Sa loob ng dalawang taong pandemic, mabibilang lang siguro sa daliri ang naging paglabas ng bahay ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Literal na pinaka-major na paglabas niya ang pagpunta niya sa Israel to judge the Miss Universe pageant last December dahil hindi lang siya lumabas ng bahay, kundi lumabas pa ng bansa at nasilayan ang beauty niya worldwide.
Bukod doon, masasabi na sigurong ang contract signing niya with Kamiseta Skin, na ginanap sa W Global Center sa BGC, ang unang public appearance niya ulit in a long time.
Unang pagkakataon din na nakausap siya ng ilang members of the entertainment press nang face-to- face at hindi lang via Zoom.
Bilang nanay, aminadong praning pa rin kasi si Marian sa pandemic at pawang mga importanteng bagay lang ang nakaka-kumbinse sa kanyang mag-public appearance.
“Malakas sa akin si Miss Cris [Roque],” birong-totoong tsika ni Marian na ang tinutukoy ay ang may-ari ng Kamiseta na umano’y naka-kumbinse sa kanyang lumabas ng bahay.
“Hindi, she made sure naman na safe naman tayong lahat dito. Nag-swab pa kanina. So, wala namang dapat ipag-alala. Binigay naman sa akin ni Miss Cris at Kamiseta ’yun. So, uuwi ako ng bahay na okay ako, nothing to worry.”
Mabilis na “secret” naman ang naging sagot ni Marian sa tanong kung ano na ang pinagawa o ipapagawa niya pag dating sa kanyang skin at katawan ngayong siya na ang face of Kamiseta Skin, ang skin clinic veture ng Kamiseta group of companies.
“Secret!,” natawang sabi niya. “Hindi ko naman sila ie-endorse kung hindi ako nagtitiwala sa kanila, ’di ba?
“Looking forward talaga ’ko na i-try pa ang ibang ginagawa nila at hindi lang ako, isasama ko rito ang buong glam team ko, family, and promise ko kay Mama ko, pupunta kaming dalawa rito just to bond. Alam mo ‘’yun? Bonding lang.”
At napag-usapan na rin lang ang tungkol sa skin, natanong ang makinis na aktres kung despite being blessed with good genes, ay may sinusunod pa rin ba siyang skin-care routine even prior to signing up with Kamiseta Skin.
“Yes, hindi pwedeng in-born ka lang. Kailangan alam mo rin kung paano alagaan ang sarili mo. Treatment man ‘yan or moisturizer man ‘yan, dapat talaga you know how to take care of yourself.”
Isa si Marian sa mga celebrities na talaga namang sa kabila ng pandemya ay patuloy ang naging daloy ng mga blessing especially pag dating sa mga endorsements.
May mga nagre-renew ng kontrata niya at may mga bago. At isa nga sa pinaka-bagong blessings niya ang Kamiseta Skin. At mismong ang CEO at President na ng kumpanya ang nagpatunay na si Marian nga raw ang kauna-unahang celebrity endorser ng kanilang brand.
“This is the first time that we’re going to have a face of Kamiseta and it is our honor to have the very beautiful Marian Rivera...Marian is beautiful inside-out,” saad ni Ginang Cris Roque.
“Siguro dahil sa Itaas lahat...bigay Niya talaga lahat,” nakangiting pag acknowledge naman ni Marian. “Siguro kahit ano’ng gawin ko, kung hindi para sa’yo, hindi para sa’yo. So, sa Kanya yan. Bigay Niya yan.”
Siguradong marami naman ang matutuwa dahil positibo ang naging sagot ni Marian nang tanungin namin siya kung ang face-to-face contract signing niya with Kamiseta Skin ang simula na ng paglabas-labas niya in public? Hudyat na din kaya ito na p’wede na rin siyang mapanood muli sa telebisyon?
“Definitely yes,” saad niya. “Hindi ko alam kung p’wede ko nang sabihin, pero ’yung sitcom namin ni Dong, may script na kami. Excited na kami and taping na lang talaga ang hinihintay.”
Hindi pa masagot ni Marian kung lock-in taping pa rin ba ang paiiralin sa kanilang mag-asawa.
“Hindi ko alam, pero kung saan safe kami. Pinag-uusapan pa namin. At least, magbabalik kami and with Dong pa,” nakangiting dagdag niya.
Ang tila hindi pa maka-commit si Marian ay sa paggawa ng teleserye.
“Tingnan natin kung ano ang ibibigay ng mundo,” pasubali niya. “Baka mamaya mas maluwag na, konti na lang ang lock-in or baka naman wala ng lock-in? Much better ‘di ba? Mas makakauwi ako sa bahay.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber