Tanong ni Angel Locsin kay SolGen Calida: “How do you expect us to heal as one kung kayo po mismo ang susugat sa amin?”

SCREENSHOT @AngelLocsin on Facebook

SCREENSHOT @AngelLocsin on Facebook

Isang mahinahon at mapagpakumbabang Angel Locsin ang nagpaliwanag ng kanyang side hinggil sa pamamaalam sa ere ng ABS-CBN. Malayo ito sa palabang aktres nang mag-shutdown ang Kapamilya network last week dahil sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).

Sa video na inilabas ng 35-year-old actress sa kanyang social media accounts kagabi, May 11, nilinaw ni Angel ang pagsasalita niya ay bilang pagkatig sa mga affected employees ng istasyon at hindi upang magreklamo para sa kanyang sarili. 

Hindi po ako magko-complain tungkol sa sarili ko,” panimula ng award-winning Kapamilya star. “Okey po ako dahil sa suporta n'yo. Hindi man ako kasing-yaman ng mga kasabayan ko pero okay ho ako. Ang sa akin lang po, kung maipapangako po na ’yong mga mawawalan po ng trabaho sa gitna ng pandemya, kung magkakaroon po sila ng trabaho na may parehong sweldo, may parehong benepisyo, dahil ilang taon po ang ibinigay nila doon [sa kompanya] para maabot nila 'yong estadong ’yon, kung meron po tatahimik po ako. Wala po kayong maririnig sa akin. 

Pero alam ko ho na hindi po p’wedeng mangyari ’yon, na hindi mangyayari ’yon dahil marami pa ho ang walang trabaho ngayon.

The General’s Daughter lead actress also made it clear na ang kanyang pahayag ay hindi nangangahulugan ng pagsalungat sa pamahalaan. Bagkus ay ang mabigyan ng pagkakataon ang ABS-CBN na maipaliwag ang kanilang panig. 

Lilinawin ko lang po na hindi ito laban against the government. And I wish the president the best dahil hindi po natin malalampasan ang pandemyang ’to kung wala po s’ya.

Ang inilalaban ko po dito ay ang mabigyan po ng extension ang prangkisa ng ABS-CBN kagaya rin po ng pagbigay ng extensions sa ibang kompanya na nag-expire po ang kanilang prangkisa pero na-extend po para dinggin ng kongreso ang kanilang mga kaso.”

Ang tinutukoy ni Angel ay ang mga kumpanyang gaya ng TV5 at mga telecoms gaya ng Smart Communications at Globe, among others, na nabigyan ng automatic extension ngayong lockdown.

Sana raw ay madinig nang tama ang kaso ng ABS-CBN sa kongreso. At sakaling mapatunayan talagang nagkamali ay saka pa lamang parusahan.

Naniniwala rin po ako na sana mabigyan po ng araw sa congress ang ABS-CBN para maharap po nila ’yong mga paratang sa kanila. Para mabigyan po sila ng chance... na chance po sa tamang paglilitis na tama lang naman po.

Ngayon naman po kung sakaling mapatunayan na merong pagkakasala ang ABS-CBN, tama po kayo. Ang batas ay batas na dapat pong sundin. Kung mayroon pong pagkakamali, ayusin. Kung sino mang nagkasala, parusahan. Pero ayusin po natin ang mali.

Dagdag pa ng aktres, naniniwala s’yang walang perpektong kompanya pero hindi umano ang pagsasara nito ang solusyon lalo’t nasa gitna nga ng krisis ang bansa.

Pero hindi ang pagpapasara at pagdagdag pa po sa mga listahan na napakalaki na wala na pong trabaho ngayon, lalo na po sa gitna ng krisis [ang sagot].

Alam n'yo po, ako po naniniwala rin po ako sa second chance. Lahat po tayo deserve po natin ’yong magkaroon ng second chance para maayos po natin ’yong mga bagay-bagay, second chance to fix things."

Nai-special mention din ni Angel sa kanyang video message ang showbiz reporter and radio announcer na si Jobert Sucaldito na naglabas naman ng sama ng loob nito against ABS-CBN matapos umano s’yang patawan ng indefinite leave without pay ng istasyon hinggil sa issue n'ya involving Nadine Lustre kamakailan.

“And Kuya Jobert [Sucaldito], mahal po kita,” say ni Angel, directly addressing him. “Alam ko po ’yong naitulong n’yo sa mapapangasawa ko [Neil Arce]. Naging mabait po kayo sa ’kin. Pero aminin po natin pareho na mali po ang pagkakasabi n’yo na magpakamatay na lang po si Nadine [Lustre] sa ere. Mali ho kayo doon.

However, nag-reach out ang aktres sa showbiz writer na gusto n’ya umano itong tulungan upang maayos ang naging problema nito with the ABS-CBN management. 

Pero naniniwala po ako Sir, sa haba ng panahon na binigay n’yo sa industriyang ito, deserve n’yo po ang second chance. Sir, tulungan ko po kayo d’yan. Kakampi n’yo po ako d’yan.”

Nagpahatid-mensahe rin si Angel sa kanyang home network na na maging patas sa mga empleyado nito, lalo’t sakaling mabigyan ito ng second chance sa broadcasting franchise.

At sa ABS-CBN, kung mabibigyan ho tayo ng second chance, ng pangalawang pagkakataon, itama ho natin lahat ng pagkukulang natin,” panawagan ng aktres sa ABS-CBN management. “Pasalamatan ho natin ’yong mga tao, ’yong mga tao na sumuporta sa laban. Mas bigyan po natin nang tamang alaga ’yong mga nagtatrabaho sa ABS-CBN kasi sila po ’yong sumuporta sa laban na ito. 

“’Yong mga irregular na matagal nang nagtatrabaho sa ABS-CBN, i-regular po natin. Bigyan po natin nang tamang benepisyo. Bigyan po natin nang magandang buhay ang mga tao.

Hindi rin nakalimutang banggitin ng itinuturing ng marami na “real-life Darna” ang mga empleyado ng ABS-CBN na-dismiss at hindi umano nabigyan ng due process noon. Sila man umano ay deserve din ng sinasabi niyang second chance.

’Yong mga nangangailangan ng trabaho—tutal alam naman po natin ang pakiramdam ng walang trabaho—sana po mabigyan natin ng trabaho.Yong mga empleyado na natanggal sa trabaho na matagal na palang lumalaban, alam n’yo kung meron ho silang pagkakasala, may pagkukulang  sila nang panahong ’yon, bakit hindi po natin bigyan ng second chance. Lahat po tayo nangangailangan ng trabaho ngayon.

Isa pa sa special mention ni Angel ang dating cameraman ng ABS-CBN na si Journalie Payonan. Naglabas kasi ito ng kanyang hinanakit sa ABS-CBN through a video na nag-viral pa sa social media. Ayon kay Payonan, isa s’ya sa mga illegal na tinanggal ng kompanya na nataon pa umano sa panahon ng Kapaskuhan.

“Sir, nag-reach out ako sa mga kaibigan nating cameraman kung p’wedeng makausap ka,” panawagan ni Angel kay Payonan. “Sir, usap po tayo nang maayos. Pakikinggan po kita. Baka p’wedeng maging tulay ako para maayos ’yong problema. Pakikinggan po kita. Wala po akong pipigilan sa inyo kung magsasalita kayo.” 

Humingi rin ng paumanhin ang Kapuso-turned-Kapamilya actress sa lahat nang mga manggagawang nawalan ng ikinabubuhay dahil sa ipinatupad na community quarantine due to coronavirus disease pandemic na hindi umano niya nadamayan.

Sa mga nawalan po ng trabaho ngayong panahong ngayon, humihingi po ako ng pasens’ya, paumanhin sa inyo ngayon lang kami nagsalita. Ngayon lang kami humarap. At noong wala po kami noong panahon na kailangan n’yo po ng damay naming, humihingi po ako ng pasensya sa inyo. Ganito po pala ang pakiramdam na mawalan ng trabaho. I’m really sorry. Let's heal as one.” 

Hindi rin pinalagpas ni Angel sa kanyang 8-minute video ang pagkakataon upang makapagbigay mensahe Kay Solicitor General Jose Calida at sa NTC na silang itinuturong dahilan kung bakit off-the-air ngayon ang ABS-CBN.

“To SolGen Calida, to NTC, how do you expect us to heal as one kung kayo po mismo ang susugat sa amin?” matapang na tanong niya. 

Naniniwala ho ako, Sir, na marami kayong nagawang maganda sa bayan natin. Naniniwala po ako doon. Pero Sir, kung [itutuloy] n’yo po itong desisyon na ito, kahit na ano’ng degree ninyo, talino, posisyon, at achievements, hindi po ’yan matatandaan ng tao. 

Ang matatandaan po nila, and you will go down in history bilang kayo po ang taong pumatay sa ABS-CBN at dumurog sa napakaraming tao sa gitna ng pandemya. ’Yon ho ’yong matatandaan namin, Sir. At huwag n’yo po hayaang mangyari ’yon.

Bago magtapos, nanawagan ang aktres ng pagkakaisa ngayong humaharap ang bansa at buong mundo sa malaking problema. 

Nakikiusap po ako na magka-isa po tayo at magtulungan lalo na po sa panahon ng krisis. Please, magka-isa po tayo.

Panoorin ang kabuuan ng pahayag ni Angel Locsin dito:

 

My personal opinion ✌🏻 Stay safe everyone 💋

Posted by Angel Locsin on Monday, May 11, 2020

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.