Gustong klaruhin ng ex-partner ni Carlo Aquino at ina ng kanyang anak na si Trina Candaza na hindi totoo ang paratang ni Carlo na hindi niya ipinapakita ang anak nilang si Enola Mithi tulad ng sinabi nito sa media kamakailan.
Sa isang mediacon kasi ng pelikula ni Carlo kamakailan ay natanong siya tungkol sa anak niya at nabanggit niyang matagal na niya itong hindi nakikita dahil ayaw ipakita ni Trina gayung nagpo-provide o nagbibigay naman umano siya ng sustento sa mag-ina.
Hindi ito nagustuhan ni Trina kaya nang padalhan siya ng mensahe ng talent manager/content creator na si Ogie Diaz para makapanayam sa kanyang YouTube channel ay kaagad na siyang pumayag para mailabas din ang panig niya.
Ito ang unang pagkakataong magpa-interbyu si Trina dahil simula nu’ng maging sila ni Carlo hanggang sa maghiwalay noong December 2021 ay hindi siya nagsalita, puro lang cryptic posts ang mababasa sa kanyang social media account.
Pero sa pagkakataong ito ay naglabas na ng saloobin ang mommy ni Mithi.
“I feel offended!," panimula niya.
"'Yung headline po na hindi ko raw pinapahiram si Mithi at siya ang bumubuhay sa aming dalawa. That’s not true Mama Ogs,” tila nagsusumbong na lahad niya kay Ogie.
Nakatikim ng pamba-bash si Trina dahil bakit kailangan niyang ipagdamot ang anak nila ni Carlo gayung binubuhay naman sila nito. May karapatan daw ang aktor sa bata, ayon sa bashers.
At agree naman siya rito. Gusto lang niyang i-quantify na hindi lang solo ni Carlo ang pagbuhay sa kanila.
"I also pay half of our expenses," agad na dagdag ni Trina. "So, para sa akin, dalawa kaming nagpo-provide. P'wede naman niyang sabihing nagsu-sustento siya kay Mithi kasi totoo 'yun.
“Pero para sabihing dalawa kaming binubuhay niya ay nakaka-offend sa part ko Mama Ogs kasi nagta-trabaho rin ako.
“Naghahanap ako ng ways, ng income, para ma-provide do’n sa kulang na ibinibigay niyang sustento. And for me Mama Ogs, in general...napansin ko kapag ang lalaki nagbigay ng sustento for a month mabuting tatay na sila," emosyonal na saad ni Trina na sa puntong ito ay nanginginig na ang boses.
"Pero kapag sa mga single moms, nagta-trabaho kami inaalagaan namin 'yung anak namin...kapag maysakit 'yung bata, kami [ang nandoon]...pero once na may mali kaming nagawa masamang ina kami?” tanong niya habang nagpapahid ng luha.
Doble-kayod nga raw siya kung tutuusin.
“Kay Carlo kasi 'yung sustento niya, he can earn it in a day, pero ako 'yung pino-provide ko na half, ilang trabaho 'yung katapat para ma-provide ko 'yung one month,” emosyonal pa ring patuloy ni Trina.
"Ang convenient palang maging lalaki? Ang sakit lang sa pakiramdam kasi ako 'yung nag-aalaga, ako 'yung nandiyan, nagpupuyat, ako 'yung nagha-handle ng tantrums, nagdidisplina sa anak ko yet kailangan ko ring mag-provide. I feel offended kasi I work hard din to provide.”
Sa tanong kung walang daw bang palya ang sustento ni Carlo para kay Mithi...
“Nagbibigay po siya ng sustento, minsan pinupuntahan niya si Mithi o pinapasundo niya. Nagagampanan naman niya pero he will only give the bare minimum. He will not extend efforts,” malamang lahad niya.
Isang taon ng hiwalay sina Carlo at Trina simula noong December 2021 kaya natanong siya kung ilang beses nakita at nakasama ng aktor ang anak.
“Hindi ko mabilang, Mama Ogs, kasi before sinusubukan naming mag-adjust ni Mithi...breastfeeding kasi sa akin si Mithi noon. Hinihiram niya [Carlo] ng three, four days at pumapayag ako kahit alam kong hahanapin ako ng bata sa gabi.
“Then, binawasan ko kasi nakaka-awa naman kasi bakit 'yung bata ang kailangang mag-adjust hanggang sa nagbigay na ako ng terms and rules ko kapag kinukuha sa akin si Mithi.
“Ang sa akin lang, Mama Ogs, kapag kukunin si Mithi, gusto ko si Mithi lang sana. Mamili siya kung kanino niya spend 'yung time niya sa daughter niya, sa magulang niya or sa friends niya. Kasi I think Mithi doesn’t deserve na may kahati sa time since minsan na lang naman niya makasama ang daddy niya,” katwiran ni Trina.
“Respect na rin din sa akin, Mama Ogs," dagdag niya. "Na huwag munang ipakilala si Mithi sa panibagong mga partner niya kasi ayoko ring i-instill sa anak ko, sa values niya na okay lang magpapalit-palit ng partner.
“Kaya para sa akin na if ever man dumating 'yung panahon na may pakakasalan na siya, siguro 'yun kailangan na naming magkita-kita, hahayaan ko na silang mag-bonding kasi 'yun na 'yung tatayong pangalawang nanay ni Mithi,” opinyon pa ng dating karelasyon ng aktor.
Paglilinaw pa ni Trina sa naging pahayag ni Carlo, hindi umano niya ipinagdadamot si Mithi kay Carlo o maging sa partido nito. Gusto lang daw niyang malinaw ang pag-uusap nila sa bagay na ito at hindi tipong kung kailan lang maisipan ni Carlo. Moreover, p'wede naman daw siyang kausapin privately kung si Mithi ang involved dahil open na open daw siya sa co-parenting.
“Gusto ko na lang sabihin is kung gusto niyang makipag-usap sa akin privately and i-address 'yung mga issues namin as co-parenting, I am open,” saad nito.
At nabanggit nga niya na hindi raw pumupunta si Carlo sa kanila para madalaw ang anak.
“Hindi naman kasi siya nag-a-ask kung puwede siyang dumalaw sa condo. May time pa nga na sinasabihan ko siya na wala ako sa condo puntahan mo si Mithi. Pumupunta siya kapag gusto niyang mag-visit.
“Ngayon hindi na [dumadalaw.] Puwede naman siyang pumunta sa condo...pati parents niya puwedeng pumunta pero kausapin nila ako kasi ako 'yung nanay,” ani Trina.
Ang madiing ipinagsisintir ni Carlo ay hindi umano niya nakasama ang anak nitong Christmas season.
“Wala akong sinabi nu’ng holidays pero he knows kung nasaan kami and he knows na very welcome siya do’n sa bahay kung saan kami nag-Christmas.
“I didn’t invite him pero 'yung partner ng sister ko in-invite siya ro’n sa bahay. So, for me, it’s his choice kung gusto ba niyang makasama talaga 'yung anak niya. P'wede siyang pumunta ro’n para makasama si Mithi.
“Pero he chose na doon mag-stay sa bahay nila and spent his Christmas with his new girlfriend or girl with his family which is okay lang naman kung 'yun ang gusto niya, but the problem is, he posted it na hindi ko pinapahiram.
“And also, in addition, Mama Ogs, sinend ko rin sa kanya ang schedule ng school ng anak ko kahit hindi niya hinihingi, so, p'wede niyang puntahan 'yung anak niya sa school anytime. Binilin ko na rin sa teacher,” diin pa ni Trina.
Sa panayam ni Trina, nabalikan din ang mga unang taon ng naging relasyon nila ni Carlo. Hindi kasi masyadong nasaksihan ng publiko iyon. At ayon kay Trina, naging mabilis ang mga pangyayari sa kanila.
“Ang akin naman kasi Mama Ogs, wala namang problema kung i-public ako o hindi as long as alam ng friends mo, family mo, at workmates mo... iyon ang importante kasi hindi rin naman din ako artista, Mama Ogs, na kailangang [isapubliko],” saad nito.
"That was 2019," patuloy niya. "In love naman kami—sa pagkakaalam ko in love kami pero may mga problema na rin naman noon pero okay kami. Pero mas iba pala kapag nagkaroon na kayo ng anak. Mas kikilalanin ninyo pa 'yung isa’t isa.”
Ideal dad naman daw si Carlo noon dahil ito pa ang nagpapalit ng diaper ng anak. Ito rin daw ang nagpapaligo at sagana raw bonding moment ang mag-ama.
“Pero mostly kasi nasa lock-in taping siya di ba kasi nga pandemic, so, nawawala siya noon almost a month tapos babalik siya ng one-month din, tapos aalis na naman,” kuwento ni Trina.
Later on, nakakapansin na raw ng pagbabago si Trina kay Carlo. May mga kutob na siya at sinubukan naman daw nilang pag-usapan at resulbahin.
“Sinabi ko [kay Carlo] kasi gusto kong mag-work [ang relasyon namin]. So, kailangan kong i-address ang issue namin. Gusto kong i-work out 'yung relationship. But to be honest, hindi na-resolve 'yung mga issues.
“Tuloy na lang kung gusto ko ng buong pamilya. Kailangang ituloy lang. I tried naman pero hindi ko na kaya kasi mararamdaman mo kung may pain.”
Sa direktang tanong kung ano ang talagang rason ng kanilang paghihiwalay...
“It’s a very easy question, Mama Ogs, pero knowing na p'wede itong mapanood ni Mithi [in the future], I’d rather not answer the question na lang,” pag-iwas ni Trina.
“I think, everybody knows it,” pahabol na sundot niya.
Noong February 14, 2022, pinadalhan ni Carlo si Trina ng isang bouquet ng bulaklak. Inakala raw niyang senyales ito na gusto ring ayusin ni Carlo ang kanilang pagsasama. Pero hindi raw pala.
“Sa akin kasi 'yung pinakamalaking bouquet, binigyan lang ba niya ako dahil nanay ako ng anak niya or dahil special ba ako or what?," k'wento pa rin niya.
“So, tinanong ko siya that time sabi ko, ‘Bakit mo ako binigyan ng bulaklak?' Sabi niya gusto raw niyang bigyan 'yung mga mahal niya sa buhay. So, tinanong ko, ‘Mahal mo pa ba ako? Ayaw mo na ba kami ibalik? ' Walang sagot,” malungkot nitong kuwento.
“Sagot na 'yun, Mama Ogs [na ayaw na ni Carlo].”
Naka- focus ngayon si Trina sa pagpapalaki kay Mithi at sa bagong negosyong pabango.
Gayunpaman, hindi raw sarado ang puso niya na muling magmahal.
“Ipinagdarasal ko 'yun, Mama Ogs," pagtatapat niya. " Sabi ko, na kung hindi para sa akin 'yung lalaki, 'wag ko nang ma-meet, wag nang mapunta sa buhay ko kasi ayoko na ng heartbreak. Hahaha! Okey na 'yun. Kaya sabi ko kung may dadating na lalaki, sana 'yun na siya. Ayaw ko na ng magpapalit-palit or kumilala ng panibagong tao.”
Sa direktang tanong kung mahal pam ba nya anhg tatay ng kanyang anak...
"Gusto kong maging honest, Mama Ogs, kasi hindi naman ako ganito kung wala [na] talaga, e. Of course meron pa kasi daddy siya ng anak ko.”
Sa puntong ito, hindi na raw siya umaasa sa reconciliation kahit na ito ang gusto niya para sa anak.
“Kung tinitingnan ko si Mithi siyempre sino bang nanay ang ayaw bigyan ng buong pamilya 'yung anak niya, di ba? Pero kung iisipin ko 'yung naging relasyon namin ni Carlo no’n parang hindi na rin magwo-work kung sakali man,” pagpapaka-totoo pa ni Trina.
Sa tanong kung ano ang komento niya sa pahayag ni Carlo na "positivity" ang dating ng bagong girl nito sa buhay niya.
“Wala ako sa posisyon para magsalita about that kasi it’s their relationship. Siguro puwede lang ako makapagbigay ng opinyon kapag naging magiging nanay/step mom na siya ni Mithi kasi sa batas kapag nagpakasal na, di ba?”
Sa huli, binigyan ng pagkakataon si Trina na iparating kay Carlo ang mga nais niyang sabihin.
"Kung gusto niyang makipag-usap tungkol kay Mithi, open ako, kausapin niya ako. Pero sana bukas ang isip niya kung makikipag-usap siya sa akin. Sana intindihin din niya ‘yung situation na kasi s'yempre ako 'yung nasa bahay, ako 'yung kasama ni Mithi. Ako 'yung mas nakakaalam sa ikabubuti ng anak ko.”
At kay Mithi?
“If ever na mapanood niya ito sana maintindihan niya itong interview na ito," lumuluhang lahad niya. "And sana ma-appreciate ni Mithi 'yung efforts ko para mabigyan siya ng magandang future saka 'yung pag-protekta ko sa kanya.”
YOU MAY ALSO LIKE:
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber