Simula bukas ng gabi, October 3, ay mapapanood bilang bida ng month-long episode ng GMA-7’s Daig Kayo ng Lola Ko (DKNLK) ang bagong Kapuso na si Pokwang.
Malapit sa puso ni Pokwang ang ginagampanan niyang karakter sa sikat na pambatang fantasy-series. Nanay din kasi ang role niya dito at ang pamagat ng kanyang 4-week DKNLK stint ay “It’s Not You It’s Me” na tungkol sa pamilyang dadanas ng maraming dagok sa buhay.
“Ang realization dito, at the end of the day, walang pinakamahalaga kung hindi ang pamilya,” ani Pokwang ukol sa palabas na nai-relate niya sa tunay na buhay.
“Ang dagok sa buhay, ang hindi pagkakaunawaan, dapat tayo lagi ay mananaig ang pagmamahal, ang puso.
“Dapat nilang panoorin ‘to dahil sabi ko, hindi lang tayo patatawanin, hindi lang tayo paiiyakin, may aral. Sobrang may aral, about family.”
Makakasama rin ni Pokwang sina Tonton Gutierrez at Paul Salas.
Sa usaping pamilya pa rin, positibo ang tugon ni Pokwang nang kamustahin ang pagsasama at relasyon nila ng partner na si Lee O’ Brien sa naging online mediacon niya para sa DKNLK.
Tatlong araw nga lang ang nakararaan ay nag-post si Pokwang sa kanyang Instagram account ng tungkol sa pagdiriwang nila ng birthday ng kanyang mister.
“Okey kami, okey kami,” nakangiti niyang sagot.
“Bising-bisi si Papang sa negosyo. Kahit nandito lang kami sa bahay, siya ang namamahala sa aming mga paninda. Siya ang busy na makipag-meeting.
“Akala nga niya wala kaming selebrasyon noong birthday kasi inetchos ko. Sabi ko, may taping ako, etchos-etchos. Sinurprise namin siya. Hindi niya alam na may mga pahanda pala, ganyan.
“Pero kami-kami lang din, wa bisita, ayaw,” natawang sabi niya.
(Pumatok during the pandemic ang Pokwang’s Chicken Inasal business ni Pokwang na bukod pa mas naunang niyang mga bottled food product—special suka, tuyo, tinapa, laing, atbp—na tinawag niyang PokLee’s Food Products.)
At mas nakita nga raw nila ang kahalagahan ng isa’t-isa sa bawat araw na nagdaraan. Marami rin daw silang natutunan ngayong may pandemya.
“Kailangan nating mas maging matibay tayo. Kung ano man ang pinagdaanan natin ngayon, kailangan mas maging maunawain tayo. Kailangan mas matimpiin tayo dahil at the end of the day, wala kang ibang kakapitan ngayon kung hindi ang pamilya mo.”
Pamilya na rin lang ang topic, nakumusta di ng press kung nakakasingit pa ba silang mag-“Us moment” ni Lee despite their kabisihan sa negosyo at siya naman ay hataw muli ang showbiz career?
“Active pa kami, awa ng Diyos, o, ’di ba?” kaswal na bitiw ng komedyana. “Pero ano na lang kami, loving-loving. Masa-masahe, charot-charot, Hahaha! Basta ang importante, nandiyan kami sa isa’t-isa to support each other.”
’Yon nga lang ay mukang malabo na raw sigurong maging “ate” ang bunso nilang si Malia.
“Gusto man naming umisa pa, wa!” natatawang hirit niya. “Gusto man naming makahabol pa ng isa...‘Hello, Pokwang, Haller, ang edad! Hahaha! Wala na po! Tuyot na po. Choz! Hindi na p’wede. Wala na pong laman ang balon.”
Sa isang banda, halos dalawang buwan na lamang ay Pasko na. Kung noong isang taon ay marami ang umasa na posibleng mas maayos na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ngayong taon, base sa mga nangyayari, ay tila malabo pa rin.
Pero hindi daw hadlang iyon para ipagdiwang pa rin ni Pokwang at ng pamilya niya ang Paskong darating.
“Palagi nating tatandaan na ang simbolo ng Pasko ay pasasalamat,” lahad ni Pokwang. “’Yan ang kapanganakan ng tumubos sa ating mga kasalanan, ‘di ba?
“Lagi nating ilagay sa puso at isip natin kung ano ba talaga ang diwa ng Pasko. Palagi tayong magpapasalamat,. ’Yun ang importante. Magpasalamat tayo na tayo ay nandito.
“Humingi tayo ng gabay palagi and be grateful. At siyempre, ‘wag nating kakalimutan na kahit papaano, mag-share tayo ng blessing. Kasi, marami rin talaga tayong mga kababayan na nawalan ng trabaho at hanggang ngayon, talagang struggle sila.
“In fact, alam mo nakakatanggap ako ng mga text. Mga direct message, humihingi ng tulong. Kung tayo po ay nakakaluwag-luwag naman talaga, naka-survive tayo, kahit sa konting paraan, iparamdam natin sa maliliit nating kababayan.
“Mag-share tayo ng blessing and ’yun nga, ‘wag tayong makalimot na magpasalamat.”
At paalala rin niya ngayong darating na Kapaskuhan: “Siyempre dahil nasa pandemic pa tayo, iwas muna tayo sa mga party-party. Gustuhin man natin, ‘wag muna please, para sa mga mahal natin.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber