Gusto na raw ni Vice Ganda na magkaroon ng sariling anak pero hindi pa umano niya alam kung paano ito mangyayari.
Inamin niya ito sa tsikahan nila ni Diamond Star at nanay-nanayan niyang si Maricel Soriano. Ito ang naging content nila sa latest vlog entry ni Maria na in-upload sa YouTube nitong September 18.
Isa kasi sa naitanong ng beteranang aktres at ngayon ay Ooomph vlogger kay Vice ay kung may plano ba raw itong magka-anak.
"Kung gusto kong magka-anak? Yes, gusto kong magka-anak," pag-amin ng It's Showtime host sa vlog.
However, hindi pa umano niya alam sa ngayon kung paano niya ito isakakatuparan.
"Hindi ko lang alam kung kelan ko s’ya magagawa," aniya.
Payo naman ni Maricel sa kanya, kailangan daw na talagang pag-isipan ang pagkakaroon ng anak.
"Oo, magkukuwenta [anyos] ka...para pag dating mo ng let’s say, 40...ilang taon na ’yong bata?" saad niya na sinang-ayunan naman ni Vice.
"Korek. Actually, nagko-compute din ako," sagot ni Vice. "‘Maaalagaan ko pa ba ito pag ganito'ng edad [ko]?’ Pag nag-debut s’ya, ilang taon ako nu’n? Makaka-attend pa ba ako ng big party n’ya? Maisasayaw ko pa ba s’ya?' Iniisip ko rin ’yong mga ganu’n."
Dahil naipasok na rin lang ang debut sa usapan, na-curious ang seasoned actress kung anong gender ng baby ba ang gusto ni Vice na maging anak niya.
"S’yempre, gusto ko girl, ’di ba, para naaayusan ko. Pero kung lalaki bongga na rin basta gusto ko magkaroon ng anak," lahad ng komedyante.
Hiningi naman niya ang opinyon ng nanay-nanayan niyang si Maria kung anong bagay sa ka kanya na maging anak n’ya.
"Sa’yo? Both [girl and boy]," sagot ni Maricel.
Ayos lang naman daw ito kay Vice pero may isa siyang ipinag-aalala.
"Kaya lang kasi, natatakot ako pag nagka-anak ako baka ang manahin n’ya ’yong hitsura ko noon," natatawang pagbibiro niya.
Ganu'n pa man, gagawin daw niya ang lahat para maalagaan ito.
"That baby would be the most beautiful baby ever, ’di ba?" aniya.
"Yes, I believe in that. Wag mo lagyan ng pilikmata ha. Kasi baby pa," pabirong paalala ni Maricel sa kanya.
"Haha! Baka mga two years old pa nga lang ’yon naka-nose line na," dugtong na biro naman ni Vice.
Matatandaan na noong Marso ng nakaraang taon, sa kanyang YouTube vlog, ay humiling ang Nanay Rosario ni Vice na sana ay magkaroon siya ng anak.
Ang dami raw kasi niyang naipundar kaya kailangan din niya ng tagapagmana.
Posible na rin naman kasi ito gawin sa panahon ngayon sa tulong ng siyensya gaya ng ginawa ng tinaguriang "Lord of Scent" na si Joel Cruz na may walong surrogate children.
Nasingit pa sa biruan nilang mag-ina sa lumang vlog na iyon ni Vice na ang aktres na si Kaye Abad raw ang natitipuhang artista ni Nanay Rosario para maging ina umano ng anak ni Vice.
“Kaye Abad, alam mo na. Beke nemen p’wede nating pagbigyan ang nanay ko. Charot lang!” pabirong panawagan ni Vice that time.
YOU MAY ALSO LIKE:
Vice Ganda, nagpa-gender reveal party for Angeline Quinto and it’s a boy!
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber