Sinang-ayunan ng komedyante at talent manager na si Ogie Diaz ang naging statement ni Kapamilya actress Andrea Brillantes na maraming plastik o mapagpanggap sa showbiz industry.
’Yon kasi ang naging paliwanag ng aktres sa YouTube vlog n’ya few days ago kung saan sinagot n’ya ang ilang assumptions sa kanya ng netizens.
Isa na nga roon ang tila kawalan daw n’ya ng friends sa industry.
“Lumaki naman talaga akong walang friends,” sagot ni Andrea sa assumption. “Hindi lang importante sa akin na marami akong kaibigan. Kasi nga, believe it or not, alam ko na alam n’yo naman, maraming plastik sa showbiz.”
Sa sweeping statement na ito ni Andrea napa-reak si Ogie Diaz sa kanyang vlog na in-upload sa YouTube ngayong araw, October 6.
“Huwag kang mag-alala, Andrea Brillantes. Hindi ka pa ipinanganganak alam kong nagsasabi ka nang totoo. Hahahaha!” pag-agree naman ng comedian-vlogger at talent manager.
Pero agad ding bumawi si Ogie at sinabing ganu’n daw talaga ang tingin sa entertainment industry dahil nga ang trabaho ng mga artista ay umarte at magpanggap bilang mga karakter sa teleseye o pelikula.
“Pero actually, masyado lang nama-magnify ang showbiz as parang ang plastik kasi, ’di ba, this is the world of make-believe, ika nga,” pagliwanag ng talent manager ni Liza Soberano.
“So, parang doble-kara daw ang showbiz. Kasi isang nakangiti, pag talikod nakasimangot o umiiyak. Or isa daw umiiyak pag talikod acting lang pala, nakatawa pala s’ya. So, ganito dito.”
Pero kahit sa ibang industriya din naman daw o profession ay meron at meron din namang mga plastik.
“Sa ibang larangan din meron namang ganu’n,” lahad ni Ogie. “Bakit sa isang opisina ba walang plastik, lahat totoo? Sa pulitika ba walang plastik, lahat totoo? E, ’di ba, ’yong iba pa nga corrupt?
“Anak [Andrea], hindi mo na kailangang ipag-giitan ’yan. Kahit saang larangan, kahit sa school, kahit sa trabaho may plastik.”
Sey ni Mama Loi na ka-tandem ni Ogie sa vlog, may point naman daw ang aktres dahil mahirap nga namang makahanap ng true friend sa showbiz.
“Kahit saang larangan may plastik, may totoong kaibigan,” muling giit ni Ogie. “Kahit nga sa sarili mong pamamahay, sa pamilya mo, ’di ba? Madalas din isa sa mga kaanak mo ay plastik sa ’yo, nai-insecure sa ’yo.”
Paliwanag pa ni Ogie, may dalawa raw uri ng kaibigan sa showbiz.
“Dito sa industriya natin sa showbiz, merong itinatangi kang kaibigan. Meron ding tinatawag na ‘true friends’ and ‘taping friends,’” aniya.
“Ang taping friends, sabi nga ni Janus del Prado ay ’yong kaibigan mo lang during taping, dahil kasama mo lang sa taping, dahil kasama mo sa dressing room o sa tent kaya kayo nagkaka-tsikahan. Taping friends ’yon.”
Hindi naman daw ibig sabihin ng taping friends ay pakikipagplastikan, paglilinaw n’ya.
“Ako, ’yan ang mas marami sa akin, taping friends na kapag oras ng taping…ayan, magkakaibigan kami. Nice kami sa isa’t isa pero hindi nangangahulugan na nagpa-plastikan kami,” pagbabahagi ng komedyante.
“Kundi, nice kami sa isa’t isa kasi ayaw namin ng animosity sa loob ng taping. Ayaw namin nang magkaka-away kami dahil maaapektuhan tiyak ’yong aming pag-arte. Magsa-suffer ang aming craft pag may dalawa doon [na artista] na hindi nagkikibuan.”
“Kaya minsan ayaw din nila [sa production] ’yong love team ay magkarelasyon sa totoong buhay kasi nga pag nag-away ’yan damay pati trabaho.
“Minsan si girl o si boy ayaw mag-taping. O, ’di, wala na. Purnada na. Nadadamay pati ibang artistang wala namang kinalaman sa away nila.
“Kaya ako, iba ang taping friends sa akin sa true friends,” pagtatapos ni Ogie.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber