang pagbabalikan.

“Nag-connect kami sa social media noong 2015,” pagre-recall ni Jom. “At that time, we we’re good friends. Nagkukuwentuhan kami. We both decided na mag-visit siya sa Philippines.

“Naging open ang communication naming dalawa, nasa Canada siya and then, two years ago, nag-decide kami na, ‘Umuwi ka. Para makita mo naman ang Pilipinas.’ And we both agreed na to give it a try, to give it a shot.”

By “it,” he meant their nausyaming young-love-sweet- love relationship noong kabataan nila.

Si Jomari ay nagsimulang pumasok sa pulitika noong 2016 at kasalukuyan siyang second-termer konsehal ng Parañaque. Masasabing successful naman ang pagpapalit niya ng career. Tapos ay may masayang love life pa siya ngayon. Tila hindi tuloy tugma sa kanya ang paniwalang mahirap pagsabayin ang career at love life.

“Ang career at love life, kapag nagtugma at binigay sa’yo, napakasuwerte mo na,” sabi naman niya.

 “Ako, e, napaka-suwerte ko dahil meron akong makulay na love life, meron pa ’kong makulay na profession. Dagdag mo na ’yung pandemya...may pandemic pa, pero okay naman kami. Kaya salamat sa Diyos.”

Isa nga daw sa ipinagpapasalamat niya is the fact na may Abby na siya sa buhay nang dumating ang pandemic dahil may kasama siya sa buhay na humaharap sa mga challenges ng pandemya.

“Sa gitna ng pandemic, the more you appreciate each other no matter what. I have my own imperfection, si Abby gano’n din. But everything seems perfect kapag magkasama kami.

“Kasi, ano ’to, e, panahon ng pandemic, masyadong mabigat sa ating lahat. So, I look at the imperfection of my partner and I came to a solution na ’yung imperfection ko and imperfection niya became perfect kapag magkasama kami.”

Samantala, si Jomari ay kasalukuyang nasa ikalawang termino niya bilang councilor ng 1st District ng Parañaque City. At muli siyang tumatakbo para sa ikatlong termino niya.

Kung matatandaan, sa unang termino niya, he was voted the minority floor leader ng council. Siya rin ang kauna-unahang independent candidate na nanalo sa Paranaque City.

But looking back, gaya ng pag dating muli ni Abby sa buhay niya, hindi rin daw niya naisip noon na papasukin niya pala balang-araw ang public service o pulitika.

“Never, never in my wildest dream,” natawang sabi niya. “’Yung gigising ako isang umaga at kailangan kong mag-contribute ng solusyon sa lahat ng problema ng ating bansa, ating lungsod?

“Although, lahat naman ‘yan, natutunan, napag-aaralan. Kailangan lang talaga, ibigay ’yung kaya mo. You have to give everything.

“It’s like giving back. It’s like learning everything from life and then giving back sa Pilipinas, sa bansa mo, sa lungsod mo.”

Pero, bakit hindi niya piniling tumakbo sa mas mataas na posisyon na ngayon kung ganoon?

“Ako, ang iniisip ko riyan, the higher the position, the bigger the responsibility. Hindi ako e, hindi ako nangangarap ng mas mataas na posisyon, hindi ko siya iniisip,” pag-amin niya.

“Although, kailangan ko siyang pag-aralan. Kailangan ko siyang pagdaaanan. Kasi, if you look at the government, lahat naman tayo rito, sundalo, ’di ba? Para tayong mga sundalo rito na nagbibigay ng serbisyo.

“’Yung posisyon ng nakakataas sa’yo, kailangan mo ring pag-aralan and you have to follow protocol. Pero hindi ako ’yung tipo na nangangarap ng mas mataas na posisyon. Kasi, mas maraming problema do’n, mas masakit sa ulo.

“Pero in reality, if you look at it, sa totoo lang, tao naman ang magsasabi kung gusto ka nila, kung kailangan ka nila. Pag dating sa ganyang bagay, kung ano ang gusto ng tao sa akin, sunod-sunuran lang ako.

“Ano naman tayo dito, dakilang servant. Tayo ay utusan lang.”

Pag dating naman sa mga ini-idolong public servants, hindi na kami nagulat sa pagbanggit niya kay Richard Gomez, na gaya niya ay alaga rin ng namayapang talent manager na si Douglas Quijano. Hindi pa man daw sumasabak sa pulitika si Goma ay nilu-look up na niya. Damay na rin umano ang kongresistang misis nito na si Lucy Torres-Gomez.

“Marami na rin tayong actor-politician na nanggaling sa industriya ng pelikula,” lahad niya. “Nandiyan sina Goma, si Ma’am Lucy...napakahusay at action man talaga. Si Mayor Goms, napakasipag. Si Ma’am Lucy, ang legislative agenda niya ay very, very impressive.

“Nakikita ko sa kanila na napakalayo ng nararating nila dahil sa kanilang kasipagan. Ang pulitika, it involves a lot of sacrifices. Kasi ano ’yan, e, isa rin sa mabigat na pinagdaanan ko before I decided to run noong 2016 is how can I share my time? Paano ko isi-share ang oras ko? Ang pinakamahirap sa akin is to let go because oras ko ’yun. Oras ko ’yun, akin ’yon.

“All thoughout ng showbiz [career] ko, ’yung time na nag-aaral pa ‘ko, ang oras ko, akin ’yun. Hawak ko. It was the hardest for me to let go and when you let go of that time, ’yung oras mo para sa sarili mo, binibigay mo na ’yun sa tao.”

“Marami akong naa-appreciate na pulitiko,” dugtong ni Jom. “Like sina Kuya Goma, si Ma’am Lucy, ’yung oras nila binibigay nila sa tao and that is the ultimate sacrifice.”

Sa loob ng anim na taon na Konsehal si Jomari sa Parañaque, mas pinili na nga niyang dito mag-focus at isangtabi ang showbiz.

Pero ayon din sa kanya, hindi naman daw niya iniwan permanently ang showbiz.

“Sa totoo lang, ang showbiz will always have a special place in my heart. Marami akong narating na mga pangarap, marami akong narating sa buhay dahil sa show business. 

“Never, never ko siyang iiwan or never ko siyang tatalikukan. Meron tayong never-ending support pag dating sa industriya ng show business. Nagkataon lang na nandito tayo sa serbisyo publiko.

“Ako ay hindi nakikita sa panahon ngayon sa harap ng camera or uma-acting. Pero ano ’yan, nami-miss ko ’yan. Nami-miss ko ang showbiz, nami-miss ko ang pelikula. Pero nandoon ako ngayon sa situwasyon na ako naman ang nanonood ng Netflix, nanonood ng mga apps, nanonood ng HBO, nanonood ng VIVA. Kumbaga, ano ’ko ngayon, ako ang behind-the-scene na sumusuporta at tumatangkilik.”

 

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.