Sen. Manny Pacquiao, nagbigay ng '101 Love Advice' kay Matteo Guidicelli; sinabi niyang gaya ni Matteo, ayaw din ng mama niya kay Jinkee noon

PHOTOS: Matteo Guidicelli Facebook Live and Instagram

PHOTOS: Matteo Guidicelli Facebook Live and Instagram

Kagabi, March 29, ay nagpaunlak ng online guesting si Senator Manny Pacquiao sa One Voice Pilipinas fundraising drive sa pangunguna nina Matteo Guidicelli at Kean Cipriano.

Ang nalilikom na pera sa fundraising na ito magiging ayuda sa mga pamilya naapektuhan ng enhanced community quarantine due to the coronavirus disease (COVID-19) outbreak.

Pinasalamatan ni Matteo ang senador sa pagbibigay oras sa kanilang online fundraising drive, gayun na rin sa mga naging tulong ng senador, bilang public servant and as private citizen, lalo na ngayong humaharap sa health crisis ang bansa. 

"Sir Manny, but on a serious note, thank you very much for all you have been doing for the country," sabi ni Matteo. "The support, kay daghang salamat sa imo ha, Sir. You're an idol of many many people not just in the Philippine but all over the world. And, of course, I'm sure everybody knows the partnership of Senator Manny Pacquiao and his friends, they donated 400 million worth of test kits. Sir, daghang salamat, Sir.”

Hindi naman sinolo ng Pambansang Kamao ang credit at ipinaliwanag na ang mga dumating na test kits ay mula sa billionaire friend n'ya na si Jack Ma.

"Itong testing kits na ito, galing ito sa kaibigan ko na si Jack Ma," paliwanag ng senador. “At no’ng na-mention ko sa kanya na short tayo ng testing kits hindi naman s'ya nagdalawang isip. Okay, magbigay daw s'ya. Sinabi n'ya sa akin magbigay daw s'ya through his foundation.

Sa ngayon, nai-turn over na ng Pinoy world-boxing champ ang mga nai-donate na testing kits sa Department of Health [DOH] para ipamahagi sa mga ospital.

"Nandu’n na. Tinurn over ko na sa DOH para sila na ang bahala mag-divide nu’n all over the Philippines."

Nanawagan din ang senador sa publiko na makipagtulugan sa pamahalaan upang masugpo ang coronavirus na sa kasalukuyan ay kumitil na sa buhay ng 78 na Filipino. 

"Importante lahat ng tao makipag-cooperate sa ating gobyerno para matapos agad itong problema na ito," panawagan ni Manny. "Kasi kung hindi makipag-cooperate ang mga tao matatagalan tayo to solve this problem. What we need is to support the government na makipag-cooperate tayo. Kapag sinabing hindi kailangang lumabas, 'wag na lumabas para mapuksa kaagad itong problema na ito.”

Matapos nga nito ay humingi ng payo si Matteo mula sa senador para sa katulad n'yang kakakasal pa lamang. At dito na inihaling-tulad ng boxer-turned-senator ang kalagayan ni Mateo sa naging kalagayan nila ng asawa niya g si Jinkee noong araw. It turned out, updated pala ang senator sa mga kaganapan sa buhay ni Matteo. 

“Alam mo, ito mashi-share ko sa’yo," simulang paglalahad ni Senator Manny. "What is happening to you now, that's my experience. It happened to us, kami ni Jinkee, before. 

"Nagpakasal kami wala 'yong magulang ko kasi ayaw n'ya [Mommy Dionisia] kay Jinkee. Same thing with you. Parang ganu’n. Pareho talaga...na nagpakasal kami ni Jinkee, wala 'yong  magulang ko. 

"'Yong magulang lang ni Jinkee nandun and then 'yong relatives n'ya. Ang kasama ko lang ‘yong kapatid ko. Isa. And then wala na." 

Matatandaang nagpakasal nga sina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo last February 20. Ang dapat sana'y intimate at sekretong kasal ay napuno ng kontrobersya at issue na kinasangkutan pa ng ina ni Sarah na si Mommy Divine at ng bodyguard n'yang si Jerry Tamara. And the rest was a fresh history. 

Dagdag-k’wento pa ng senador: "Ang nangyari kasi ayaw ng mama ko kay Jinkee noong araw pa. Pero later on nu’ng nakita n'ya na masaya kami na pamilya, at nagkaroon na s'ya ng apo, unti-unti n'yang naintindihan na kailangan pala suportahan ang anak para maging masaya at maging masaya din [s'ya bilang] lola.”

Hindi naman daw nawala ang tulong at suporta nina Manny at Jinkee sa parent nila kahit noong nagsisimula pa lang sila bilang mag-asawa.

"Nakita n'ya na masaya ang pamilya namin at tinutulungan namin s'ya kahit na hindi kami sinipot. At kahit nagagalit s'ya sa amin, nagagalit s'ya kay Jinkee, sa akin, we still love our mother and father [at umasa kami] na maintindihan sana nila. 

Kalaunan, natanggap din diumano ni Mommy Dionisia si Jinkee bilang asawa ng kanyang anak.

"Later on naintindihan naman nila na hindi habambuhay nad’yan ka sa puder nila nakatira. Later on, maintindihan din nila. So, huwag lang natin awayin yong magulang natin."

Sinang-ayunan naman ni Matteo ang sinabi ni Senator Manny. 

"Sa ayaw at sa gusto natin," pahabol pa ng senador, "iisa lang ang magulang natin dito. Kapag sila nawala na mahirap 'yon. Hindi ko naman sinasabi na maka-mama ako o Mama's boy ako but that's our responsibility. We should love our parents."

"Amen," tugon ng Kapamilya actor. "That's very true."

"Solid na advice 'yon, Matt ah," komento naman ni Kean mula sa kabilang linya. 

"I'm taking account every single word kay Senator Manny," sabi naman ni Matteo. "Daghang salamat kaayo...Sa panahon natin, we realize how precious life is, how precious are relationships are, how precious 'yong mga single relationship natin sa mga mama, papa, kapatid natin. Importanteng mag- 'I love you.'" 

Sagot naman ni Manny: "Ako lagi ako nag-a 'I love you' sa mama ko, sa mga magulang ko, sa asawa ko. Sa ganitong sitwasyon o hindi magandang sitwasyon lagi akong nag-a-'I love you' sa kanila kasi hindi natin alam ‘yong buhay baka mamaya wala na tayo o bukas wala na tayo. At least we say I love you to our loved ones."

Gano’n na lamang ang pasasalamat ni Matteo na maimtim na nakikinig sa mga payo ng senador.

"Sir Manny, daghang salamat for the inspiration," sukli ni Matteo sa love and relationship advice mula sa Pambansang Kamao.

At hindi pa natapos doon ang lahat. Nag-share pa s'ya ng mga pinagdaanan nila ni Jinkee bilang mag-asawa. Bukas rin daw s'ya sakaling humingi ng tulong si Matteo, at kahit si Kean, kung kailangan nila ng guidance sa buhay may-asawa o bago gumawa ng mga hakbang sa buhay. 

"In our experience, with my wife, 41 [years old] na kami ngayon," kwento ni Manny. "Nag-asawa kami is 19 years old kami pareho, so 22 years na kami [as husband and wife]. 

"In our 22 years, our experience is more than that. It’s like 50 years na kaming mag-asawa. Sa experience namin sa buhay, there's a lot of trials, temptation in your relationship, in your family. 

"But anything na I can help, advice, before you make decision, you can call me anytime. You can ask advice, or guidance, biblically or spiritually I can do that. 

"Ayoko talaga ’yong magpamilya na mawasak o maghiwalay. Dapat maintindihan ng husband kung ano ang posisyon n’ya, maintindihan ng wife ang pagiging wife n’ya. Kapag nagkaroon ng overlapping 'yan at hindi magkaintindihan, kanya-kanyang pataasan, sasabog na

"Teamwork talaga palagi. Sometimes, kung maganda naman 'yong suggestion o idea ng asawa pakinggan din natin. Sometimes may suggestion naman 'yong husband na maganda, the wife must submit to the husband. Balancing lang.” 

Pagtatapat pa ni Senator Manny: "Kami ng asawa ko hindi kami nag-aaway. Nag-uusap kami palagi. Ganun lang. 

"Maraming pagsubok na madadaanan, mark my word," muli n'yang balik kay Matteo. "You will remember me. Anything na I can help and advice don't hesitate to call."

"Salamat kaayo," masayang tugon ni Matteo sa mga aral mula kay Manny. "This is '101 Love Advice' from the champion, People's champion, Senator Manny Pacquiao."

Bago magpaalam sa ere, naghandog din ang senador sa viewers ng Kapampangan folk song na "Atin Cu Pung Singsing."

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Best Matteo Guidicelli “kilig” soundbites from last night’s OneVoicePH live show

Liza Soberano, ginisa nina Matteo Guidicelli at Kean Cipriano tungkol sa kanyang lovelife 

Sarah gives a glimpse of how they celebrated husband Matteo’s 30th birthday

Pika's Pick: Matteo Guidicelli’s “One Voice Pilipinas” relief effort will have its Facebook Live Part 2.


 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.