Hindi pala nag-sink in kaagad sa comedian and TV host na si Vic Sotto ang pagpabor ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) sa petisyon nila hinggil sa tunay na may karapatan sa trademark ng Eat Bulaga.
Mas nag-alala raw kasi s’ya sa kanyang misis na si Pauleen Luna at anak nilang si Tali na nakasakay sa Ferris wheel habang lumilindol noong December 5.
Iyan ang ipinagtapat n’ya sa entertainment press sa kanilang media conference kahapon, December 6, isang araw matapos malabalita na inilabas na ng IPO ang desisyon sa kanilang petisyon.
Natanong kasi silang tatlo nina Tito Sotto at Joey de Leon kung nasaan sila at ano ang naging reaksyon nila nang matanggap nila ang balitang sila ang kinatigan ng IPO bilang mga creators at may-ari sa trademark na Eat Bulaga at hindi ang Television and Production Exponents, Inc. o TAPE.
Kuwento ng veteran comedian, nagti-taping umano sila para sa Open 24/7 na sitcom n’ya with Maja Salvador sa Kapuso network nang matanggap n’ya ang balita.
“Nasa taping ako sa sitcom ko sa GMA. Tapos ang daming nagte-text, nagko-congratulate. Sabi ko, ‘Hindi naman ako grumadweyt, ah,’” pabirong lahad n’ya
“Puro congratulations. Tapos pinadala sa akin nu’ng kapatid ko, si Maru [Sotto], ’yong statement nga. Doon ko lang nalaman,” pagpapatuloy n’ya.
However, hindi raw n’ya ’yon masyadong naunawaan noong umpisa.
“Pero hindi kaagad nag-sink in sa akin. Kasi, ‘Ano ba ito?’ Mga legal na termino. Hindi ako masyadong maalam sa mga legalities, sa mga legal rights,” pagpapakatotoo ng veteran comedian.
“Ang alam ko lang at nararamdaman ko ay ’yong moral rights. ’Yong moral rights, ’yon, ramdam na ramdam ko ’yon,” dagdag pa n’ya.
Hanggang sa nagkaroon nga ng lindol at doon na raw nabaling ang kanyang atensyon.
“So throughout the day…lumindol, medyo naguluhan ’yong isip ko kasi ’yong mag-ina ko nakasakay sa Ferris wheel,” natatawang pagre-recall ni Bossing Vic.
“Si Poleng saka si Tali nakasakay sa Ferris wheel doon sa Tagaytay noong lumilindol. Sabi ni Poleng, akala n’ya luma na ’yong Ferris wheel [dahil umuuga]. Medyo naguluhan ako,” pagbabahagi pa n’ya.
Mas na-feel lang umano ni Bossing Vic na sila ang kinatigan ng IPO kinagabihan sa gathering nila.
“As the day went on, nag-Christmas party kami, doon pa lang nag-sink in sa akin na ito na ata ’yong kung saan kami dinadala ng tadhana,” saad ng E.A.T. host.
“At mukhang mabait naman ang tadhana sa amin, sa aming tatlo at sa lahat ng Dabarkads kaya malaking pasasalamat,” pagtatapos n’ya.
YOU MAY ALSO LIKE:
Pika’s Pick: TVJ and Legit Dabarkdas celebrate for winning Eat Bulaga trademark case against TAPE
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber