Pinatakam at pinakilig ng tambalang RitKen nina Rita Daniela at Ken Chan ang kanilang mga fans dahil matapos ang ilang buwan ay nakapag-reunite na ang dalawa.
Sa latest vlog entry ni Ken na ini-upload kahapon, August 12, ay muling nagkasama ang Kapuso love team at nagsalo sa isang seafood mukbang.
(Ang mukbang ay pa-usong online show ng mga South Koreans kung saan kumakain ang mga actors or vloggers habang naka-video.)
“Alam kong karamihan sa inyo matagal nang gustong mangyari ‘to,” panimula ni Ken sa kanyang vlog. “At ako din matagal kong hinintay ’to. Sa wakas nangyari na din. May ka-collab ako ngayon...”
Napa-wow na lang ang aktres na si Rita, who also turned into a vlogger gaya n’ya, na noon ay nakap'westo na sa kanyang tabi.
“Ladies and gentlemen,” pagpapatuloy ni Ken. “Please welcome, ang unan ng buhay ko... Rita Daniela.”
“Grabe ’yong unan ha,” pagre-react naman ni Rita.
“Ganern!” excited na pagsigaw kay Ken na may kasamang pagtulak na siyang dahilan upang muntikang malaglag ang binata sa kanyang kinauupuan.
Umpisa pa lang, pasabog sa pagpapakilig ang dalawa na huling napanood ng kanilang fans sa Kapuso primetime series na “One of the Baes.” Kaya naman ramdam talaga na na-miss nila ang isa't isa.
“Matagal ko nang gustong gawin ’to sa'yo kasi tayong dalawa mahilig tayong kumain e,” paliwanag pa ni Ken. “Sobrang hilig po talaga namin ni Rita kumain...’Yon ang talagang hobby namin.”
Pagbibiro naman ni Rita, ang pagkahilig umano nila sa “lafang” ang dahilan kung bakit sila na nagsisitabaan.
"Hindi ’yon alam ng mga tao kaya rin malaking factor na medyo lumaki... ’di, joke lang,” sey ni Rita.
“Hindi naman ikaw lumaki. Ano ka...tama lang,” bawi naman 27-year-old Filipino-Chinese actor.
“Ito kasi...nanggigigil ako dito [kay Ken],” pahayag naman ng dalaga. “Hilig n’ya akong pakainin talaga. Kasi sabi n’ya parang ang sarap daw akong panoorin kung kumakain.”
“Totoo ’yon,” pagsang-ayon naman ni Ken kay Rita. “Parang ang sarap talaga n’yang kumain.”
“Parang ang pangit [pakinggan]...” biglang komento ni Rita sa sinabi ng binata.
Tila nagka-double meaning ang sinabi ni Ken kaya naman napatigil ang dalawa at naghagikgikan.
“Hindi po,” pagtutuwid naman ni Ken sa viewers. “Hindi po ’yon ang ibig kong sabihin. Masarap s’yang ano...”
Hanggang si Rita na ang sumalo at sinabing: “Kumain ng pagkain.”
“Eto kasi...” may paninisi pang sey ni Ken kay Rita. “Ikaw ang nag-aano n’yan. e...Masarap s'yang titigan habang kumakain ng pagkain. ’Yon!”
At sinimulan na nga ang kanilang seafood mukbang with a twist —kailangan nilang maubos ang nakahaing seafoods composed of crabs, shrimps, and scallops (with corn and rice on the side) within 15 minutes. Otherwise, they have to post their wackiest and dirtiest photos on social media.
Habang kumakain, nai-k’wento ni Rita na ang pagkahilig nila sa seafoods at paggiging competitive ang common traits nilang magka-loveteam.
“Si Ken, grabe s’ya. OA s'ya sa crabs,” pambibisto ng 24-year-old actress sa ka-love team. “As in, ngayon lang ako nakakita ng taong napakabilis maghimay ng crabs. Tapos hindi n’ya kailangan ng kahit anong utensils.”
Sa kalagitnaan ng kanilang mukbang challenge, muling nagtanong si Ken.
“Ano ba ’yong pinaka-favorite mong pagkain?” tanong n'ya sa dalaga.
“Hindi ko alam. Lahat,” sagot naman ng actress-singer. “Ang sarap kumain e, di ba? Pero lagi kong sinasabi noon, hindi ko makalimutang sinabi ko sa nanay ko noon, kahit ulam ko tuyo [dried fish] araw-araw, hindi ako magrereklamo.”
“Talaga? Favorite mo ang tuyo? Hindi ko alam ’yon ah,” tila naa-amaze na sabi ni Ken.
Maya-maya ay nag-pulupot pa ng kamay ang dalawa bago sumubo na karaniwang ginagawa ng bagong kasal sa reception.
“Ako, ang pinakana-miss ko sa'yo kapag nasasapian ka na,” pa-sweet na pang-a-alaska ni Ken. ’Yong tipong nasasaniban ka ng kung ano-anong elemento...”
“Sira-ulo ’to,” banat ni Rita.
To prove his point, ginaya ni Ken kung paano mang-gigil si Rita with matching panlalaki ng mata.
“Uy, hindi,” kontra ni Rita.
“Ganun!,” diin pa rin ni Ken.
“Kelan?” balik na tanong ng aktres.
“Bigla na lang s’yang nanggi-gigil,” panlalaglag pa ni Ken kay Rita sa mga viewers.
“Kelan?” muling tanong ng dalaga.
“Lagi! Pero ’yon ang pinakana-miss ko sa’yo...”
“Talaga ba? Nakakatakot naman ’yon,” protesta pa rin ni Rita habang sinisimot ang mga pagkain sa kamay."
“Gawin mo nga ulit,” pang-uuto ni Ken kay Rita. “One, two, three, go!”
“Hindi kita gina-gano’n. Hindi ko alam ’yang sinasabi mo,” mariing pangangatwiran pa ni Rita.
Matagal silang nagkulitan sa bagay na ’yon. Hanggang sa inakbayan na ni Ken ang dalaga para sabihing: “Hala... na-miss kita kapag tinititigan kita.”
Makalipas ang 15 minutes, hindi naubos ng dalawa ang mga pagkain sa harap nila. In short, talo sila. Pero ang mahalaga raw ay nagkasama sila that day.
Pero in fairness sa dalawa, ilang pirasong hipon, sipit ng alimango, at mais lang ang kanilang naging tira.
“Wala ka bang panghimagas d'yan?” hirit ni Rita kahit halatang busog na busog na.
“Kaya mo pa?” natatawang tugon ni Ken. “May cake d’yan.”
“S'yempre kailangan ’yon pantanggal-umay,” depensa naman ni Rita.
In the end, nagpasalamat si Rita sa pa-imbitang mukbang ni Ken. Nag-enjoy daw siya nang husto na muling makasalo sa pagkain ang ka-loveteam-turned-BFF niya—na muntik na palang ma-cancel.
“Sobrang looking forward ako sa araw na ’to dahil...pangalawa [na reason] na ’yong kakain kami ng ganito. Hindi naman normal sa isang araw na nakakakain ka ng ganito kasasarap na putahe...Pero s’yempre bilang kilala ko ang sarili ko, na competitive kami parehas, at na-miss namin ang isa't isa, kahit kalokohan lang, so sobrang ni-look forward ko ’tong araw na ’to. Kaya muntikan na muntikan na naman po [na hindi matuloy]. Ken Chan strikes again... Nalungkot ako.”
“E, kasi ikaw e,” pagdadahilan naman ni Ken.
“Hindi ako,” pagko-correct naman sa kanya ni Rita. “Sabi ko tutuloy pa rin, 'di ba? Sabi mo, ‘Next time na lang.’ Ganyan- ganyan...”
“Nahiya kasi ako. Kasi, di ba, malayo pa 'yong...” muling pagdadahilan ng binata na hindi naman pumasa kay Rita.
“Naku...Naku...So nalungkot ako. Sabi ko, ‘Ay? Ano ba ’yan? ’Di na naman n'ya ako kikitain.’”
At sabay nilang napa-“WOW” bago muling nagtawanan.
PANOORIN ang nakakatakam at nakakakilig na seafood mukbang with a twist ng RitKen dito: