Raffy Tulfo, nagpa-alam na sa Singko? Ta-tandem nga ba bilang bise ni Manny Pacquiao?

“May nagsabi sa akin na nagpaalam na raw si Kuya Raffy sa mga bossing ng ating istasyon na hanggang katapusan na lang siya sa kanyang mga programa.”—Cristy Fermin

Photos: @mannypacquiao / @raffytulfoinaction / @akosilolitsolis

“May nagsabi sa akin na nagpaalam na raw si Kuya Raffy sa mga bossing ng ating istasyon na hanggang katapusan na lang siya sa kanyang mga programa.”—Cristy Fermin

Nagkatotoo na ang umiikot na haka-hakang kakandidatong Presidente si Senator Manny Pacquiao. Kinumpirma ito ng senador ngayong hapon, September 19, sa live telecast ng PDP Laban National Assembly.

Pero bago ito nangyari ngayong araw ay nabanggit na ito ni Cristy Fermin noong Biyernes, Setyembre 17, sa radio program nitong Cristy Ferminute sa Radyo Singko 92.3 News FM kasama si Rommel Chika.

Sa pag-uusap sa ere nina Cristy Fermin at ng co-host niyang si Rommel, nagawi din ang usapan nila kay Raffy Tulfo na kilalang malapit sa beterang manunulat at ngayon ay radio/online host. Matagal na din kasing usap-usapan na tatakbo umano itong senador.

Saad ni Cristy sa kanyang radio program: “Kami po ni Rommel ay magkukuwentuhan tungkol kay Kuya Raffy Tulfo ng wala kaming sinisiguradong anumang impormasyon. Ang ikukuwento lang po namin ay kung ano ang nakararating na impormasyon sa amin na nanggagaling din po sa loob ng pulitika.

“Alam mo ’yung pagkandidato ni Kuya Raffy Tulfo bilang senador kahit mag-independent pa siya, lusot yan.  Unang-una kahit naman noong nakararaan pang taon ni wala sa kanyang panaginip ng pagtakbo ng kahit anong posisyon, patuloy na siyang tumutulong sa ating mga kababayang naapi. 

“At isa pa si Kuya Raffy ang tinaguriang Pambasang Sumbungan ng Bayan ngayon, ano nga ang biruan ng mga tambay, ‘Ay, wala-walang korte, Tulfo lang yan!’  

Sa pagpapatuloy ng teleradyo host, “Ganu’n kalakas ang dating ni Kuya RaffyTulfo, ng mga programa niyang Wanted sa Radyo at Raffy Tulfo in Action dito sa TV5.

“Kahit po siguradong-sigurado na siya sa pagtakbo ay parang ayaw pa rin niyang magpahayag, wala tayong naririnig na anuman. Sa kanyang followers na 20 million plus, mula doon sa dalawampung milyon pupuwede tayong humamig doon ng mahigit sampung milyon na puwedeng bumoto sa kanya dahil ’yung mga OFW, ’yung pamilya nandito, di ba?

“So, kung usapin ng pagtakbo ni Kuya Raffy bilang senador ay malaki na...positibo na ang naririnig natin sa buong bayan, wala ng kuwestiyon. Parang ganu’n. Pero hindi siya napapasama sa mga tatakbong senador ng PDP Laban. Di ba malapit sila sa pamilya Duterte? Best friend ni PRRD si Kuya Ramon Tulfo, so ibig sabihin nandoon sila sa panig na ’yun.”

At dito na binanggit ng beteranang manunulat at radio host na hindi senador ang puntirya ng Sumbungan ng Bayan kundi Bise Presidente.

“Nagkakausap kami ni Kuya Raffy Tulfo pero wala siyang sinasabi sa akin na ’yun na nga (VP). 

Ito na ang umiikot ngayon...Ang tahimik at maingay na pinag-uusapan po ngayon sa mundo ng pulitika ay kakandidatong vice president ang inyong Idol Raffy Tulfo!” saad ni Cristy.

Dagdag impormasyon pa ni Cristy, ayon sa nakalap niya ay kay Manny Pacquiao umano magbi-bise ang Wanted sa Radyo host.

“Hindi ko po alam kung kayo ay matutuwa o masa-shock.  Ang mainit po na pinag-uusapan, ang magiging running mate po ni Kuya Raffy Tulfo ay si Senador Manny Pacquiao! Tambalang Manny Pacquiao at Raffy Tulfo! Nakakaloka!”

Say naman ni Rommel: “Ang lakas naman kasi Man of the Hour ngayon si Senator Manny Pacquiao, pinag-uusapan kahit na may mga nega.  Ito naman si Sir Raffy napaka-good.  Alam mo ’yung negative and positive? Ang ganda-ganda.”

“Kumbaga balanse?” tanong ni Cristy sa co-host niya sa radyo.

Pero tila hindi boto ang “nanay-nanayan” ni Raffy na si Cristy na maging running mate nito ang Pambansang Kamao

“Ito lang ang masasabi ko, unsolicited advice kung ako ang tatanungin, kung tatakbong VP si Kuya Raffy Tulfo hindi si Senador Manny Pacquiao ang iniisip kong kanyang katambal.

“Kasi sa panahon ngayon alam naman po natin ang takbo ng mga pangyayari kay Senador Manny Pacquiao, negatibo po siya at ang kanyang asawa parang ganu’n,” diretsahang sabi ni ‘nay Cristy.

“E, kung isasama natin kay Kuya Raffy Tulfo ’yung imahe ni Pambansang Kamao, aba’y napakabigat na krus itong kanyang babalikatin para mabura at maiangat ang pangalan ni Senator Manny sa labanan. ’Yun ang aking opinyon.”

Nakuwento pa ni Cristy na marami rin siyang nakausap ng kababayang tagapakinig sa programa nila sa Radyo Singko 92.3 News FM na tumututol din umanong tumambal si Raffy kay Manny.

“‘Pakisabi po kay Idol Raffy, mag-independent na lang siya.  Kumandidato na lang siyang senador kung ayaw niya sa PDP,’” banggit ni Cristy sa isang commenter.

Ayon pa kay Cristy, matunog ang pangalan ngayon ni Mr. Raffy Tulfo dahil marami siyang natutulungang kababayan na naaapi at walang panlaban sa legalidad, maraming natutulungang kababayan na nagdarahop sa panahon ng pandemya at marami ang nakakasaksi na nababago ang buhay ng mga kababayang nagsusumbong sa programa nito.

Bagama’t walang binanggit si Raffy na kakandidato siya sa eleksyon 2022 ay parang totoo na nga dahil ayon pa rin sa nakalapap na impormasyon ni Cristy, na taga-TV5 din, ay nagpaalam na umano sa mga bosses sa TV5 si Raffy at hanggang katapusan na lang umano ng Setyembre 2021 ito mananatili doon.

“May nagsabi sa akin na nagpaalam na raw si Kuya Raffy sa mga bossing ng ating istasyon na hanggang katapusan na lang siya sa kanyang mga programa. 

“S’yempre ang daming nalulungkot, ang daming nagtatawagan sa akin.  Ang initindi nila, ‘paano na kami ngayon?  Saan na kami lalapit kapag may nang-aapi sa amin?  Sino na pagsusumbungan namin?  Sa kanya lang naman kami umaasa at siya lang ang nagbibigay ng pag-asa sa amin na kahit mahihirap ay meron laban sa mayaman kapag parehas na kapangyarihan o legalidad ang pinag-uusapan.’”

“Ang dami-daming nagtatanong sa amin, e,” patuloy ni Cristy. “Hindi ko ’yan masasagot mga Kapatid.  Ang tamang makakapagbigay sa atin ng tamang detalye, e, si Kuya Raffy mismo at ’yung kampo ni senador Manny Pacquiao.”

Kaya abangan nalang kung  magpa-file nga ng candidacy si Raffy Tulfo sa darating na Oktubre.

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.