Nag-viral sa social media ang video ng religious leader na si Pastor Apollo Quiboloy kahapon, May 25, kung saan mahinahon n'yang binuweltahan ang komedyanteng si Vice Ganda.
Inisa-isa ng pastor ang mga naging hamon diumano sa kanya ni Vice noon at ang mga naging katuparan ng mga ‘yon makalipas ang ilang buwan.
Matatandaang sa November 4, 2019 episode ng It's Showtime, ang daily noontime show na pinanungunahan ni Vice, napasama sa banter o biro ng Kapamilya comedian-host ang founder and leader of Restorationist church na Kingdom of Jesus Christ.
"Alam mo sino lang ang pinakamatinding magiging kalaban ni Cardo?" birong tanong noon ni Vice sa co-host na si Jong Hilario na minsang ding naging bahagi ng FPJ's Ang Probinsyano na halos limang taon ding namayagpag sa telebisyon.
"Sino?" sagot naman ni Jong kay Vice.
"Naku, kabahan na si Cardo," paliwanag ni Vice sa show. "Ang pinaka-kalaban ni Cardo, feeling ko, si Quiboloy. 'Yong nagpahinto ng lindol. Si Quiboloy lang ang magpapahinto sa Probinsyano. Abangan n'yo 'yan."
(Si Cardo ay ang main character ng Ang Probinsyano played by Coco Martin.)
Nagsihagalpakan ng tawa ang mga taong nasa live audience ng It's Showtime sa studio sa sinabing ito ng 44-year-old comedian.
While on the show, hinamon din ni Vice ang pastor na ipahinto ang top-rated show na pinagbibidahan ni Coco Martin.
"Hinahamon kita Quiboloy," pagpapatuloy pa ng comedian-host. "Ipahinto mo nga ang Probinsyano. Napahinto mo pala ang lindol e. Apakayabang n'yo pala e. Sabi n'ya daw, 'Stop.' Sige nga punta ka nga gitna ng Edsa, i-stop mo 'yong trapik doon. Iba ka, Quiboloy. Ang galing."
Ang mga biro ni Vice ay nag-ugat naman sa pagke-claim noon ng pastor na siya umano ang nagpahinto ng lindol noong October 30, 2019.
Sa video ni Quiboloy na lumabas kahapon sa social media, muling binalikan ng pastor ang mga hamon noon ng It's Showtime host sa kanya.
"Alalahanin mo naghamon ka," panimulang tirada ni Quiboloy sa ABS-CBN star. "Hinamon mo ako, 'di ba? Ang saya-saya n'yo noon. Naghahalakhakan kayo. Meron pang isang kasamahan mo na lalaki pati ngala-ngala n'ya nakita ko sa kakatawa eh. Halos mabali yong leeg nya e."
Ang tinutukoy ng pastor ay ang singer na si Nyoy Volante na noon ay nagsisilbing hurado sa singing contest ng noontime show.
"'Yon ang sinabi ko sa inyo, ang kayabangan nakikita ng D'yos 'yan," Quiboloy continued. "'Pag binigyan kayo ng pabor sa buhay, h'wag kayong ganun. Ngayon nakita mo na na may D'yos sa langit? Tapos nakita mo na na Sya ang tumitimbang sa lahat ng tao dito sa lupa kung anong ginagawa nila?"
Tinawag din ng pastor na pang-aapi ng kapwa ang ginagawa ni Vice na diumano'y pang-aalipusta nito sa mga tao na style n'ya sa kanyang pagpapatawa.
"Siguro sa iba, naloloko mo, pinagtatawanan mo e wala namang kinalaman sa D'yos, nakakaligtas ka doon. Pero binibilang din ng D'yos 'yon [ginagawa mong pangungutya]. Pang-aapi 'yon.
"Pagkatapos isinama mo pa ako. Ngayon napatunayan mo na meron akong D'yos na nagpadala sa akin? Kasi 'yong lahat ng pinagsasasabi mo puro imposible e."
Matatandaang huminto sa pag-ere ang ilang Kapamilya shows since March due to the imposed community quarantine dahil sa coronavirus disease pandemic. At habang nasa gitna ng pandemya, last May 5, naglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission sa ABS-CBN dahil napaso na ang 25-year broadcasting franchise ng istasyon.
And dahil na rin nga sa community quarantine, sapilitang na-suspende ang byahe ng public transportation kaya naman maluwag ang Edsa sa panahon ngayon.
"Nag-prophecy ka, Vice," paliwanag pa ng religious leader. "Ngayon wala na 'yong programa mo, wala na 'yong network mo, malinis na ang Edsa, dapat masaya ka sapagkat natupad ang lahat ng hamon na ginawa mo.
"Ngayon ako ang nagsho-Showtime, 'di ba? Ako ang nagsho-Showtime. Pero tingnan mo sa kadimalasan na tinanggap mo hindi ako tumatawa."
Hiling pa n'ya sa komedyante, gamitin daw sana ni Vice ang kanyang kasikatan sa ikabubuti ng iba kung sakaling makabalik s'ya sa kanyang katayuan sa buhay.
"Sana ikaw, kung ibalik ka pa sa estado mo sa susunod, gamitin mo nga 'yong pabor na ibinigay sa'yo para sa kabutihan. Hindi para pagtawanan ang mga tao, laitin at gawing katatawanan."
In the course of his tirade against Vice, naungkat pa ni Quiboloy ang joke noon ni Vice Ganda sa Kapuso broadcast journalist na si Jessica Soho during his concert way back in 2013.
"Iyon lang na ginawa mo kay Jessica Soho," Apollo Quiboloy recalled. “Ikaw kung talagang meron kang konsensya hindi mo gagawin 'yon e. Sabi mo ipaga-gang rape si Jessica Soho. Pagkatapos, nung iga-gang rape na daw s'ya sasabihin daw nung leader, 'Oh ilabas na ang lechon.'
"Biro mo 'yon? Tao 'yan. Ginagalang 'yan sa kanilang broadcast. May mga awards 'yan tapos gaganunin mo?
"E ikaw sa pagkatao mo kung ako ang magtatawa sa iyo, tingnan mo ang ayos mo, Vice. Tingnan mo ang ayos mo. Ipamumukha ko lang sa'yo ang sarili mo. Hindi ako [normally] nagsasalita nang ganito."
Maging ang pananamit at ayos ni Vice ay pinuna rin ni Quiboloy at sinabing ito ang mas nakakatawa kung tutuusin.
"Nung ikaw nagsu-show kinukutya mo si Jessica Soho, nakita mo ba 'yong ayos mo doon?" tanong n'ya sa komedyante. "Nakita mo 'yong bukol ng harap mo? Hindi naman totoo 'yon kasi lalaki ka e. Tapos 'yong panty mo... para kang si Wonder Woman. Ikaw ang nakakatawa. 'Yong mukha mo ang nakakatawa. Pero pinagtawanan ba kita? Sinabi ko bang, 'Tingnan mo 'tong baklang 'to. Katawa-tawa ang kanyang...' Walang ganun. Pero ikaw dapat pagtawanan mo muna ang sarili mo pero hindi mo pinagtatawanan.”
Sey pa ng pastor: "Ngayon naniniwala ka na? Karma is real. Bumalik sa'yo, 'di ba? At ngayon umiiyak ka. Bakit hindi kayo humahalakhak?
"Nagkamali ka nang pinakialaman, Vice," tila banta pa ng religious leader. "Akala mo makapangyarihan na kayo noon. Ang ABS-CBN kasi 'pag narinig para bang D'yos na, 'Kailangan tumabi kayong lahat kasi nandito na kami.' Para ba kayong NPA [New People's Army] na kapag narinig, 'Tumabi kayong lahat. Takot kayo lahat sa amin. Tabi kayo.'"
Sa huli, muling nagbigay ng payo ang self-proclaimed "The Appointed Son of God" sa komedyante.
"Tuturuan kita. Ganun ang gawin mo. 'Pag binigyan kayo ng pabor ng Dyos, pabor na maging tanyag, pabor na maging mayaman, huwag kayong mangutya ng inyong kapwa-tao. Ginawa rin ng Dyos [ang mga] 'yan sa Kanyang mukha. Gamitin n'yo sa kabutihan."
Panoorin ang kabuuan ng banat ni Pastor Quiboloy kay Vice Ganda dito:
YOU MAY ALSO LIKE: