Itinanghal na Most Versatile Actress of the Decade si Aiko Melendez Dangal ng Lahi Awards 2021.
Personal niyang tinanggap ang award niya sa Okada Manila nitong Nobyembre 27, Sabado at lubos niyang pinasalamatan ang bumubuo ng taunang parangal.
Sinundan pa niya ito ng pasasalamat sa kanyang social media post. Aniya sa Instagram: “Maraming Salamat po sa Dangal ng Lahi sa pagkilala po sa akin bilang Actress of the Decade. Napakalaking karangalan po ito para sa akin. At gagawin ko po itong inspiration. I am Humbled.”
Dahil sa personal na pangtanggap ng award at isang araw nagpahinga si Aiko sa paglilibot niya sa District 5 ng Quezon City para mamahagi ng ayuda.
Samantala, nakapanayam ni Aiko si Dennis Padilla sa kanyang YouTube Channel na in-upload kamakailan. Muling tumatakbong konsehal ang komedyante sa ikalawang distrito naman ng Caloocan City, kung saan nagsilbi na siya dati ng tatlong termino, mula 1998-2007.
Natanong ni Aiko kung ano ang mga ordinansang isusulong ng aktor kapag nanalo ito at nabanggit nga nito na may naiwan siyang tatlong ordinansa noon na hindi na napa-aprub dahil inabot na ng last term niya.
“I have this academic bonus o academic incentives,” panimula ng komedyante. “Before kasi ’yung mga valedictorian at salutatorian sa public high school namin sa Caloocan pag nag-graduate ka ng valedictorian, you will receive 20,000 from the city government tapos pag salutatorian, you have 10,000 or 15,000.
“Ngayon sa bagong ordinansang gagawin ko kung sakaling papalarin ako, I will make 50,000 sa valedictorian and 30,000 sa salutatorian para may pang ready na sila sa college.”
“Number two, siguro pag napa-aprubahan ko, siguro tatawagin ako ng taong Mr. Toilet,” natatawang pagpapatuloy niya. “Kasi di ba maraming [who] live in poverty saka ’yung community super poor. Ang napansin ko kapag pumapasok ako [sa mga bahay nila], wala silang matinong CR.
“So, what I’m planning to do is magpapagawa ako ng CR na pang-public na sobrang linis na pag pumasok ka may magandang mirror, magandang shower, maganda ang gripo, maganda ang tiles. Kaya lang, you have to pay ten pesos pag nag-CR ka, pag magsa-shower ka, five pesos. Kasi para sa pang-maintenance ng tubig. Tapos, I will ask the barangay captain kung saan mo tinayo ’yung public toilet na maganda na mag- assign ng Tanod na care taker sa umaga at sa hapon,” paliwanag ni Dennis.
Dagdag pa, “pati sa mga jeepney o traysikel drivers ay puwedeng mag-shower bago sila umuwi para malinis na sila at mahawakan na ang mga anak nila.”
Pero aniya, dapat ay may oras ang bukas ng gripo—mula 5AM hanggang 5PM—para raw hindi gawing igiban.
At ang ikatlo ay ang, “babawasan ko ’yung pondo ng Caloocan sa infrastructure, idagdag ko sa pambili ng medical equipment. Tapos ’yung hospital namin gusto kong maging tulad ng hospital ng Makati. Kasi pag pumasok ka akala mo nasa Manila Pen [hotel] ka ’yung lobby. Kaya kahit dugyot at mahirap ka ’yung inuupuan mo parang bida [ka]. Nakaka-‘Aww.’ Gusto ko maging ganu’n din ’yung hospital namin sa Caloocan.”
Napa-isip si Aiko sa ikatlong ordinansa ni Dennis na puwede raw niyang gayahin dahil tungkol din daw sa health ang prayoridad niya.
Anyway, may paparating na pelikula si Dennis na ipalalabas na sa Disyembre 31 sa Vivamax, ang part 2 ng Sanggano, Sanggago at Sanggwapo, ang hit movie nila ng mga ka-Batang ’90s niya na sina Janno Gibbs at Andrew E.
Gagampanan ni Dennis ang karakter na Sanggano, Sanggago naman si Janno, at Sanggwapo si Andrew.
Bumunghalit ng tawa si Aiko sa mga sinabi ni Dennis, tungkol sa mga roles nila.
“Parang hindi bagay kay Andrew ’yung Sanggwapo, ah!” nang-aalaskang sambit ni Aiko.
“Pero wala, e, mga tao tawag sa kanya gwapo. Kasi siya ’yung kumanta ng ‘Humanap ka ng Panget.’”
Sa puntong iyon ay nag-introduce ng mini-game si Aiko para sa kanyang guest. At ito ay ang “pinaka” game kung saan ituturo ni Dennis kung sino ang pinaka-best described ng katangiang babanggitin niya.
Sa tanong kung sino sa kanilang tatlo ang pinaka-chickboy...
“Parang ako at si Janno—nu’ng araw, ha,” natatawang sagot ni Dennis. “Si Andrew kasi ano talaga ’yan family man. Saka nu’ng binata ’yun pag nag-syota siya, ’yun lang, isa lang.”
Hirit ni Aiko: “Ikaw hindi ’no?”
“Minsan may mga ganu’n ako, e, noong araw,” pag-amin naman ng aktor. “Ngayon wala na.”
Ang “pinaka-mabisyo” trait among them ay inako na rin ni Dennis.
“Parang ako kasi ’yung dalawa hindi umiinom,” ani Dennis. “Nagbi-beer ako, nagha-hard din ako. Pero hindi ako nagyo-yosi mula noong 2014. Ah, si Janno nagyo-yosi pero hindi siya masyadong umiinom. Si Andrew, hindi nagyo-yosi, hindi rin umiinom.”
Siya rin daw ang pinaka-galante kahit na si Andrew E. ang pinaka-mayaman sa kanila.
“Kasi songwriter siya [Andrew E.], pag gumawa siya ng kanta nabebenta niya kahit sa ibang artists.”
Sumang-ayon din ang aktres na si Andrew nga lalo’t siya rin ang kumakanta ng mga soundtrack ng mga pelikula nila sa Viva.
Pinaka-punctual din daw si Dennis sabi niya; pero siya rin daw ang pinaka-gago sa kanila.
“Ano ba, Kuya Dennis, the movie is all about you? Feeling ko ikaw lahat ’yun?” tila natatawang reklamo ng actress-vlogger.
“Feeling ko ’yung pagka-gago namin ni Janno, cute lang,” pag-depensa naman ni Dennis. “Hindi naman nakaka-offend ng tao.”
Sa tsikahan nila ay nabanggit din ang kissing scene ni Dennis sa leading lady niya sa Sanggano, Sanggago at Sanggwapo. At binibilang niya pa kung ilang Segundo ito tumagal.
“Binibilang mo talaga, ha! Hahaha!”
Pero aniya, nagbibiro lang daw siya dahil wala namang malisya ’yon.
“Siguro kung bata ka, mate-turn on ka sa kissing scene. Pero pagka me edad ka na, hindi ka basta mate-turn on.”
“Wow! Ikaw ba ’yan?” humagalpak na tudyo naman ni Aiko.
“E, kasi maraming [tao], may mga lightman, may cameraman. Not unless ’yung kahalikan mo, e, crush mo sa personal o may lihim kayong ugnayan. Iba ’yun,” paliwanag naman ng aktor.
Medyo nag-alangan naman si Aiko na basahin ang next character trait.
“Ayaw ko itong sabihin...sino daw sa inyong tatlo ang pakboy,” humahagikhik na tanong ng aktres.
“Parang si Janno yata?” panlalaglag ni Dennis.
“Huy, hanggang ngayon?” balik-tanong naman ng tawang-tawang si Aiko.
“Si Janno ang pinaka-pakboy sa amin, e,” pag-uulit ni Dennis.
“So, pinaka-matino si Andrew?” tila may alinlangang tanong ni Aiko.
“Andrew talaga,” paniniguro naman ni Dennis.
“Parang ikaw na naman ’to...” birong akusa ni Aiko regarding sa isa pang katangian.
“Pinakamaraming naka-relasyon?”
“Hindi si Janno marami rin,” panglalaglag muli ni Dennis kay Janno.
Binilang ni Aiko sa daliri ang mga alam niyang naka-relasyon ni Janno.
“Alam mo, papatayin ako ni Janno? Hahaha!”
“Kailangan siya ang mag-guest para mapagtanggol niya ang sarili niya,” sakay naman ni Dennis.
Sino naman daw ang pinaka-mainitin ang ulo?
“Ay, pantay lang kami ni Janno. Sumpungin ’yun, e. matapang din ’yun.”
Pinaka-responsible?
“Si Andrew ang pinaka-responsible sa amin,” sabi ulit ng aktor.
Si Dennis din ang lumabas na may pinakamaraming iniyakang babae kaya ang reklamo niya: “’Yung gumawa ng questions na ’to parang ako ’yung tinata-target.”
Samantala, parehong malihim daw sila ni Janno kaya hindi sila puwedeng mag-away na dalawa.
Si Janno naman ang tingin ni Dennis ay pinaka-gastador kanila.
“Magastos siya pagdating sa rubber shoes,” pambibisto ni Dennis. “Kahit na mahal bibilhin niya. Ako lahat ng rubber shoes ko regalo. Nanghihinayang akong bumili ng rubber shoes na worth ten thousand. Mga anak ko ang nagre-regalo sa akin.”
At ang nakakabaliw last question, sino raw sa tatlo ang “pinakamalaki...?”
“Janno!” walang gatol na tugon ni Dennis.
“Hindi pa ako tapos,” mabilis na singit ni Aiko.
“Malaki ang puso? Hahaha!” humahalakhak pahabol ni Aiko.
“Accepted na namin ’yun, eh,” kaswal na sabi ni Dennis na deadma sa pahabol ni Aiko.
“Totoo?” curious na sabi ng aktres.
“Siya ang pinakamaliit sa amin, ’di ba? Pero siya ’yung pinakamalaki ang sandata. Mapapa-‘I love you’ talaga ’yung babae.”
“Talaga? Small but terrible,” sambit naman ni Aiko na halos maluha na sa katatawa.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber